Chapter 12

8 1 0
                                    

Chapter 12

Sinunod naman ni Maggie iyong sinabi ko at tahimik niya akong tinitigan sa mga mata ko, gano'n rin ako.

Marahan kong pinunasan iyong mukha niya. Pansin kong namumula iyong pisngi at tainga niya, pinigilan ko ang mapangiti dahil ro'n pero mayroon pa ring nakatakas sa labi ko.

Marahan niyang nilayo iyong mukha niya at naguguluhan niya 'kong tinignan. "Ba't ka nakangiti?"

Umiling ako. "Wala."

"Pinagtitripan mo yata ako eh, baka iniisip mo pala, kadiri naman 'tong pores ni Maggie, kitang-kita."

Tumawa ako at ibinaba iyong towel roon sa loob ng duffel bag niya. Kung ano-anong iniisip ng babaeng 'to.

"Baliw," sagot ko. Ipinatong ko iyong kamay ko sa ulo niya at bahagyang ginulo iyon.

"Ano pala 'yung pinag-uusapan niyo kanina ni Janine na sasalihan niyo?" Tanong ko at umupo na ako sa tabi niya.

Sinundan niya ako ng tingin, bakas iyong pagtataka sa mukha niya.

"Kailan ka pa naging tsismoso?" Tanong niya, may bumuong mapaglarong ngiti sa labi niya, nang-aasar. Nawala iyong ngiti ko.

"Kung ayaw mo sabihin, ayos lang," sabi ko at iniwas ko iyong tingin sa kaniya at tumanaw sa malayo.

Natawa siya.

Sa gilid ng mga mata ko ay napansin kong binawasan niya iyong distansya sa pagitan namin at nilapit niyo iyong mukha niya, nakangiti pa rin siya, na para bang natutuwa siyang inaasar ako ngayon.

" 'Yung speech choir lang 'yon, gusto niyang samahan ko siya para mapalapit siya sa crush niya," pag-e-explain niya pero hindi ko pa rin siya nilingon. Hindi naman talaga ako galit o ano, gusto ko lang makita kung anong susunod niyang gagawin.

"Uy, seryoso ba, galit ka? Biro ko lang 'yon," sabi niya at lalo siyang lumapit sa akin. Ramdam ko na bahagya niyang sinusundot-sundot iyong tagiliran ko.

Hinuli ko iyong isang kamay niyang nangingiliti sa tagiliran ko, at seryoso ko siyang tinignan. Bahagyang namilog iyong mga mata niya sa ginawa ko.

Dahil sa lapit namin, hindi ko maiwasang pag-aralan iyong mukha niya. Mula sa kulay kayumanggi niyang mga mata, pababa sa maliit niyang ilong, hanggang sa bumaba iyong tingin ko sa labi niyang kulay rosas. Napalunok ako.

Binalik ko iyong tingin sa mga mata niya nang parang biglang lumabo iyong paningin ko sa paligid niya at siya lang 'yung natatanging malinaw. Ramdam ko rin iyong pagbilis ng pintig ng puso ko.

Ampucha, ano 'to?

Ba't ang bilis ng tibok ng puso ko?

Napailing ako at lumayo ako nang kaunti sa kaniya.

"Bakit? Anong nangyari sa 'yo? Masakit ba ulo mo?" Tanong niya.

Akmang lalapit pa sana siya pero sinenyasan kong huwag na. "Okay lang ako, wala 'to."

Magsasalita pa sana siya nang biglang tumunog iyong cellphone niya kaya nalipat iyong atensyon niya.

"May tumatawag 'ata," sabi ko.

Kinuha niya iyong duffel bag niya sa gilid at inilagay iyon sa hita niya. Binuksan niya iyong bulsa noon at kinuha mula ro'n 'yung cellphone niya.

"Text lang."

Binuhay niya iyong cellphone niya at nagulat ako nang makita iyong lockscreen wallpaper niya. Nagulat rin siya, kaya agad niyang nilayo iyong cellphone niya at tinago iyon sa likod niya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 02, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Trail of Love and Chase [Medrano Series #2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon