Chapter Thirteen

59 3 0
                                    

13 - Wish

Jaxton

Kanina pa ako naghihintay sa labas ng ICU mula nang makausap ko si Tita Mexie. Kinailangan isugod ni Keana roon dahil kritikal na raw ang kalagayan niya. Ngayon ko lang din nalaman ang tungkol sa sakit niya sa puso.

Naturingan niya akong kaibigan niya pero hindi ko nalaman ang kalagayan niya para maalagaan siya? Napakatanga ko ro'n. Tinanong ko siya noon pero hindi niya nasagot kasi biglang dumating ang isang nurse na ate-atehan niya rito. Naisip ko na baka hindi pa 'yun ang oras para malaman ko. Pero sa dinarami-rami ng panahon at oras, bakit hindi ko siya natanong noong mga panahon na 'yon? Hindi niya rin kasalanan na hindi niya sinabi sa akin kahit hindi ako nagtatanong, dahil nirerespeto ko ang desisyon niya kung gusto niya ba na sabihin iyon sa akin o hindi.

Pero kampante ako kahit papa'no dahil sabi ni Tita Mexie ay magiging maayos din si Keana, nananalig ako roon. Alam kong 'di pababayaan ni Tita M si Keana. Pero sana nga...

Tinukod ko ang magkabilang siko ko sa aking mga hita bago yumuko. Kinagat ko ang labi kong nanginginig sa kaba at takot. Natatakot ako para kay Keana...

Hindi ko kaya... Hindi ko kayang mawala si Keana. Nawala na si Mama bago lang, ayokong si Keana rin. Baka mabaliw na ako. Tangina, bakit naman ganito? Napapansin ko noong hindi pa namatay si mama, nagiging matamlay na si Keana at palaging nakatutulog. Minsan ay naabutan ko siyang nakayukyok ang ulo sa lamesa, tulog pero may luhang tumutulo mula sa mga mata.

Kanina ay halos mablangko na ang utak ko at ang tanging nagawa ko lang ay umiyak ng umiyak. Pero siya, imbes na iwan ako ay pinili niya pa ring 'wag umalis; naging sandalan ko siya at siya ang pinagkukunan ko ng lakas. Kaya sobra-sobra ang inis ko sa sarili ko no'ng nasigawan ko siya, nag-aalala lang naman siya sa akin lalo na at nagluluksa pa ako.

Siya ang nagsilbing liwanag ko. Siya ang dahilan kung bakit gusto ko pa ring ituloy ang buhay ko kahit na sobrang hirap na mabuhay. Hindi niya ako iniiwan at palagi niya akong dinadamayan. Malakas ang tiwala ko sa Kanya na hindi niya pababayaan si Keana.

Kamamatay lang ni Mama pero si Keana na naman ang kritikal ang lagay ngayon. Pero ngayon, hindi ko na talaga alam ang gagawin ko 'pag mismong siya, mismong ang liwanag ko, ang tahanan ko, mawawala sa piling ko.

"Bebelabs ko 'yon, eh," mapait akong napatawa sa sinabi ko.

Noong una ko siyang nakita sa rooftop, malungkot siya. Kahit na nag-a-attitude siya sa akin noon, ramdam ko ang kalungkutan na nakikita ko sa mga mata niya. Kaya sinabi kong gusto ko siyang maging kaibigan. Labis-labis ang saya ko noon nang umo-o siya kahit na alam kong nakukulitan siya sa akin no'n kaya siya pumayag. Gusto ko siyang mapasaya kahit na ang korni ko minsan. Ayos lang, makita ko lang siyang nakangiti.

Kung sana nalaman ko lang agad ang sakit niya, sana mas nabantayan ko pa siya ng maayos, sana naalagaan ko pa siya... Pero hindi pa naman huli ang lahat, 'di ba? Babawi ako at gagawin ko ang lahat para maging maayos lang si Keana. Tapos kapag magaling na talaga siya, gagala kaming dalawa sa kung saan niya gusto o 'di kaya'y kakain sa mga pagkainan na gustong-gusto niyang puntahan!

"Jax..." I raised my head just to see Tita Mexie with her swollen eyes. Kinabahan agad ako sa hilatsa ng kanyang mukha.

"Bakit po? May nangyari po ba?" bakas ang kaba ang boses ko nang itinanong ko iyon sa kanya. Napatayo pa nga ako.

Unti-unti siyang napaluhod sa harapan ko. Nataranta ako at pinipilit siyang tumayo na pero nagmatigas pa rin siya habang umiiyak. May nagtinginan ng mga tao sa amin, nagtataka kung bakit nakaluhod ang isang doktor sa harapan ko. Tita naman kasi, baka pagkamalan akong nagpaiyak ng doktor dito.

"Tita, tumayo ka r'yan," natatarantang pakiusap ko. Anak ng.

Tumayo siya at nagpunas ng luha bago umupo kaya umupo rin ako sa tabi niya. Nakakatakot naman 'to si Tita, biglang umiiyak at luluhod sa harapan ko.

"Jaxton..." panimula niya. Binilhan ko pa siya ng tubig galing sa vending machine na nasa gilid ko lang at tumango sa kanya para ituloy niya ang sasabihin pagkatapos niya uminom. Huminga muna siya ng malalim at nagsalita na ulit, "Sasabihin ko sana sa iyo 'to kanina, pero nasasaktan ka pa ng labis no'n kaya hindi maatim ng konsensya ko na sabihin sa 'yo kahit na mas maganda 'yon para isang bagsakan na lang ang sakit na mararamdaman mo, hindi 'yung ngayon na ganyan ang kalagayan ni Keana. Pero hindi ko na mapigilan ang utak ko na sabihin sa iyo..."

Kinakabahan na ako kay Tita, masyadong pa-suspense, eh. Para tuloy akong nasa isang show kung saan may mga thrilling activities na tipong kakabahan ka talaga.

"'Yung mama mo..." Natigilan ako sa pagbanggit palang ni Mama, napansin iyon ni Tita kaya makikita ang pag-aalinlangan sa kanyang mga mata pero tumango lang ako sa kanya para ituloy niya.

"Alam mo ba na bago siya bawian ng buhay, nagising siya?" Nanlaki at nanubig ang mga mata ko sa narinig.

"T-Talaga po?" May saya, lungkot at pangungulila sa boses ko.

Tumango siya, "Pero may sinabi siya, Jaxton. Naaalala mo iyong sinabi ni Dr. Genesis na maririnig ng isang taong naka-coma ang mga nangyayari sa paligid niya? At naniniwala ka ba na gumagala ang kaluluwa ng isang tao kahit comatose siya?" Tumango-tango ulit ako at napapahid sa luhang bumagsak mula sa mata ko.

"Ako, naniniwala ako roon. Sa mga sinabi niya sa akin, alam niya ang tungkol sa nakilala mo na babae, Keana raw ang pangalan. Mala-anghel kung tingnan kasi maganda. Nakita niya raw kung paano ka masaya sa piling nung babae. Mas nauna pa nga niyang malaman ang kalagayan ni Keana kaysa sa iyo, eh," tumawa ako ng mahina habang patuloy na tumutulo ang mga luha mula sa mga mata ko. Si Mama talaga, stalker ko na yata siya, eh. Pati future lovelife ko, alam niya na. Natawa ako sa aking naisip.

"Alam mo ba kung ano ang hiniling niya sa akin bago niya maipikit ang kanyang mga mata?" Pinahiran ko ang mga luhang tumulo mula sa mga mata ko at suminghot bago siya tinanong kung ano.

Nagulat ako sa sinabi niya at halos hindi makagalaw sa inuupuan. Umagos ulit ang mga luha sa mata ko na parang gripo at halos humagulgol na sa harapan niya.

Bakit, 'Ma? Deserve ko ba ang isang ina na katulad mo? Gusto kitang yakapin dahil sa hiniling mo pero nasasaktan din ako. Kasi, 'Ma, gusto kong ilang ulit na magpatawad sa iyo at gusto kitang sabihan kung gaano kita kamahal pero alam kong hindi ko mapapantayan ang pagmamahal na ibinibigay mo sa akin.

Niyakap ako ni Tita Mexie habang umiiyak ako at tinapik-tapik ang balikat ko. Nang matapos na ako sa pag-iyak, tumango ako sa kanya at alam kong naintindihan niya ang ginawa kong pagtango.

Nag-iiyakan kami rito ni Tita pero nabulabog kami sa sigaw ng isang nars. Napalingon kaming dalawa sa pinto kung saan nakatayo ang nurse, "Doc! Si Keana po!" natatarantang sigaw niya.

Tumayo na si Tita Mexie mula sa tabi ko at binigyan ako ng isang maliit na ngiti, "Alam kong may gusto ka sa anak ko, Jaxton, kaya idadagdag ko iyan sa mga sasabihin ko kay Keana mamaya sa operasyon para malay mo, mas lumakas ang loob niya," hilam ang mga matang sabi ni Tita M sa akin at naglakad na patungo sa loob para kay Keana.

________________________________________

Use the hashtag #HaplessBeings

***

Hapless Beings Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon