PAHAPYAW: Punit

11 0 0
                                    

*BLAG!*

"Wala akong maisulat!" Sigaw ko nang iumpog ko ang aking ulo sa blangkong papel na nasa aking mesa. Tiningnan ko ang oras. 7:00am na naman. Inumaga na naman ako. Inis kong dinakma ang alarm clock at buong puwersang ibinato sa dingding ng kwarto ko, dahilan para magutay at humalo ang mga piyesa nito sa mga nilamukot na papel sa sahig.

Padabog akong tumayo at pinagdadampot ang lahat ng librong nahagip ng aking mata at saka pinagbabatikal sa labas ng bintana. Sinubukan ko nang magbasa nang magbasa pero wala talaga. Pumunta na rin ako sa iba't ibang lugar para lang makakuha ng inspirasyon, nag- aksaya lang ako ng pamasahe. Sinubukan ko na ring maglasing gaya ng ginagawa ng ilang manunulat, nasukahan ko lang ang aking papel. Parang bumubula ang isip ko kapag bumubuo ako ng kuwento. Hindi naman ako dating ganito. Napahilamos na lang ako sa inis sabay buntong hininga. Binalingan ko ng tingin ang makapal na blangkong papel na susulatan ko at may pagngingitngit na pinunit ito.

'Di ko pa man ito tuluyang nahahati sa dalawa ay natigilan ako sa nangyari. "Du- dugo?" Naguguluhang sambit ko nang bumukal ng dugo ang punit ng papel na parang may sugat. Ang mainit kong ulo'y sinimulang pamuuan ng malalamig na butil ng pawis. Agad kong binitawan ang papel at umagos sa sahig ang masangsang na dugo nito.

Napahakbang na lang ako patalikod nang biglang lumabas ang makapal at itim na itim na usok mula rito. Nanigas ang buong katawan ko nang balutin ako nito na parang nililingkisan ng ahas at iniangat sa ere.

"AAAAHH!" Ano ang bagay na ito? Hindi ako makakilos. Dahil ba ito sa tindi ng takot, o dahil sa kayang gawin ng usok na ito. "Tu- tulong!" Buong lakas akong sumigaw, ngunit parang walang nakakarinig sa'kin. Tila walang makatakas na ingay mula sa silid ko.

Lalong bumigay ang aking paghinga nang may mga kakila- kilabot na bulong akong narinig mula sa usok. Hindi ko mawari kung lalaki o babae. 'Di ko rin maunawaan kung ano'ng salita. Mas dumagundong ang tibok ng puso ko nang biglang punitin na parang papel ng usok na ito ang aking damit, kaya't naiwang walang saplot ang aking katawan. 'Wag! Ku- kung ano ka man, please, 'tig- tigilan mo na ako," humahagulhol pakiusap ko.

Mas lalo akong nagpumiglas nang makita ang aking bolpen na lumulutang papalapit sa akin. "Aakk- AAAAHH!" Napaihi na lang ako sa sakit nang tumarak ito sa aking dibdib at unti- unting inuukitan ang aking balat. Saksak. Hiklat. Ukit. Ramdam na ramdam ko ang matinding sakit, init, at hapdi habang kumukudkod ang talim ng panulat sa aking kalamnan. Hindi ko na inalintana ang sipon at luha na naghalo sa aking mukha. Walang tinig akong pumalahaw at nanalangin sa isip na tumigil na ito. Wala akong nagawa kundi manginig ang katawan ko dahil sa matinding panghihina.

Maya- maya pa'y nalaglag na ang bolpen at tiningnan ko ang ginawa nito sa aking katawan. 'WAKAS'. Ito ang malaking nakaukit sa aking dibdib hanggang tiyan na inaagusan ito ng masaganang dugo.

"TAMMAAA NAA!!!" Sigaw ko nang nakaramdam ako na parang may puwersang binabatak ang aking katawan. Parang 'di na ako makahinga. Unti- unti nang nangdidilim ang paningin ko. Naglagutukan ang aking mga buto at sumambulat ang aking bituka nang maputol ang aking katawan kasabay nang pagkawala ng aking malay.

Tinapos ako ng aking akda.

ANG/GULO: Isang AntolohiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon