Prologue

96 11 14
                                    

Prologue

"With Highest Honors..."

Naririnig kong binabanggit at sinisigaw na ng mga kaklase ko 'yong pangalan ko.

Ngumisi si Arlo, best friend ko, at inakbayan pa 'ko.

"Matic na 'yan," sabi niya. Tinanggal 'yong akbay sa 'kin at siniko-siko pa 'yong tagiliran ko. Ampucha.

Sinuntok ko nang pabiro 'yong braso niya, tumigil na rin siya. Umiling ako sa kaniya at tinuon ang tingin sa stage.

Nagtipon-tipon at nakaupo kaming mga estudyante sa mga silya na inihanay sa open space, kung sa'n laging nag-co-conduct ng flag ceremony. Nasa harap nito ay iyong stage.

Nag-a-announce sila ngayon ng mga may awards, honors, at iba pang academic at extracurricular recognition para sa nagdaang first and second quarter ng school year.

"Zaiden Jeremy Medrano," announce ng guro at saka tumingin sa 'kin.

"Sabi sa 'yo si Pres. eh."

"Lagi namang siya."

"Ano pa bang bago?"

Habang tumatayo, inayos ko 'yong bridge ng eyeglasses ko. Naglakad na 'ko't umakyat sa stage. Nakipagkamay sa mga faculty at kinuha ang medalya. 'Yong adviser ko ang nagsabit ng gintong medalya sa leeg ko, 'di kasi makakaattend si Lola dahil masama ang pakiramdam niya.

"Napakagaling talaga, Zaiden. Pagbutihin pa sa third at fourth quarter pero huwag kakalimutang i-enjoy ang pagiging estudyante," sabi ni Ma'am Reyes, adviser namin ngayong taon, at teacher rin sa Science.

"Opo."

Pagkatapos ng awarding, babalik na kami sa kaniya-kaniyang classroom. Buong umaga lang kasi ang tinagal no'n, at para sa panghapon naming klase, regular classes pa rin. Bago ako bumalik, binati pa ako ng ilang mga kaklase at mga schoolmate, pati mga pinsan ko pinuntahan ako.

"Naks, nakatsamba na naman siya," si Adriel. Hinampas pa 'ko sa likod.

"Lahat na lang sa 'yo, tsamba. Kung mag-aral ka kaya ano. Kaya ka napapagalitan ni Tita 'pag nakikita grades mo eh," sabi ni Kael.

Nagtawanan kaming magpipinsan, sinisimulang asarin si Adriel.

"Wala ka pala eh,"

"Wala kasi dapat ungkatan ng grades. 'Wag gano'n, pangit 'yon."

Nag-asaran at tawanan pa kami saglit bago ko sila sinabihang magsibalik na sa kaniya-kaniyang classroom.

"Balik na kayo sa classroom niyo. Anong oras na oh,"

Tinignan ni Dio 'yong relo niya bago sila hinatak. "Malalate na tayo. Tara na."

"Hoy, Adriel, manlibre ka mamaya ah," pahabol pang sabi ni Isaac bago umalis. Naghiyawan sila.

Ampucha talaga ni Isaac. Puro pa-libre, palibre. Tuwing may pagkakataon, lagi niyang sinasabi 'yan. Wala nang ibang inisip kung 'di magpalibre.

"Ano ba 'yan. Da't kasi half day na lang ngayon eh. Epal naman ni Sir Lim," pagrereklamo ni Arlo nang makabalik kami sa classroom.

Sa totoo lang, hindi ko rin maintindihan ba't may pasok pa kami ngayong hapon. Tapos naman na lahat ng pinapagawa ng mga guro. Christmas party na bukas, at christmas break na pagtapos no'n. Ewan ko rin anong nasa isip ng principal namin.

Ilang beses pang sinumpa ng kumag gamit ng bibig niya 'yong principal namin. Nang magsawa, nakipagdaldalan na rin siya sa iba pa naming mga kaklase.

Habang wala pang teacher, kinuha ko 'yong cellphone, nagpatugtog ng kanta sa playlist bago sinalpak 'yong earphone ko sa tainga. Tinanggal ko 'yong eyeglasses ko at tinabi. Matutulog muna 'ko. Sobrang pagod ko nitong mga nakaraang araw dahil napuyat ako kakaaral no'ng mga nakaraang linggo para sa exams. Dumagdag pa 'yong pag-p-prepare namin ng Student Council para sa christmas party bukas. Hindi ko pa tuloy nababawi 'yong tulog ko.

Inubob ko 'yong ulo ko sa armrest at papikit pa lang sana ako nang may kumalabit sa kanang balikat ko kasabay nang unti-unting paglakas ng tilian at hiyawan sa loob ng classroom.

"Maggie lang malakas!"

"Grabe talaga gumalaw si future Mrs. Medrano."

Ampucha. Sa sigawan pa lang nila, kilala ko na sino 'yong lumapit at nangalabit sa 'kin kahit nakaubob pa rin ako sa armrest.

"Guys, tumahimik muna kayo. Moment ko 'to. Kanta na lang kayo para may background music kami."

Mas lalong lumakas 'yong hiyawan. Nahaluan 'yon ng tawanan.

Ampucha. Ayoko talaga ng ganito. Sa tuwing lumalapit siya, ang daming matang nagmamasid sa 'min. Ayoko sa gano'ng atensiyon.

Ayoko na sanang i-angat 'yong ulo ko at magpanggap na lang na natutulog, pero para matapos na, at umalis na siya ay inangat ko na 'yong ulo ko at tinanggal 'yong isang earphone sa kabilang tainga ko.

Lumingon ako sa likod at nakatayo ro'n si Maggie na may hawak-hawak na isang pack ng chocolates. Iniabot niya sa 'kin 'yon.

"Congrats, Zaiden!" sabi pa niya.

"Salamat," sagot ko na lang pero hindi ko kinuha 'yong chocolate. Iaabot niya pa sana sa 'kin 'yon nang may sumigaw na isang kaklase namin na nandiyan na raw si Ma'am. Mabilis na nagkaniya-kaniyang balik sila sa upuan. Inalis ko na 'yong earphone at inilagay sa bag ko. Saktong pumasok si Ma'am Reyes. Binati niya kami at bumati naman kami pabalik.

"Magpapalit na kayo ng sitting arrangement para sa third and fourth quarter." ngumiti siya.

Naghalo 'yong mga tunog ng pagtanggi, lungkot, at saya na nabalot sa classroom sa sinabing 'yon.

Pinatayo kaming lahat at pinapunta sa pinakalikod na parte ng classroom. Tumabi sa 'kin si Arlo.

"Ngayon, may tanong ako." Nabalik 'yong atensiyon namin nang magsalita si Ma'am. "May mga loveteam ba dito?"

Ampucha.

Halos sabay-sabay na nag-angat 'yong mga kaklase ko ng kamay nila at ang mga daliri nila ay nakaturo sa 'kin at kay... Maggie.

Nagsimula nang magtilian 'yong mga babae, 'yong iba hinahampas pa 'yong mga katabi nila. 'Yong mga lalake nakikihiyaw na rin. Puro pangalan lang namin 'yong naririnig sa classroom.

Ampucha.

Pati si Arlo sa tabi ko, sumisigaw-sigaw na rin. Kumag rin talaga ng isang 'to.

"Bakit, Ma'am? Pagtatabihin niyo ba kami? Kasi kung oo, 'di ako magrereklamo," malakas na sabi ni Maggie.

Nagkagulo na sa loob. 'Yong iba, pinagtutulakan pa 'ko palapit kay Maggie. Ampucha naman.

Inayos ko 'yong bridge ng eyeglasses ko, sinusubukang pigilan gumawa ng reaksyon.

Aliw na aliw si Ma'am Reyes habang nakikipagtawanan at sinasabayan 'yong biro ni Maggie. Pati 'yong mga kaklase ko, gano'n rin. Parang mga binudburan ng asin.

"O, siya, Maggie, Zaiden, dito kayo sa first row."

"Hala, Ma'am!" Biglang sigaw ulit ni Maggie. Palihim at saglit akong sumulyap sa puwesto niya. Nasa kabilang dulo siya ng classroom.

Pulang-pula 'yong buong mukha niya at ang gulo na ng buhok niya, pa'no ba naman, sinasabunutan na siya ng mga kaibigan niyang babae. Hinaluan pa ng paghampas at pag-aalog sa mga balikat niya.

"Baka magkatuluyan kami. Pero sige, reserved na para sa 'yo 'yong isang slot ng ninang sa kasal namin, Ma'am." Tawa lang ang naging sagot ni Ma'am Reyes.

Naunang pumunta at umupo si Maggie sa upuan. Nilingon niya 'ko, nakangiting nag-aabang.

Gusto kong tumutol, pero 'di ko alam anong sasabihin ko. Sa huli, mabibigat 'yong mga hakbang na lumapit ako sa kaniya. Akala ko wala nang ilalakas 'yong sigawan ng mga kaklase ko, pero habang papalapit ako nang papalapit kay Maggie, mas lalo pa silang nag-iingay. Halos mabingi na 'ko sa hiyawan, ampucha.

Pagkaupo, tinanguan ko lang siya. Malawak 'yong ngiti niya namang binati ako. "Hi, Pres!"

Nagtanong pa si ma'am kung mayroon pang ibang loveteam sa klase. Nang malamang wala, sunod-sunod na siyang nagtawag ng pangalan at tuloy-tuloy na inayos 'yong seating arrangement.

"Pagtapos ng christmas break niyo, ito na ang magiging seating arrangement niyo. Secretary, pakilista at pakitago," dagdag pa ni Ma'am Reyes.

Hindi ko inaasahan na 'yong araw na 'yon, sa simpleng pagpapalit ng sitting arrangement, maraming magbabago at mangyayari.

Trail of Love and Chase [Medrano Series #2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon