Kasabay ng pagkatok ko sa kanilang gate ay ang pagsalubong ng kanilang aso, ngayon eh maamo na sa akin. Bukas ang ilaw sa loob ng kanilang bahay.
"Sandali lang!" Sigaw ng nanay niya. Lumabas siya at agad akong pinapasok, habang nagsisitalon naman ang aso nila sa binti ko. Pagpasok ko sa loob, nakahanda na ang bagahe niya at mga gamit na kailangan para sa biyahe. "Umupo ka muna diyan Dante, tapusin ko lang 'tong niluluto ko."
"Salamat po tita." Sagot ko sa kanya. Napatingin ako kaagad sa hagdan, bumaba ang tatay ni Lorelei. "Good morning po."
"Lorelei! Bangon na't nandito na si Dante!" Sigaw ng tatay niya. Bumaba narin si Lorelei, suot ang pink niyang pangtulog.
"Excited ka yata." Tugon ko sa nakapikit pang Lorelei.
"First time kong sumakay ng eroplano, siyempre!" Sagot naman niya. Sabay-sabay kaming kumain ng agahan, sinabayan pa kami ng mga magulang niya kahit alas-tres palang ng madaling araw. Hindi magkamayaw ang mga magulang niya sa pagpapaalala na mag-iingat siya sa Germany, at siguraduhing i-contact sila palagi. Pagkatapos, pinanood ko lang sila mula sa kanilang sala, inaayos ulit ang gamit ni Lorelei at sinisiguradong walang maiiwan.
"Sa NAIA Terminal 3 karin diba, Dante?" Tanong ng tatay niya.
"Opo." Sagot ko sa kanya. "Kaso magkabilang dulo po kami. Tatawag na po ako ng sasakya—" inabot ko ang cellphone ko pero pinigilan ako ng tatay niya.
"Hindi na kami sasama." Malamlam at pangiting sagot ng tatay niya.
"Bakit po? Eh ang aga niyo pa namang gumising!" Tanong ni Lorelei. Lumapit sa akin ang nanay ni Lorelei at ipinatong ang kamay niya sa balikat ko.
"Kasama mo naman si Dante sa biyahe, sigurado akong magiging okay rin ang lahat." Sagot ng nanay niya. Makalipas ang kalahating oras, dumating na ang sasakyan na maghahatid sa amin sa airport. Niyakap ni Lorelei ang nanay niya, at kahit nasa loob na siya eh patuloy parin sa paalala ang kanyang nanay. Ipinasok ko ang mga gamit namin sa likuran ng sasakyan, nang hawakan ng tatay niya ang braso ko.
"Dante, ingatan mo si Lorelei. Hindi 'to isang hiling bilang ama, pero hiling ko sayo bilang isang kapwa lalake. Magagawa mo ba 'yon?" Diretso ang tingin sa akin ng kanyang tatay. Ngumiti ako sa kanya at tumango.
"Makakasiguro 'ho kayo." Sagot ko sa kanya. Niyakap ako ng kanyang mga magulang, at nang makasakay narin ako, hindi na napigilan ni Lorelei na lumuha at lumabas muli ng sasakyan. Niyakap niya sila sa huling sandal.
"Uuwi din po ako, promise..." Bulong ni Lorelei sa kanila. Inaya ako ng tatay at nanay niya na lumabas ng sasakyan, kulang nalang pati yung drayber, na sumama sa kanilang group hug.
Pagkalabas na pagkalabas namin sa subdivision nila, napahinga ng malalim si Lorelei.
"Okay ka lang? Inaantok ka pa ba?" Tanong ko sa kanya.
"Hindi." Yumakap siya sa braso ko at sumandal sa balikat ko, at tsaka pumikit. "Hindi ako inaantok."
Mula sa kanilang bahay hanggang sa Maynila, hindi siya natulog. Nakayakap lang siya at nakapikit, habang mahigpit na nakahawak sa kamay ko. Paminsan-minsan humihigpit ang yakap niya sa braso ko. Sa loob ng ilang oras, magkakahiwalay na naman kami. Siguro...ito nalang yung panahaon na magkakasama kami ng ganito. Di kalaunan at natulog narin si Lorelei.
Paglagpas namin sa Rizal Park, biglang pumasok sa isipan ko si Lola Maria at ang mga sinabi niya. 'Kung gusto mo talaga ang isang bagay, gagawa at gagawa ng paraan ang kalangitan para makuha mo ito'. Wala na akong ibang hihilingin pa sa mundo kundi ang makasama na si Lorelei...pero bago 'yon...kailangan ko muna siyang bitawan. At siguro, ito din ang nasa isip ni Lorelei ngayon.
BINABASA MO ANG
Never Broken [COMPLETE]
Romansa'Kaya mo bang harapin ang nakaraan para ayusin ang mga naiwan mong sugat?' Limang taon ang nakalipas mula nung umalis si Dante Rio sa Pilipinas para mag-aral sa Julliard, isang prestihiyosong unibersidad ng musika sa New York, siya ang pinakabata at...