Tatlong araw na ang nakakalipas simula ng samahan kami ni Tatang dito sa kaharian ng Arentis, tatlong araw na rin ang nakakalipas simula ng tanggapin namin ang mga sandatang ipinagkaloob sa amin ni Acacia.
Tatlong araw na rin simula ng gamitin ko ang kapangyarihan ng espadang kahoy. At hanggang ngayon, hindi ko pa rin makalimutan ang mga pangyayari. Hindi ako makapaniwalang ang espadang kahoy na 'yon na inakala kong walang silbi ay may taglay palang ganoong kakayahan.
Hindi na kami bumalik ng Ubug-ubugan, dito na kami nanatili sa Arentis sa mga sumunod na araw. Ipinaghanda kami ni Acacia ng isang napakalaking silid; dito rin sa lumulutang niyang bulwagan. Ayos naman, bukod sa tahimik at parang ginawa naming training grounds 'tong hardin ni Acacia eh okay pa rin.Maraming pagkain eh.
"Kuya Kelvin! Pumasok kana raw dito at aalis na tayo pagkatapos." Dinig kong tinawag ako ni Paolo.
"O-osige, teka lang--eto na." Sagot ko.
Oo nga pala, ngayon na pala ang araw na sisimulan na namin ang aming misyon--ang araw kung saan mag-uumpisa na ang aming paglalakbay bilang mga hinirang at mga bagong mandirigma ng Arentis.
Tss... Hindi pa rin talaga ako makapaniwala...
Nakakatawang isipin na sa edad naming 'to e, sa amin nakasalalay ang kaligtasan ng buong Arentis. Nakakatawa talaga.
Hindi ko alam kung anong mangyayari sa amin sa aming paglalakbay, oo may kaunting takot at pangamba pa rin akong dala-dala; pero hindi na katulad ng dati.
Nakapagsanay na naman kami kahit papaano, siguro naman... Makaka-survive naman kami.
Siguro nga.
Dahan-dahan akong tumayo mula sa aking pagkakahiga dito sa lilim ng puno ng Balete, manaka-naka'y nag-unat unat ako ng mga braso at binti--naghikab.
At dali-daling tumakbo papasok ng bulwagan.
------------------------------------------------------------
Sa loob ng bulwagan ay nakita ko sina Kuya Gayle, Paolo at Tatang Lucas na naka-upo sa harap ng mahabang lamesa. Kausap nila si Acacia--at may hawak itong maliit na supot na iniaabot naman niya kay Paolo.
"Tanggapin ninyo ang kaunting salapi--kakailanganin n'yo yan sa inyong paglalakbay."
Kumakalansing ang loob ng supot na iyon, kinuha ko ang supot mula kay Paolo at binuksan; mga piraso ng iba't ibang bakal ang naroon; tanso, pilak at ginto--pabilog ang mga hugis ng mga ito. Kumuha ako ng isa--'yung ginto at masusi itong pinagmasdan: may mga nakalimbag na letra sa pagilid ng pabilog na piraso ng ginto na 'to na hindi ko naman mabasa, may nakaukit rin na puno sa gitna.
Tumingala ako upang harapin si Acacia at nagtanong: "A-ano 'to? P-p-pera?"
Tumango naman si Acacia. "Oo, yan ang pera dito sa Arentis."
"Pero papaano po namin magagamit ang mga 'to? Eh 'di ba babalik kami sa mundo namin? Anong silbi ng mga 'to? Isasanla namin?" Tanong ni Kuya Gayle.
Bgla namang lumapit sa amin si Tatang, nakangiti ito at pailing-iling na nagsalita.
"Ipagpapalit n'yo ang mga salaping iyan para magamit n'yo sa mundo ninyo. Ang bawat piraso ng mga salaping nasa loob ng supot na 'yan ay may kaakibat na halaga, ang mga tanso ay singkwenta pesos sa inyong mundo, ang mga pilak ay limang-daan, habang isang libong piso naman para sa ginto." Nakangiting sambit ni Tatang.
"Wala kaya silang exchange rate para sa dolyar?" Pabulong kong biniro si Paolo.
"Shhh... Loko ka talaga Kuya." Sagot ni Paolo na mahina akong siniko sa tiyan.
"So... Ipagpapalit po namin iyan? Saan?" Tanong muli ni Kuya Gayle.
"Sa Lukbanon." Mariin na sagot ni Tatang.
"Sa Lukbanon?" Sagot ni Kuya Gayle.
"Lukbanon?" Sagot ni Paolo.
"...Sa Lukbanon..." Mahina kong tugon. "Teka, sa'n 'yon?" Tanong ko.
Umiling-iling na lamang sina Tatang at Acacia habang nagsimula namang mag-hagikgikan ang mga pinsan ko na pinipigilan ang tumawa.
"Naalala mo pa ba 'yung talon kung saan aksidente kang nahulog at napadpad sa Elmintir, Kelvin?" Tanong ni Tatang.
Tumango naman ako, sino ba naman ang hindi makakalimot d'on, e halos humiwalay ang kaluluwa ko sa katawang lupa ko sa nerbyos nung mahulog ako d'on.
"Ang lugar sa itaas ng Talon na iyon ay ang Lukbanon." Mahinahong tugon ni Tatang. "Magtungo kayo roon at hanapin ninyo ang nayon ng Bakokoy, kapag narating na ninyo ang nayon na iyon ay ipagtanong ninyo kung saan makikita ang tindahan ni Erting, sa kanya kayo makipagpalitan ng salapi."
Kumunot bigla ang noo ko. "Kami? Hindi kayo sasama?" Tanong ko.
Umiling na lamang si Tatang. Hala! Papaano kami makakapunta ng Lukbanon kung hindi namin kasama si Tatang? Baka maligaw pa kami.
"May mahalagang lakad si Lucas mga bata. Hindi siya maaaring sumama sa inyo--" Sagot ni Acacia.
"--Ngunit maaari ko naman kayong ihatid sa portal, napakalayo ng Lukbanon mula rito--aabutin kayo ng pito-pito kung hindi kayo dadaan sa portal." Sagot ni Tatang.
"Pero Tatang..." Tanong ko. "Pa'no kung..."
"Huwag kayong mag-alala mga bata, walang mangyayari sa inyo sa Lukbanon." Nginitian kami ni Tatang. "Ganito na lang, kapag maagang natapos itong nilalakad ko ay susunod ako sa inyo sa Lukbanon at pagkatapos ay sasamahan ko kayo sa una ninyong misyon sa Talisay, ayos ba 'yon mga bata?"
Ngumiti kaming tatlo nina Kuya Gayle at Paolo. 'Yun naman pala... Kahit papaano okay na rin.
Mas secure kasi sa pakiramdam kapag kasama namin si Tatang. Iyon na rin siguro ang dahilan kung bakit parang nangamba ako noong nalaman kog hindi namin siya makakasama sa Lukbanon.
Pero at least ngayon medyo makakahinga na ako ng maluwag.
"Tayo na?" Anyaya ni Tatang. "Ihahatid ko na kayo sa portal." Nakangiting dagdag nito.
Tumayo na kami mula sa aming pagkakaupo at sabay sabay na sinundan si Tatang na sinimulan ng maglakad patungo sa pabilog na kristal na nasa lapag at gitnang bahagi nitong bulwagan, ang kristal kung saan kami lumabas pagkatapos naming mawala mula sa may azotea ng palasyo sa ibaba.
Itinuro ni Tatang ang esmeraldang kristal at inutusan kaming tumayo sa gitna noon, kaagad naming kaming tumalima. Sa pagkakataong iyon ay lumapit sa amin si Acacia.
"Maging alisto mapagmasid kayo sa lugar na 'yon, wala namang masamang mangyayari sa inyo--ngunit sadyang mapaglaro lamang ang mga nakatira sa Lukbanon; lalo na sa mga taong napapadpad roon. Lalo na sa mga taga-lupang katulad ninyo." Habilin ni Acacia.
Unti-unting tumaas ang kilay ko. "Po?" Sambit ko.
May gusto pa sana akong itanong kaso hindi ko na ito nagawa sa kadahilanang biglang nagliwanag ang batong kinatatayuan namin, nakakasilaw na puting liwanag ang dagliang bumalot sa buong kapaligiran--hindi ko na nga maaninag sina Tatang at Acacia na kanina e nasa harapan lang namin. Walang akong ibang makita kung hindi ang nakakasilaw na puting liwanag.
Tapos bigla nalang nagdilim ang buong paligid.
"Huh?" Bulong ko.
Masiglang mga huni ng mga ibon na tila ba nagkakantahan ang maririnig sa buong kapaligiran, naririnig ko rin ang ingay ng mga kulisap, ang mabagal na paghalik ng mga butiki at mga tuko sa mga puno at mangilan-ngilan na mga kaluskos ng mga damo habang marahan silang dinadaanan ng preskong amihan.
Isang madilim na kagubatan ang tumambad sa amin, hindi naman ito gaanong madilim--sobrang kapal lang at dikit dikit ang mga naglalakihang puno ng kagubatang ito, dahilan upang mahirapang pumasok ang sinag ng araw. May mga alitaptap na palipad-lipad sa paligid na sa unang tigin ay aakalain mong mga bituing abot kamay lamang ang layo, kumukuti-kutitap silang lumilipad ng mabilis sa iba't-ibang direksyon. Nakakatuwang pagmasdan.
"Ito na ba 'yung Lukbanon?" Saad ni Kuya Gayle habang inaayos ang suot-suot niyang backpack na yari sa ratan.
"Siguro--malay, sabi ni Tatang ihahatid n'ya tayo sa portal papuntang Lukbanon 'di ba? Ito na siguro iyon Kuya." Sagot naman ni Paolo.
Hindi na ako nakapagsalita, masyado akong nawili sa kakatingin sa buong paligid, kahit na medyo madilim at halos wala akong makita sa kapal ng hamog e hindi ko pa rin magawang hindi mamangha.
"Huy! Tayo na aba." Bigla akong tinapik ni Kuya Gayle sa likod.
"Ah--o sige, sige. Tara na." Nagulat kong sagot.
"Dami mong nyak-nyak." Pabirong tugon muli ni Kuya Gayle. Humagikgik naman si Paolo.
"Sows. Tara na tara--" Nagmamadali kong tugon, tumingin ako paligid at nakita ang isang sangang-daan.
Nagtitigan kaming magpipinsan, nanatili kaming tahimik. Ito na nga ba 'yung sinasabi ko e, dapat talaga sumama sa'min si Tatang.
"Sa'n tayo?" Tanong ni Paolo.
"Sa puso mo." Pabiro kong sagot. Natawa na naman si Paolo.
"Sira ka talaga--sa'n ba tayo dadaan?" Tanong naman ni Kuya Gayle.
"Aba malay! Ngayon lang ako nakapunta dito--" Sagot ko.
"Hindi ba sabi ni Tatang nakapunta kana dito? Nung nahulog ka sa talon?"
"Oo nga, pero hindi ko naman alam na Lukbanon pala 'to, tsaka isa pa hindi ko na nagawang libutin pa 'yung lugar--nahulog nga ako sa talon 'di ba?" Sagot ko.
"Tsk... Naman..." Pailing-iling na sagot ni Kuya Gayle.
Nagkamot na lang ako ng ulo. Bwisit naman talaga oh! Bakit ba naman kasi hindi kami binigyan ni Tatang o ni Acacia ng kaunting impormasyon--o kaya naman e mapa.
Teka--tama!
"Paolo! Hindi ba may mapa 'yang salamin mo?" Dali-dali kong tinanong si Paolo.
Kumunot lamang ang noo ni Paolo at kaunting tumaas ang kilay nito, ilang sandali pa ay nanlaki ang mga mata nito at daliang ngumiti.
"Oo nga no!?" Nagagalak na sambit nito.
Dali-dali nitong isinuot ang salamin na nakasabit sa kanyang leeg, nilagyan n'ya kasi ng tali yung salamin niya--baka daw mabasag o mayupi kapag inilagay niya sa bag.
"Sandali lang, ano nga ulit 'yung sasabihin para lumabas 'yung mapa?" Tanong ulit ni Paolo.
"Test mic." Pabiro kong sagot. Sa pagkakataong ito si Kuya Gayle naman ang napahagikgik.
"Sira--Mapa ng Arentis..." Natatawang sagot ni Paolo.
Gaya ng inaasahan, nagliwanag muli ang suot na salamin ni Paolo at dagliang inilabas nito ang imahe ng isang mapa--ang mapa ng Arentis. Mausisa namin itong pinagmasdan, may nakita akong isang maliit at kulay pulang tuldok na may pangalan ni Paolo sa ibaba; pinagmasdan ko itong mabuti--nakalagay ito sa parte ng mapa kung saan nabasa ko ang pangalan ng lugar: Lukbanon.
"Oh, nandito na pala tayo e--sa'n nga ulit tayo pupunta? Ibig kong sabihin anong nayon?" Tanong ko.
"Bakokoy--pagkakatanda ko Bakokoy e." Sagot naman ni Kuya Gayle.
"Eto lang 'yung Bakokoy oh." Bulalas ni Paolo habang itinuturo ang lokasyon ng nasabing nayon. "Sa may bandang--teka--kanluran? Oo kanluran--sa may bandang kanluran nitong kagubatan."
Lumapit kami ni Kuya Gayle upang siguraduhin ang sinasabi ng mapa, tama nga si Paolo. Sa may bandang kanluran nga nitong Lukbanon namin matatagpuan nag nayon ng Bakokoy.
"Tara na." Mungkahi ko. "Teka, saan ang papuntang kanluran dito?" Itinuro kong muli ang sangang-daan.
"Kaliwa." Sagot ni Paolo habang hinuhubad nito ang suot niyang salamin.
"Sure?" Tanong ko ulit. Hihirit dapat ako ng joke e--kaso killjoy si Kuya Gayle.
"Tama na 'yan--tara na." Wika ni Kuya Gayle. Nauna na siyang naglakad at tinahak ang kaliwang sangay ng sangang-daan. Sumunod naman kami ni Paolo.
Sinuong namin ang mas madilim at masukal na kakahuyan, halos wala na kaming makita dahil 'di hamak na mas makapal ang hamog dito--nakakatakot at napakalamig pa.
Puro baging at mga puno ng saging ang tumambad sa aming dinaraanan, isama mo pa ang mga nagkakapalang mga sapot ng gagamba na mapapansing nakabalot sa bawat sangga ng mga punong narito rin.
Maya-maya ay nakarinig kami ng malakas na lagaslas ng tubig.
"Ito 'yung talon?" Marahan na tanong ni Kuya Gayle.
"H-hinde..." Nagulat kong sagot.
Hindi naman talaga iyon ang talon kung saan ako nahulog, mababa lamang ang talon na ito, kung tutuusin mas mataas pa nga 'yung sa ubug-ubugan, tsaka parang hindi naman tubig ang dumadaloy dito. Kung hind--
"Ginto?" Tanong ni Paolo na akmang ilulublob ang kamay sa umuusok at rumaragasang kulay gintong tubig nitong talon.
Mabilis kong tinapik ang kamay niya upang pigilan ito.
""Wag mong hawakan, kita mo oh--umuusok, malamang sa malamang mainit 'yan, baka mapa'no ka pa."
Hindi na lamang nagsalita si Paolo. At matapos ang ilang segundong pananahimik at nagpatuloy na muli kami sa paglalakad.
Paimpis na ng paimpis ang hamog habang nagpapatuloy kami sa paglalakad, hanggang sa marating ulit namin ang isang sangang-daan.
"Sa'n tayo?" Tanong ko.
"Kaliwa?" Nagdadalawang sagot ni Kuya Gayle.
"Oo kaliwa--" Sagot naman ni Paolo habang tinitignan muli mula sa kanyang salamin ang mapa.
At tinahak na muli namin ang kaliwang sangay ng sangang-daan, at gaya ng naunang dinaanan namin; punong-puno rin ng mga baging at nagkakapalang mga puno ng saging ang tumambad sa amin--makapal rin ang hamog at mayroon ring maliit at umuusok na gintong talon.
nilagpasan muli namin ang talon, umimpis ang hamog hanggang sa natanaw muli naming ang sangang-daan.
"Parang may mali..." Saan ni Kuya Gayle.
"Hmm?" Sagot ko habang binubuksan ang tamales na kinuha ko mula sa backpack kong suot.
"Meron talaga..." Nangangambang sagot ni Paolo."Naliligaw tayo."
Dali-dali kaming lumapit nina Kuya Gayle kay Paolo, itinuro niya sa amin ang pulang tuldok sa mapa, parang hindi ito umalis ng posisyon--
"Tignan mo 'yang sanggang daan..." Mungkahi ni Paolo sa akin. "May iniwan akong balat ng saging diyan kanina."
Hindi na ako sumagot, dumiretso nalang ako sa gitna ng sangang daan at nagulat ako ng makita ko ang isang balat ng saging na nakakalat sa damuhan. Pinulot ko ito.
"Are baga?" Tanong ko habang iwinawagayway ang pinulot kong balat ng saging.
"Oo 'yan 'yon." Nagulat na saad ni Paolo. "Sabi na nga ba e--naliligaw tayo."
"Tsk... Pa'no tayo makakarating ng Bakokoy niyan?" Tanong ni Kuya Gayle sa amin habang nakayuko ito sa lupa at taimitim na nag-iisip.
Binalot ng katahimikan ang buong kakahuyan ng Lukbanon, nag-iisip kami ng mga pinsan ko ng paraan kung paaano namin masusulusyunan ang sitwasyon namin ngayon.
Pero... Paaano nga ba?
***
BINABASA MO ANG
Arentis I | Ang Orakulo | Completed | Currently Editing
FantasyPatintero, Tagu-taguan, langit-lupa, jack-en-poy at habulan... Ilan lamang 'yan sa mga madalas nating laruin, buong maghapon maghapon tuwing bakasyon. Ngunit papaano kung isang araw ang lahat ng ito ay mapapalitan ng pag-akyat ng bundok, pagtawid s...