Chapter 21: Forbidden Island

9 2 0
                                    


[CHAPTER 21]

THIRD PERSON'S POV

Mabilis na hinawakan ni Wolf ang kamay ni Alexandra "Lex" nang tuluyan na itong dumulas mula sa metal na railings ng yate. Kaagad na hinila paitaas ni Wolf si Lex na hindi makapaniwala na hindi siya tuluyang nahulog sa dagat. Matindi pa rin ang labanan at kapag hindi pa kaagad mai-angat ni Wolf si Lex ay baka tuluyan na silang mahulog.

"Tumigil na kayo!" wika ng isa sa mga tauhan ng La Montero Hotel.

Hindi naman nagmatigas pa ang mga manlalaro at kaagad na tumigil sa pagtutulukan. Lumapit si Daniel sa kaniyang mga kasama na itinuturing niyang kakampi. Tinulungan niya si Wolf na kasalukuyan pa rin sa pag-angat kay Lex.

"Nine hunters left!" nakangising saad ng isa sa mga tauhan na may hawak na mahabang baril habang nakatingin sa mga natitirang manlalaro. "Do it now!" dugtong nito at sinenyasan ang kaniyang mga kasamahan.

Nagulat ang mga manlalaro nang biglang bumagsak ang kanilang isang kasama. Pare-pareho nilang nakita ang isang bagay na nakatarak sa leeg nito. Bago pa man sila makapanlaban at makapagbitiw ng salita, sunod-sunod silang bumagsak sa sahig ng yate at nawalan ng malay.

"Dumeretso ka sa likod ng isla. Naroon ang daungan," utos ng babae na tumatayong lider sa anim na tauhan ng La Montero Hotel na kaniyang kasamahan.

Ilang minuto din ang tinagal ng paglalayag ng yate patungo sa kabilang bahagi ng isla. Pagkarating nila sa nasabing daungan ay kaagad nilang ibinaba mula sa yate ang katawan ng mga manlalaro na nawalan ng malay.

"Paghiwa-hiwalayin niyo silang lahat, lalo na ang tatlong iyan!" muling utos ng babaeng lider sa kaniyang mga kasamahan at itinuro sina Lex, Wolf at Daniel nang sinabi ang salitang 'tatlo'. Malakas ang kutob nito na posibleng mananalo ang tatlong kaniyang tinutukoy.

Hindi siya tutol sa posibilidad na iyon, nais lamang niyang makipaglaro sa mga manlalaro.

"Pagkatapos, ang dalawa sa inyo ay sumunod sa akin sa isang yate na nasa kaliwang bahagi ng isla. Ang iba ay bumalik na sa hotel at i-report ang mga nangyayari,"

Kaagad na rumesponde ang ibang mga tauhan ng La Montero Hotel pagkatapos marinig ang muling anunsiyo sa kanila ng kanilang tumatayong lider. Katulad nga ng iniutos sa kanila, pinagtulong-tulungan nilang dalhin sa iba't-ibang parte ng isla ang mga natitirang manlalaro. Papalubog na ang araw at may kadiliman na ang paligid.

Dahil dumidilim na ang paligid, napagusapan ng mga nautusang tauhan na padaliin na lamang ang kanilang trabaho. Sina Wolf, Daniel at Lex lamang ang pinaglayo-layo at walang kasama habang ang natitirang anim ay hinati sa dalawa.

Sa isang mabatong lugar iniwan ang katawan ni Wolf habang sa isang damuhan naman pinabayaan si Daniel. Sa madilim, masukal, at mabato ring lugar inilagay ang katawan ni Lex. Huni ng mga kuliglig at ahos ng tubig ang namamayani sa kaniyang paligid dahil malapit sa isang talon ang kaniyang kinaroroonan.

"Hindi ba sila ang kauna-unahang manlalaro na nakarating sa islang ito? Pero ano pala ang gagamitin nila mamaya kapag dumilim?" tanong ng babaeng tauhan sa kaniyang kasama na bumuhat sa katawan ni Lex.

"Hindi na natin iyon problema kaya tara na. Ang sabi, ipinagbabawal daw na isla ito, kaya nakakatakot," tugon naman sa kaniya ng kasama.

Naunang naglakad ang isa sa babaeng tauhan habang napatingin naman ang isa sa katawan ni Lex na wala pa ring malay. Alam nito kung gaano malalagay sa panganib ang buhay ng dalaga dahil mapanganib ang pinagdalhan sa kaniya.

"Tara na!" muling tawag sa kaniya ng kaniyang kasama.

Kaagad nitong binunot ang maliit na flashlight na nakalagay sa kaniyang binti at ipinahawak ito sa kamay ni Lex at kaagad na sumunod sa kaniyang kasama.

Ilang sandali pa, biglang gumalaw ang mga halaman na nakapaligid kay Lex.


LA MONTERO HOTELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon