PHASE 5

20 5 0
                                    


Mabilis ang araw at nakaraos rin, dahil natapos ko rin ang ilang mga assessment na pinagawa sa amin. Mabuti at kapag may mga nangyayaring ambagan ay nakakapag bigay pa rin ako kahit papaano, dahil minsan, kapag walang raket, nakakautang ako kay Ate Barbs at Ate Kay.

Hindi rin naman kasi madali ang rumaket lalo na pagdating sa pageant. Talagang minsan ay dumadating sa puntong isang linggong straight ay wala talaga, literal kaming nga-ngang tatlo. Hindi naman kasi madalas magkaroon ng ganung event, bihira lang. Kaya naman mabuti na lang ay minsan pumapart-time ako sa Parlor ni Ate Barbs, sa dami ba naman kasi madalas ang dumadayo sa kaniya ay malabong hindi niya kakailanganin ng tulong kaya naman ay nagprisinta ako.

Mabilis naman siyang nakapayag dahil malakas naman ako sa kaniya, at isa pa, ayaw na raw niyang kumuha ng iba at baka kutusan lang siya, hindi katulad ko na kahit malapit kami sa isa't-isa ay nahihiya pa akong umutang minsan. Sa mga nagdaang araw sa part-time ko, tuwing hapon, matapos galing sa eskwela ay dito lagi ang diretso ko bago umuwi sa bahay, at ang ganap naman lagi sa loob ng parlor ay; may oras na taga linis, mag-a-assist sa mga customers o kaya taga banlaw, patuyo, plantsa at suklay sa mga buhok nila.

Kahit papaano ay nakakatanggap rin ako ng bayad kay Ate Barbs, kahit na hindi ganun kalaki, sapat na rin sa mga nagiging baon ko sa araw-araw para hindi ako laging humihingi kay Tatay. Okay na rin naman kasi dahil si Ate Barbs madalas manlibre na kinakain namin. Malakas naman kasi ang Parlor niya.

At minsan naman kapag sumosobra sa magiging baon ko ang sweldo ko, sa kinabukasan namin ay ako na ang bumibili ng pang-ulam namin para sa aming magiging hapunan. Dumadaan ako madalas sa Andoks dahil yun lang ang alam kong sulit, hindi na kailangan magluto dahil lahat kami abala at pagod, at isa pa, yun ang isa sa mga paborito nila. Wala na rin naman kasi akong time para magluto kung anu-ano, t'saka mas magastos rin at hindi pasok sa budget ko kung bibili pa ako ng mga kung anu-anong rekados na lulutuin. Mas sulit sa Andoks, kasi noon pa man, kahit pumapatak ang birthday naming magkakapatid, hindi mawawala ang ganung handa sa amin taon-taon.

Ganun minsan ang ganap, kinailangan ko rin umuwi sa bahay bago pa ako maabutan ni Nanay bago maghapunan na wala pa ako sa bahay. Mabuti nga at naite-text ko si Tatay na sunduin niya ako ng tricycle ng sa gayon ay hindi ako tatanungin na kung anu-ano ni Nanay at baka lalong mapagalitan ako, kaya yung ulam na minsan na dala-dala ko, napagkakamalan na si Tatay ang bumibili dahil si Tatay lang ang madalas kong sabihan tungkol sa ginagawa ko bukod kay Kuya.

Wala naman kasing kaso, kay Nanay lang naman meron. Parang lahat ng ginagawa ko, may kaso lagi sa kanya. Palaging may mali.

Nga lang sa nagiging sweldo ko sa parlor, hindi katulad ng kalaki ang pera na nahihita ko kumpara sa pageant. Pero wala eh, ganun talaga ang buhay. Hindi naman kasi permanente ang pinagkakakitaan ko, minsan meron, minsan wala. Ganun lang.

Sa parlor naman, hindi naman kasi ako propesyunal pagdating sa buhok at kailanman ay hindi gumupit ng buhok ng customer at baka malugi pa si Ate Barbs kung sakaling makalbo ko pa ang gugupitan ko. Tanging si Ate Barbs at Ate Kay lang ang magagaling. Kaya nga sa kanila ko talaga kinakatiwala ko ang sarili ko dahil alam kong nagagawa nila akong pagandahin ng husto.

Kaya bilang sukli, ay kung sakaling manalo ulit ako sa susunod kong pageant ay ibabawas ko na lamang sa napapalalunan ko ang ibabayad kong utang sa kaniya. Hindi kasi ako sanay na maraming inuutangan. Mahirap na. Baon na nga kami sa utang ng buong pamilya, uutang pa ako. Hindi ko rin ito sinasabi sa mga magulang ko at pihadong madadagdagan lamang ang sakit nila sa ulo, lalo na si Nanay. Kaya hangga't hindi nagiging malaki ang utang ko, binabayaran ko kaagad ng sa gayon hindi rin sumakit ang ulo ko sa kakaisip kung paano mabayaran.

Ang mga quizzes, recitation at surprise exam ay hindi ko naman nalikdangan, at ang mahalaga ay nagkakapag-review pa rin ako at may naisagot ako kahit papaano. Hinihiling ko na lang sa itaas na sana naman makapasa ako. Alam kong hindi ako masipag mag-review pero sinubukan ko kaya... sana, sana talaga! Kaya kahit alam kong hindi magiging perfect ang score ko, sana pasang-awa man lang ay matapatan ko. Okay na 'ko don.

The Adelaide for Majesty: (sense of self-worth. family feud.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon