"Batluni!" Sigaw ko habang tumatakbo akong papalapit sa Talimao. Huminto naman kaagad si Batluni at mabilis na ginulo ang buhok ko. "Anong ginagawa mo rito?" Tanong ko.
Hindi talaga ako makapaniwala, nandito si Batluni! Kahit papaano gumaan ang loob ko.
"Nalaman namin ang tungkol sa nangyari sa Bakokoy--sinabi sa amin ni Erting." Sambit ni Batluni habang dahan-dahan itong naupo sa tabi nina Kuya Gayle at Paolo, habang ako naman eh naglakad muna patungo sa puno ng mangga--najijingle ako.
"Pero--" Narining kong nagtanong si Kuya Gayle. "Papaano n'yo nalaman? Pumunta ba kayo sa Bakokoy? Tsaka... Sinong namin?"
"Si Lucas. Kasama ko si Lucas." Marahan namang sumagot si Batluni. "Isinaman ako ni Lucas sa Hilaganon--dahil sa isang... Pagpupulong. Pagkatapos ng pagpupulong na iyon ay niyaya niya akong bisitahin namin kayo sa Bakokoy; ang hindi lang talaga namin inaasahan ay ang mga nangyari."
Nanatili silang tahimik. Ako naman, pagkatapos kong mag-zipper ng shorts ko eh nilapitan ko na sila.
"Kahit kami, hindi namin alam na matutunton kami ng ganoon kabilis. Ibig kong sabihin... Papaano nila nalaman na doon kami pupunta?" Tanong ko habang inaalalayan ang sarili sa pag-upo.
"Wala akong ideya. Nagulat nalang kami ng makita namin ang lupon ng mga Undin kasama si Nakuayen na naglalakad papalayo--galing sila sa direksyon kung saan naroon ang nayon ng Bakokoy. Nagtago kami, nagmasidmasid sa paligid--tinignan namin kung nahuli nila kayo, at ng makalayo na sila ay siya namang pagmamadali namin patungo sa nayon." Kwento ni Batluni.
"K-kumusta naman po ang Nayon? Ano pong nangyari sa nayon ng Bakokoy? Kina Mang Erting?" Nag-aalalang saad ni Paolo.
Ngumiti lamang si Batluni habang dahan-dahan itong tumitingala upang pagmasdan ang noon ay madilim ng kalangitan.
"Wala namang nangyari. May mga kaunting nasaktan ngunit nabigyan ni sila ni Amain ng paunang lunas at siguradong hindi rin mag-tatagal ay gagaling din sila. Walang nasira o nasunog--walang ninakaw na ginto o mga dyamante, bukod sa mga ilan na nasaktan ay walang masamang nangyari sa mga dwende roon... Halatang kayo lamang ang pakay ni Nakuayen, mabuti nalang at nakatakas kayo kaagad."
"Pinatakas po kami ni Mang Erting gamit ang barkong panghimpapawid na nakatago sa likod ng talon ng Maranawi." Sambit naman kaagad ni Kuya Gayle.
Napansin kong bahagyang napatawa si Batluni. "Ang dwendeng 'yon talaga." Bulong niya.
"Pero. Paano nila nalaman na nandoon kami?" Tanong ko.
"Hindi rin namin alam, ang buong pag-aakala namin ay sama-samang hahanapin ng pangkat ni Bakunawa ang Orakulo sa mundo ninyo. Naging kampante kami na hindi nila kayo hahanapin. Paumanhin--" Pinagmasdan kami ni Batluni. "Marahil ay inatasan ni Bakunawa si Nakuayen na hanapin kayo habang sila naman ni Libra ang magiging abala sa paghahanap sa Orakulo--hindi ko rin alam, wala akong ideya... Pero sa tantsa ko eh parang ganoon na nga."
"Okay lang po 'yun. Wala namang nangyari sa'min." Sagot ko. "Pero pa'no n'yo nalamang nandito kami?"
"Dahil wala naman kayong iba pang mapupuntahan--napakalayo ng Arentis mula sa Lukbanon, aabutin kayo ng isang linggo kahit pa sumakay kayo sa mga musang." Nagpalinga-linga ito. "At saka isa pa, hindi ba't dito rin naman kayo pupunta? Sa Talisay?" Nakangiting saad ni Batluni sa amin.
"Nasa Talisay na po ba kami? Talisay na ba 'to?" Tanong ko. Tumango naman si Batluni.
"Sabi ko sa inyo e, okay pa rin 'yung desisyon ko na dito na tayo dumiretso." Narining kong bulong ni Kuya Gayle kay Paolo.
Suus... Nagyabang na naman.
"Eh nasaan po si Tatang?" Tanong ko ulit. Oo na, makulit talaga ako.
Kaso hindi sumagot si Batluni, bagkus ay dahan-dahan itong tumayo at naglakad. Napansin nitong hindi pa kami sumusunod kaya nilingon niya kami at nagwika.
"Hindi ba kayo sasama?" Nakangiti nitong anyaya sa amin.
Napakamot nalang ako ng ulo habang dahan-dahang tumataas ang kilay ko na kasunod ng pagkunot ng malapad kong noo. Saan naman kami pupunta?
Pero hindi na ako nagsalita, sumunod na lang kami. Wala rin naman kaming pupuntahan, gabi pa naman--alangan namang matulog kami sa labas.
Nagsimula na kaming maglakad sa damuhan, patungo sa isang madilim na kakahuyan na nakapalibot sa mga kabahayan nitong maliit na nayon ng Talisay.
Nagsisimula ng magsi-kantahan ang mga kuliglig. Mukang lumalalim na ang gabi.
***
Isang maliit na kubo ang pinuntahan namin ni Batluni. Isang maliit na kubo na makikita sa dulo ng isang palayan dito sa gitna ng madilim na kakahuyan. Maliit lamang ang kubo na 'to, parang 'yung kubo nga lang ni Tatang e; ang pinagkaiba lang--yari ito sa plywood, hindi tulad n'ong kay Tatang na yari sa kawayan, sawali at kugon.
"Maupo muna kayo d'yan at magpahinga, magluluto lang ako ng makakain ninyo." Sambit ni Batluni habang ipinapagpag ang piraso ng posporo na ginamit n'ya sa upang sindihan itong munting gasera.
Iginala ko ang mga mata ko at pinagmasdang mabuti ang loob nitong kubo, mas okay pa rin talaga 'yung kay Tatang; at least doon may sahig--hindi katulad dito na lupa lang 'yung inaapakan namin. Pero hindi naman ako maarte, napansin ko lang.
"Kanino pong kubo ito?" Tanong ni Paolo kay Batluni na abala sa pag-gayat ng karne.
"Dati itong tahanan ni Amain--ni Lucas..." Paunang sagot ni Batluni. "Dati pa, halos mga bata pa rin kayo noon. Dito unang nanirahan si Lucas kasama si--" Natigilan siya. Dahan-dahan itong lumingon sa amin at mabilis na bumalik sa pag-hiwa ng karne. "Ah, ang mabuti pa eh mahiga na muna kayo riyan, medyo matatagalan pa 'tong inihahanda ko."
Sus, para namang wala kaming alam--de-deny pa 'tong si Batluni. Kung sabagay, hindi rin pala niya alam na kahit papaano eh may alam kami tungkol sa nakaraan ni Bakunawa at Tatang.
Akmang lalabas sana ng kubo itong si Batluni ng biglang magsalita si Kuya Gayle.
"Dito naninirahan sina Tatang at Nathaniel hindi ba?" Mariin na tanong ni Kuya Gayle.
Dahan-daha kaming nilingon ni Batluni at base sa mga mata niya, halatang nagulat siya. "Kanino ninyo nalaman ang tungkol diyan?" Bulalas niya.
"Ah, so totoo nga!" Saad ko. "Dito nanirahan si Tatang noong tinuturan pa niya si Bakunawa 'no? Tama kami 'no? Alahoy! 'wag ka na mag-deny--" Pang-aasar kong dagdag.
"Hindi lang si Nathani--Bakunawa ang estudyante ni Amain noong dito pa s'ya naninirahan." Mahinahong wika ni Batluni. "Kasama ako." Saad niya.
Halos lumuwa ang mga mata naming magpipinsan ng marining namin ang mga sinabing 'yon ni Batluni. Ibig ba niyang sabihin, estudyante rin siya ni Tatang? Seryoso?
At magkasama sila ni Bakunawa dati?
Ano na naman ba 'to? Lalo tuloy kaming naku-curious. Nakakalito.
"Ang ibig n'yo po bang sa--" Naudlot ako sa pagsasalita.
"Maghahanap lang akong ng tanglad. Hintayin n'yo ako diyan. Gayle, pakisalansan ng mga sinibak na kahoy at paki-apuyan na rin." Utos ni Batluni. Dali-dali itong lumabas ng kubo, hindi man lang kami nakapagsalita.
Naiwan kami dito na nakakunot ang mga noo. Nagtinginan nalang kaming magpipinsan, hindi man kami makapagsalita--alam naming iisa lang ang tumatakbo sa mga utak namin.
"Ala, makapag-siga na nga." Pailing-iling na sambit ni Kuya Gayle na mabilis namang tumalon pababa nitong papag, kinuha niya ang mga piraso ng mga sinibak na kahoy na itinuro ni Batluni at maayos na isinalansan sa lupang sahid nitong kubo.
At gamit lamang ang kanyang mga daliri na dali-dali niyang pinitik ay lumabas ang isang maliit na apoy, na s'ya namang nagpalagablab nitong mga isinalansan niyang piraso ng kahoy.
Oo, dito kami sa loob ng bahay nagsiga. Okay na rin, kahit papaano hindi na masyadong malamig.
Pagkatapos noon ay bumalik na muli sa papag si Kuya Gayle. Nanatili pa rin kaming tahimik habang pinapanood ang sigang ginawa ni Kuya Gayle. Wala kaming ibang naririnig kung hindi ang ingay ng mga kuliglig at mga palakang nag-umpisa nang magsi-kokak-kokakan.
"Tapos? Anong gagawin natin?" Nagtanong ako para naman umingay ng kaunti.
Kaso walang sumagot. Susme. Nice talking 'tong mga pinsan ko.
***
"Aay--saraaap!" Napaliyad ako at napasandal sa pader nitong kubo habang hinihimas ko itong t'yan kong busog na busog mula sa inihandang pagkain ni Batluni.
Nagluto si Batluni ng inihaw na karne ng baboy ramo na inilubog niya sa kaunting toyo, kalamansi at binudburan ng kaunting tanglad. Masarap na rin kahit papaano--parang normal na barbeque. Pero mas masarap pa rin 'yung luto ni Lerting.
"Salamat po!" Sabay-sabay naming bigkas kay Batluni na noon ay umiinom ng tubig.
"Mabuti naman at nagustuhan ni'yo ang luto ko." Nakangiting sambti sa amin ni Batluni.
Grabe, busog na busog talaga ako--parang gusto ko na ngang matulog e, kaso biglang nawala ang antok ko ng bigla kong narinig na nagtanong si Kuya Gayle.
"Ah, mawalang galang na po--" Simula ni Kuya Gayle. "'Yung tungkol po sa sinabi n'yo kanina... Ibig po bang sabihin n'on, magkakasama kayo nina Tatang at Bakunawa dati dito?" Diretsong nagtanong si Kuya.
Grabe wala man lang pasintabi--ay meron pala, pero kahit na. Tsk, wala talagang preno 'tong si Kuya Gayle--'pag may gustong malaman, gagawa at gagawa talaga ng paraan eh.
At gaya ng inaasahan, nanahimik lang si Batluni. Para bang ayaw n'yang sagutin at pag-usapan ang tanong ni Kuya sa kanya.
"Hmm?" Bulong ni Kuya Gayle habang tinitignan si Batluni.
Bumuntong hininga si Batluni. "Osige, magkukuwento na ako." Sambit nito.
Dali-dali kong inayos ang pagkakaupo ko ng marinig ko ang mga katagang 'yon ni Batluni, sa wakas magkukuwento na ri 'sya. Ang hilig ko pa man din d'yan--chismis.
Tumayo si Batluni. Naglakad ito patungo sa pintuan nitong kubo at sumandal.
"Ilang taon na rin ang nakakalipas--mga isang dekada na, dinala kami dito ni Amain at kinukupkop bilang kanyang mga mag-aaral. Bata pa kami noon--bata pa kami noon ni Nathaniel. Noong una ay hindi kami magkasundo ni Nathaniel, sa kadahilanang hindi ko lubusang matanggap na ang isang taga-lupang katulad niya ay mapipili ni Amain para turuan. Parang hindi angkop para sa isang taga-lupang katulad niya ang matutunan ang sining ng pakikidgma ng mga taga-Arentis." Sambit ni Batluni.
"Ngunit nagbago ang pananaw na ka 'yon sa kanya ng nagdaan ang mga araw, unti-unti kong napansin ang dahilan ng pagkupkop sa kanya ni Tatang. Dahil ang totoo nito ay tulad ninyo--hindi pangkaraniwang taga-lupa si Nathaniel, napakalakas ng kanyang kapangyarihang espiritwal; ganoon na rin ang katangian niyang pang pisikal--kakaiba s'ya sa lahat ng mga taga-lupang inoobserbahan ko. Nakakamangha, sobrang nakakamangha na hindi ko mapigilang mainggit."
Nagtinginan kami ng mga pinsan ko, ngunit nanatili kaming tahimik.
Nagpatuloy naman sa pagkukwento si Batluni.
"Aaminin kong napakagaling ni Nathaniel, mabilis niyang natutunan ang ilang mga orasyon at enkantasyon na itinuro sa amin ni Lucas na siya namang nagpalakas sa kanyang kakayahan. Hindi ko man s'ya nagawang lampasan ng kahit kaunti. Lalo na noong buuin namin ni Tatang ang aming pangkat na tinawag naming Tanglaw-laon." Nilingon kami ni Batluni.
"Tanglaw-laon?" Tanong ko.
"Oo, Tanglaw-laon. Isang pangkat na tanging kaming tatlo lamang nina Amain at Nathaniel ang miyembro. Binuo namin ito upang tulungan ang palasyo laban sa mga mananakop." Sagot ni Batluni.
"Ah, para kayong mga private bodyguards?" Tanong ko. Ngumiti na lamang si Batluni.
"Hindi ko alam kung ano ang ibig mong sabihin, pero kung sa palagay mo ay ganoon ang ibig kong sabihin--o 'di 'yun na 'yon." Nakangiting saad ni Batluni. "Binuo ang Tanglaw-laon upang atasan kami para magmanman sa mga base ng mga kalaban--kumuha ng impormasyon at kung mamarapatin... Ay ang pumaslang." Mabilis na tinitigan kami ni Batluni.
"Parang ninja?" Tanong ni Kuya Gayle sa akin.
"Ma at Pa." Sagot ko habang nagkikibit-balikat.
"Lalong nakita ng buong Arentis ang kakayahan ipinamamalas ni Nathaniel noong buo pa ang Taglaw-laon, marami ang humanga sa taglay niyang lakas--isa na dito ang reyna." Patuloy ni Batluni.
"Si Acacia?" Tanong ko.
Tumango na lamang si Batluni.
"Hindi rin naglaon ay naging mandirigma kami ng Arentis at dahil sa lakas at kamangha-manghang kapangyarihang taglay ni Nathaniel ay hindi rin nagtagal at naging pinuno ito ng buong hukbong mandirigman ng Arentis... At ako naman ang naging ikalawang pinuno." Nagpatuloy sa pagkukwento si Batluni.
"Hmm? Pangalawang pinuno ka naman pala dati eh! Eh pa'no ka naging pinuno ng mga Talimao? Bakit ka umalis sa posisyon mo bilang ikalawang pinuno?" Nakakunot ang noo kong nagtanong.
"Hindi na mahalaga 'yon." Mariin na sagot ni Batluni. "Basta ang alam ko lang, hindi na kami nagkita ni Nathaniel simula ng lisanin ko ang Arentis at bumalik ako sa nayon ng Talimaon. Puro balita na lamang ang naririnig ko, at tanging si Amain na lamang ang madalas kong makita." Dagdag nito.
"Hanggang sa umabot sa akin ang balitang ninakaw ni Nathaniel ang Balani mula sa kaharian--hindi ko lubos maisip ang dahilan na nag-udyok sa kanya para gawin 'yon. Nabigla ako--nagulat, dahil hindi ko lubos maisip na gagawin iyon. Hindi ko lubos maisip na ang taong sumumpa upang protektahan ang Arentis ay ang taong magdudulot ng nakakatakot na delubyo sa kaharian.
Hindi ko lubos maisip na kayang gawin iyon ni Bakunawa... Ni Nathaniel... Ng kaibigan ko..." Yumuko si Batluni...
Natigilan kami... Grabe magkaibigan pala sila. Nakakalungkot itong rebelasyong narining namin--nakakgulat din. Hindi ko alam ang sasabihin...
"Dito. Dito kami tinuruan at hinasa ni Amain, dito sa maliit na barong-barong na ito. Dito kami natuto, dito kami nahasa, dito na rin kami tumanda... Napakatagal ng pahanon noon... Sino bang mag-aakalang babalik rin pala ako dito?" Muli na naman kaming nilingon ni Batluni.
"Nathaniel..." Natawa si Batluni. "Hindi ko alam kung anong pumasok sa kukote mo at nagawa mo iyon... Nakakapaghinayang... Nagbago kana talaga kaibigan... Sa susunod na magkita tayo--at sigurado naman akong magkukrus muli ang ating mga landas, hindi iyon isang magiging masayang pagkikita... Dahil sa oras na magkita muli tayo... Tatapusin na kita..."
Napalunok ako sa mga narinig ko. Kitang-kita ko sa mga mata ni Batluni habang nakatingala ito sa kawalan at pinapanood ang mga bituin ang pagngangalit. Alam kong seryoso siya sa kanyang mga sinabi.
Nakakalungkot isipin na ang dating matalik na magkaibigang sina Batluni at Nathaniel ay magiging mahigpit na magka-away...
Pinagmasdan ko sina Kuya Gayle at Paolo. Nginitian ko sila. Ayaw kong isipin nila na baduy ako kaya hindi nalang ako nagsalita; pero ngayong gabi may napatunayan ako, may natutunan ako.
Kailangan kong panatilihin ang pagkakaibigan naming magpipinsan, dapat walang magbago. Ayokong matulad kina Batluni at Bakunawa.
Ayokong isipin ni Tatang na nagkamali na naman siya sa amin katulad ng pagkakamali niya kay Nathaniel--kay Bakunawa.
Ayoko. At papatunayan ko ito. Papatunayan namin ito.
"Matulog ka nayo..." Mungkahi ni Batluni. "Dahil bukas hahanapin pa natin ang Orakulo."
"Alam n'yo na po ba kung saan ito makikita?" Tanong ko.
"Bukas na lang natin pag-usapn 'yan... Magpahinga na kayo." Mariin na sagot ni Batluni.
Naman. Minsan talaga napakatipid nitong si Batluni kung sumagot--sabagay, sa dami ba naman ng pinagkukwento n'ya kanina malamang sumakit ang panga nito. Tsk, ano pa nga bang magagawa namin?
O 'di matulog.
***
Unos at bagyo man ang dumating
Malalaking alon may ay sasalubungin
Kumapit ka lamang sa akin kaibigan
Walang delubyong hindi malalagpasan
Sabay nating lakarin ang luntiang parang
At panoorin ang mga salagubang at uwang
At sabay nating pagmasdan ang kagandahan
Nitong parang habang naghahalakhakan
Ang isa ay para sa lahat, ang lahat ay para sa isa
Walang limutan, tayo'y magka-isa
Alisin ang pag-aagam-agam, pumunta tayo roon
Sama-sama nating abutin ang tanglaw-laon...
Naalimpungatan ako ng may marinig akong umaawit, napakalungkot ng pag-awit niyang iyon kahit na ba parang ang ganda no'ng mensahe ng kanta. Mabagal at tila ba garalgal ang boses ng umaawit... Parang malungkot.
Sinong kumakanta? Si Batluni?
Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko upang silipin kung sino ba ang umaawit na 'yon. Hindi ako nagkakamali, si Batluni nga. May hawak itong kudyapi, naka-upo siya sa isang bato sa labas lamang ng pintuan nitong kubo. Nakayuko ito at para bang humihikbi.
Para s'yang umiiyak...
Tatayo sana ako para lapitan siya, kaya lang pinigilan ako ni Kuya Gayle na gising na rin pala.
"Hayaan mo s'ya Kelvs. Moment n'ya yan--tulong nalang tayo ulit." Utos ni Kuya Gayle.
Hindi na ako nagsalita, pinagmasdan ko na lang muli si Batluni na nanatiling nakayuko. Ngayon ko lang nakita si Batluni na ganito.
Ngayon ko lang s'ya nakitang malungkot.
Hindi ko naman s'ya masisisi...
***
BINABASA MO ANG
Arentis I | Ang Orakulo | Completed | Currently Editing
FantasyPatintero, Tagu-taguan, langit-lupa, jack-en-poy at habulan... Ilan lamang 'yan sa mga madalas nating laruin, buong maghapon maghapon tuwing bakasyon. Ngunit papaano kung isang araw ang lahat ng ito ay mapapalitan ng pag-akyat ng bundok, pagtawid s...