SPOT 43: EAVESDROP

429 26 6
                                    

MACTHARA.

IPINARADA KO ang motorsiklo sa mismong carport ng villa kasama ang iba pang mga sasakyan ko at ng aming pamilya. Tinanggal ko ang wig bago makalabas sa malaking garahe. Katamtaman lang ang ilaw na nagmumula sa loob. Sinugod ko ang masyon ng mga Sartre nang puno ng galit at bunton ng mga katanungan.

Kailangan kong beripikahin ang inamin ng salarin. Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko mapapatunayan ang katotohanan.

Bumukas ang malaking pinto sa mismong pagpasok at sinalubong ako ng mga lamparang nagkukulay kahel sa loob ng nakabukang bibig ng mga estatuwang hayop. Tulad ng dalawang kasambahay na sumusunod sa likod ko'y nasindak din ang dragon at leon sa paglagpas ko sa isa sa kanila.

Ramdam ko ang pag-abante ng isang maid sa gilid ko. Tinapon ko sa kanya ang helmet habang malalaki ang hakbang na nilandas ko ang napaka-habang pasilyo. Mabilis pa rin ang kabog ng dibdib ko at parang unti-unti akong binubugbog ng kasinungalin. Pero hindi ibig sabihin ay hindi iyon totoo.


"Signorina Macthara, saan ho namin dadalhin ang hapunan ninyo?" tanong ng isa pang maid. Masyadong bakante ang isip ko para tumugon pero naririnig ko iyon. Hindi lang umaakyat sa utak. "Tapos na ho kasing kumain si Signor Malvon at Signorina Mori, eh..."

Pumihit nang kaunti ang leeg ko para alertuhin siya. "Nasaan sina Mamma at Pappa?" tanong ko. "Nandito na ba?"

"Opo, Signorina. Kanina pa ho sila dumating at nakapaghapunan na rin..." nabuhay ang loob ko sa aking nadinig. Mas bumilis ang lakad ko at isang dipa na lang ang layo sa engrandeng hagdan. "Maaaring nasa kuwarto na ho sila. Ihahatid na po ba namin ang inyong pagkain sa itaas?"

Umiling ako.

Marami pang tanong ang dalawang kasambahay ngunit iniwan ko na sila sa dulong ibaba ng hagdan. Abot pa rin ang kanilang boses sa itaas hanggang sa makaakyat ako. Kumalabog ang kahoy sa bilis ng pagpadyak ko. At kinalaunan, lumiko ako para unang magtungo sa opisina ng aking ina.

"Mamma!" sigaw kong may bahid ng pang-aakusa. "Mamma! What is going on?!"

Umatras ang laway ko noong buksan ko ang pinto. Tahimik, nakasarang kurtina, at patay na ilaw ang nadatnan ko. Liwanag na nagmumula sa labas ang tanging nabubuhay doon. Kulubot ang noong sinilip ko ang malaking mesa ng kanyang opisina ngunit wala nakaupo sa likod niyon. Lumiko rin ang tingin ko sa gawing kaliwa kung saan ang banyo pero madilim sa maliit na butas sa ibaba ng pinto.

Nang mapagtanto wala siya roon, tumalikod ako at iniwang nakabukas ang kuwarto. Kung kailan kailangan kong makausap si Mamma, doon pa siya nawawala. Sunod akong dinala ng mga paa ko sa kabilang bahagi ng mansyon.

"Pappa! I need to talk to you!" nagsisigaw ako kahit hindi pa umaabot sa pinto. Nagtunog iyong parang batang nagsusumbong. Mas bumilis ang padyak ko at tinulak pabukas iyon. "Pappa! Where is Mamma?! You have to verify something for me!"

Ngunit tulad ng nadatnan ko sa opisina ng ina'y tahimik din ang kuwarto ng aking ama. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit may magkahiwalay silang kuwarto gayong mag-asawa naman sila. Napaka-laki ng mansyon, wala ang salitang 'tipid' sa kanilang bokabularyo.

Umakyat ang init sa ulo ko at padabog na isinara ang pinto nang makalabas. Nasaan silang dalawa? Madidinig ang kunting simoy ng hangin sa buong mansyon. Hindi pinalabas ang mga kapatid ko nang dahil sa protesta kanina.

"Mamma! Pappa!" nagsusumigaw ako sa bahay ngunit tumatalon lang ang ingay at umuugong.

Sobrang laki ng mansyon para marinig nila ako. Bawat kuwarto'y ligtas sa ingay kaya parang tangang sarili ko lang ang naririnig ko.

SPOT HIM BEHIND (the Spot Saga: Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon