Epilogo: Ang Kahilingan

1.9K 26 16
                                    


UMAGA pa lang ng ika-29 ng Pebrero ay abala na ang mga tao sa hacienda.
Tulong-tulong ang mga kasambahay sa paglilinis ng bawat sulok ng kabahayan habang ang iba naman ay abala sa paghahanda ng mga lulutuing pagkain sa kusina. Samantala, sa ikalawang palapag ng mansyon naroon ang pamilya Montecarlos na hindi narin magkamayaw sa kanilang gagawin.

"Ito na po ang maligamgam na tubig" saad ni Theresita at nilapag ang palanggana malapit kay Manang Hilda. Hindi naman maiwasan ni Theresita ang makaramdam ng pagkahabag para kay Carmela nang tapunan niya ito ng tingin. Kaawa-awa ang kalagayan nito habang nakahiga sa kama at nababakas din sa mukha nito ang hirap at sakit na dinadala.

Naramdaman ni Carmela ang muling pagpatak ng pawis mula sa kaniyang noo. Naramdaman din niya ang labis na pagsakit ng kaniyang tiyan dahilan upang mas lalo pang humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Maria.

"M-matagal pa po ba?" nahihirapang tanong ni Carmela kay Manang Hilda.

"Kaunting tiis na lang malapit nang lumabas ang bata" sagot nito. Muling napapikit si Carmela sapagkat nararamdaman niyang malapit na ngang lumabas ang bata.

"Tibayan mo ang iyong loob sapagkat sa una lang masakit, makakaraos ka rin" saad ni Maria habang pinupunasan ng panyo ang mga pawis ni Carmela dahil sa panganganak. Naiintindihan niya ang hirap na dinaranas nito sapagkat isa narin siyang ganap na ina.

"Kumusta ang aming anak?" nagmamadaling tanong ni Doña Soledad habang akay naman siya ni Josefina at Don Alejandro. Kahit na masama pa ang pakiramdam ay pinilit niyang mapuntahan ang anak upang magabayan ito.

Tinapunan ng tingin ni Doña Soledad si Josefina at Don Alejandro upang sabihin na ayos lang siya at hindi niya na kailangang alalayan pa. Naupo naman si Josefina sa tapat ng bintana at doon ay taimtim na nag dasal habang si Don Alejandro naman ay naiwan lang na nagmamasid sa pintuan. Hangga't maaari ay hindi niya pinapakita na kinakabahan din siya sa mga nangyayari.

"Lumabas na ang bata!" Masayang saad ni Manang Hilda dahilan upang mabuhayan ng loob ang lahat. Maging ang mga kasambahay na naglilinis ay hindi maiwasang sumilip sa silid upang tunghayan ang mga nangyayari. Matapos linisan ang sanggol ay maingat naman itong nilagay ni Manang Hilda sa dibdib ni Carmela.

"Babae ang pangalawa kong anak" wika ni Carmela habang pinapakiramdaman ang paghinga ng anak.

"Kamukhang-kamukha mo siya nang ika'y isilang ko" saad ni Doña Soledad at saka buong ingat na binuhat ang bata na parang sarili niyang anak. Napangiti naman si Carmela sa ginawa nito.

"N-nasaan pala si Juanito?" tanong ni Carmela. Hangga't maaari ay pilit niyang nilalabanan ang antok upang hintayin ang pagdating ng asawa.

"Alas-sais pa lang ng umaga, marahil ay kakadaong pa lang ng barkong sinasakyan ni ginoong Juanito" sagot ni Josefina. Niligpit na nito ang hawak niyang kulay asul na rosaryo dahil nakatapos na rin siya sa pagdarasal.

Napatingin si Carmela sa labas ng bintana. Patuloy parin ang pagbuhos ng mahinang ulan at ang pag-ihip ng malakas na hangin. Sandali niya namang ipinikit ang kaniyang mga mata at saka taimtim na nagdasal.

Hindi nagtagal ay narinig nila ang sunod-sunod na yapak mula sa labas ng silid na animo'y nagmamadali. Humahangos na niluwa ng pintuan si Juanito. Ang damit nito ay nababasa ng ulan dahil pagkadaong pa lang ng barkong sinakyan niya ay hindi na ito nag dalawang isip na lumusong sa ulan upang makauwi agad sa kanilang tahanan.

Sumilay naman ang ngiti sa labi ni Carmela nang makita ang lalaking tanging nagbibigay ng kakaibang saya at kapayapaan sa kaniyang dibdib. Ang mga mata at ngiti nito ay wala paring pagbabago gaya noong una nilang pagkikita. Kung kaya't hanggang ngayon ay hindi parin siya makapaniwala na tatlong taon na silang kasal at na biniyayaan na ng dalawang anak.



I Love You Since 1892 Sequel (19TH CENTURY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon