MAYA
"Infairness, magaling ka palang magluto, Maya." Ngumiti si Veron at nagpunas siya ng tissue sa bibig. "Don't worry, kapag nagdala ulit ako ng calderata, ganitong-ganito na."
"Ako lang naman ang naglagay ng gulay at nagpalapot pero ikaw pa rin ang totoong nagluto nito," nakangiti kong sagot.
Sinulyapan ni Veron si Landon na nakaupo sa tabi ko. "Landon, huwag kang magagalit sa akin ah. Hindi ko inutusan ang asawa mo na magluto."
"Ano ka ba, walang kaso 'yon kay Landon saka sa akin." Sinulyapan ko si Landon. Hinawakan ko ang kamay niya dahil kanina ko pa nahahalatang tahimik siya habang kumakain kami. Hindi na ako nagtanong kung bakit hindi siya nagsasalita. Muli kong ibinalik ang tingin kay Veron na nakaupo sa harap namin ng asawa ko. "Saka okay lang sa akin na ipagluto kayo araw-araw. Maganda nga 'yon 'di ba para mas lalong mapalapit ang loob namin sa iyo."
Malapad na ngumiti si Veron. "Tama, para mas lalong mapalapit ako sa inyo."
Narinig ko ang bahagyang pag-ubo ni Landon. "Sorry, may bumara lang sa lalamunan ko."
Napabuntunghininga ako dahil alam ko ang ibig sabihin ng pag-ubo ni Landon. Ngumiti ako kay Veron para hindi niya mahalata kung ano ang nasa isip ko at ayokong makahalata siya na tutol ang asawa ko na mapalapit siya sa amin. Mukhang mabuting tao naman siya kaya hindi ko talaga alam kung bakit hindi siya gusto ni Landon.
Minsan nga naiisip ko na kaya hindi gusto ng asawa ko na mapalapit si Veron sa amin ay baka mahulog ang loob niya rito. Iyon kasi ang madalas kong mapanood sa mga palabas. Natatawa na nga lang ako kapag naiisip ko iyon. Panatag kasi ako na hindi naman mangyayari iyon dahil may tiwala na talaga ako kay Landon at alam ko naman na hindi mababang uri ng babae si Veron. Kaya siguro ayaw sa kaniya ng asawa ko dahil hindi pa namin siya lubos na kilala.
"Pasensya na nga pala ulit kung nabasag ni Ate Gema 'yong wine na pinabili mo," paghingi ko ulit ng paumanhin kay Veron. Hindi ko nga alam kung ilang ulit na akong nanghingi ng paumanhin sa kaniya. Nahihiya lang kasi talaga ako sa nagawa ni Ate Gema. Isa pa, mahal pa naman ang preso ng wine na nabasag.
"I'ts okay, Maya. 'Di ba nga, nasabi ko na sa iyo na kasalanan ko rin. Kung hindi ko sana kinuha agad sa kaniya 'yong wine, hindi sana mababasag 'yon."
"Veron, huwag mo sanang masamain 'yong itatanong ko," panimula ko. Ayoko kasing sabihin agad sa kaniya ang gusto kong sabihin.
Ngumiti si Veron. "Don't worry, whatever it is, hindi ako magagalit."
Ngumiti muna ako at bumuntunghininga. Para kasing kinakabahan ako na baka masamain niya ang itatanong ko. "Nakita kasi kita kanina na kausap si Ate Gema. Nakita ko 'yong takot sa mukha niya. Ano nga pala 'yong sinabi mo sa kaniya? Hindi na kasi siya lumabas ng kuwarto. Iniisip ko, baka dahil 'yon sa pag-uusap ninyong dalawa."
"Wala naman akong sinabing hindi maganda sa kaniya, Maya. Ang sinabi ko lang, huwag na niyang intindihin 'yong nangyari kasi nga, kasalanan ko naman talaga." Sinulyapan ni Veron ang asawa ko. "Siguro kaya parang ayaw niyang magpakita kasi nahihiya pa rin siya. 'Di ba, Landon?"
"Excuse me." Tumayo si Landon at lumakad siya palayo sa amin ni Veron.
Gusto ko pa sanang pigilan si Landon kaya lang, nawala na siya sa paningin ko. Masyadong mabilis ang paglakad ng asawa ko na parang ayaw talaga niyang papigil. Napatingin na lang ako kay Veron habang balot ng pagtataka. Alam kong maging siya ay nagtataka rin.
"Hayaan na lang natin ang asawa mo. Baka malalim lang siguro ang iniisip."
"Wala bang ibang nangyari no'ng wala ako rito, Veron?" Bumuntunghininga ako. "Ang ibig kong sabihin, hindi ba kayo nagkasagutan ni Landon kanina?"
"Hindi," tugon ni Veron.
Napatango na lang ako. Idinaan ko na lang sa pagkain ang pagtataka ko. Kanina rin kasi pagkauwi ko galing sa palengke, ayaw niyang bumaba. Kung hindi ko pa nga siya pinilit na sumabay sa amin ni Veron na mananghalian, hindi talaga siya aalis sa kuwarto namin. Nahalata ko rin na hindi siya makatitig sa mga mata ko sa tuwing kakausapin ko siya. Kinakabahan tuloy ako na baka may nagawa siyang kasalanan. Sana lang talaga, mali ang iniisip ko.
"Pagpasensyahan mo na ang asawa ko, Veron." Pinili kong magsalita na. Baka kasi kung ano pa ang maisip ko habang tahimik akong kumakain.
"About ba iyon sa pag-iwas niya sa akin?"
"G-Ganoon na nga," pilit ang ngiting tugon ko.
Huminto sa pagkain si Veron at ngumiti siya sa akin. "Okay lang. Alam ko naman na ngayon lang 'to kasi sigurado akong magiging super close rin kami ng asawa mo."
"Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para mangyari 'yon."
"Aasahan ko 'yan, Maya." Malapad ang ngiting sabi ni Veron.
Nakangiti akong tumango sa kaniya. Wala naman kasing kaso sa akin kung magiging malapit sila sa isa't isa. Sa totoo nga, gusto ko nang dumating ang araw na iyon dahil gusto ko talagang mapalapit sa amin si Veron. Magaan kasi talaga ang loob ko sa kaniya na parang pakiramdam ko, magdadala siya ng suwerte sa amin. Pakiramdam ko rin kapag naging malapit sa amin si Veron, mas magiging makulay ang buhay namin.
Hinatid ko na sa labas si Veron. Hinintay ko rin munang makalayo ang kotse niya bago ako pumasok sa loob. Dumiretso agad ako sa kuwarto ni Ate Gema para makapag-usap ulit kami. Bigla kasi talaga akong nanibago sa mga tao sa bahay. Parang sa isang iglap lang, biglang nagbago ang katangian ng mga kasama ko.
"Ma'am Maya." Napatayo si Ate Gema mula sa pagkakaupo niya sa higaan.
Ngumiti muna ako bago ako lumapit sa kaniya. "Ate Gema, may iba pa bang problema?"
Hinawakan ni Ate Gema ang kamay ko. Kahit nagtaka ako, hindi ko iyon pinahalata. "Ma'am Maya, may dapat kang malaman."
Kusang kumunot ang noo ko sa sinabi ni Ate Gema. Pakiramdam ko tuloy, may malaki siyang rebelasyon na ibubunyag. Kinakabahan tuloy ako na parang ayoko nang marinig ang sasabihin niya. Mas lalo akong nagtaka at kinabahan dahil medyo umiyak si Ate Gema at humigpit ang pagkakahawak niya sa dalawa kong kamay.
"A-Ayoko sanang makialam pero, kailangan po ninyong malaman 'to."
Umupo ako at pinaupo ko rin si Ate Gema para makapag-usap kami nang maayos. Humugot ako ng malalim na hininga para maikalma ko rin ang sarili ko. "Ano ba ang dapat kong malaman, Ate Gema?"
"T-Tungkol po ito kay Sir L-Landon, Ma'am," sabi ni Ate Gema habang nararamdaman ko ang panginginig ng kamay niya na nakahawak sa mga kamay ko. "Alam ko naman po na hindi ganito dati si Sir Landon. Alam ko rin ang lahat ng mga kasalanang nagawa niya dati sa inyo."
Hindi muna ako nagsalita. Bigla kasing bumalik sa akin ang lahat ng mga nagawa noon sa akin ni Landon. Parang sa isang iglap, bumalik lahat ng sakit na naramdaman ko noon. Gusto ko na sana talagang kalimutan iyon dahil nagbago na ang asawa ko. Nakasisiguro akong hindi na niya ulit ako sasaktan.
Ngumiti ako para ipaalam kay Ate Gema na napatawad ko na ang asawa ko. "Hindi na ako magtataka kung bakit alam mo lahat ng mga nagawa noon sa akin ni Landon dahil kasama kita rito. Saka hindi na mauulit 'yon, Ate Gema. Nagbago na ang asawa ko."
"Nakasisiguro po ba kayong nagbago na talaga si Sir Landon?"
Napawi ang ngiti ko dahil makahulugan ang itinanong ni Ate Gema. Alam kong may gusto siyang iparating pero hindi ko lang matumbok kung ano iyon. Isa lang ang naiisip ko, baka nga may nagawa na namang kasalanan si Landon. Kaya siguro ganoon na lang ang ipinakikita niya sa akin kanina dahil may nagawa nga talaga siyang kasalanan.
"Ma'am, nakita ko po si Sir Landon at Ma'am Veron."
BINABASA MO ANG
Imprisoned Flower
General FictionParang isang sex slave si Maya kung itrato siya ng kaniyang asawa. Madalas din siyang pagbuhatan ng kamay at ang masakit para sa kaniya, ikinahihiya siya nito bilang asawa. Tiniis niya ang lahat ng hirap at sakit alang-alang sa anak niya dahil umaas...