Third Person's POV
"At ikaw naman Maria, tinatanggap mo ba bilang iyong asawa at kabiyak ang ginoong ito? At nangangakong makakasama sa hirap man o sa ginhawa?" Tanong ng punong padre atsaka tinapunan ng tingin si Maria.
Bumaba pa ang paningin nito sa tiyan ng dalaga. Napailing na lamang ang matanda at inisip na isa itong marumi at makasalanang babae. Sa panahong tulad nito ay hindi katanggap-tanggap ang pakikipagtalik nang hindi pa naikakasal.
Samantala, wala naman sa sariling napadako ang mga mata ng dalaga sa kasintahang si Eduardo.
Ang lahat ng atensyon ng mga tao ay nasa kaniya at nag aabang sa kaniyang kasagutan ngunit tanging ang lalaking ito lamang ang kasalukuyang may halaga at tumatakbo sa kaniyang isipan.
Kasalukuyang nagtatalo ang kaniyang damdamin. Kung kaniya itong sasagutin ay tuluyan nang mapuputol ang ugnayan nilang dalawa at kung siya naman ay tataliwas sa kasunduang ito ay tiyak na mailalagay sa malaking kahihiyan at tuluyan na nga silang masasadlak sa kahirapan. Sa kaniya nakasalalay ang ngalan ng pamilya Montecarlos.
Tila nadurog ang kaniyang puso nang isang tango at mapait na ngiti lamang ang isinagot sa kaniya ni Eduardo.
Hindi tulad niya, tanggap na nito ang kanilang kapalaran.
Nag simula na itong maglakad papalayo upang hindi na mahirapan pang mag desisyon si Maria. Batid niya ring hindi kakayanin ng kaniyang puso na marinig ang mga susunod na katagang bibigkasin nito, na siyang magiging pasya at hudyat ng kanilang katapusan.
Ang bawat hakbang ng binata papalayo sa kaniya ay dahilan upang lalong mag sikip ang kaniyang dibdib.
Ibig niya itong pigilan at habulin ngunit sa sitwasyong ito ang tanging pag pipilian na lamang ay ang manatili.
Muling idinako ni Maria ang paningin kay Padre Osmeña. Ngumiti siya nang pilit upang ipakitang masaya siya sa kaniyang magiging desisyon.
Pagkatapos ng araw na ito ay mag babago na ang kaniyang buhay kinakailangan na niyang kalimutan ang ilan sa mga naging parte ng dating buhay.
Nang ibuka niya na ang kaniyang mga labi upang sumagot ay tila isang nakabibinging hiyawan ang nangibabaw sa loob ng simbahan ng San Alfonso, kasabay nito ang pag kalembang ng kampana ng simbahan.
Magkakahalong emosyon ang naramdaman ng mga tao sa loob ng simbahan nang tumumba ang walang buhay na katawan ni Padre Osmeña.
Ang mga dugo nito ay tila naging isang palamuti sa puting traje de boda ni Maria at abrigo ni Marco.
"Sunog!" hiyaw ng isang bisita na nakasuot ng mamahaling damit mula pa sa Europa. Itinuro nito ang ikalawang palapag ng simbahan kung saan ay kasalukuyang tinutupok ng apoy ang isang silid.
Nag-simula nang mataranta ang mga tao sa loob at nag-uunahang makatungo sa tarangkahan. Nagkakagulo na rin ang ilan nang matuklasang hindi nila mabuksan ang mga pintuan palabas kasabay pa nito ang palitan ng mga putok ng baril sa labas.
"Heneral, may mga armadong kalalakihan ang nasa labas. Hinaharang nila ang mga pintuan upang hindi makalabas ang mga tao sa loob ng simbahan." saad ng isang guardia civil kay Marco.
"Paputukan ninyo sila mula sa itaas ng palapag" mariing tugon nito
"Ngunit heneral mabilis na kumakalat ang apoy sa ikalawang palapag."
Hindi na napigilan pa ni Marco ang mapa mura sa inis.
"Sumunod po kayo sa amin. May sikretong daan palabas ang simbahan" saad ng isa pang guardia civil sa kanilang dalawa.
BINABASA MO ANG
I Love You Since 1892 Sequel (19TH CENTURY)
FanfictionThis is not the official sequel.