MAYA
Ipinarada ni Landon ang sasakyan sa parking lot ng NAIA at ilang sandali lang ay napasapo siya sa noo. Pinili ko na lang tumingin sa unahan dahil ayokong makita ang mukha ng asawa ko. Alam ko kasing naiinis siya dahil hindi kasi niya gusto ang suot ko ngayon na t-shirt na puti at pajama. Katwiran ni Landon, magpupunta kami sa airport para makapagpaalam sa mga magulang niya dahil lilipat na ang mga ito sa ibang bansa kaya dapat, disente ang suot ko. Wala naman akong nakikitang mali sa suot ko dahil alam naman ng mga magulang niya na simple lang talaga ako manamit at tanggap naman nila iyon.
"Bakit kasi gusto pa nilang kasama kita." Sandali pang napailing si Landon bago siya lumabas ng sasakyan.
Hindi muna ako lumabas dahil gusto kong makasiguro na hindi babagsak ang luha ko. Nasaktan kasi ako sa sinabi ni Landon na parang pakiramdam ko, hindi ako miyembro ng pamilya nila para magsalita siya ng ganoon. Isa pa, nararamdaman kong ikinahihiya ako ng asawa ko. Kahit masakit, kinakaya ko na lang. Hindi ko rin naman siya masisisi dahil simpleng babae lang naman talaga ako.
"Ano, tatanga ka lang ba r'yan?" bulyaw sa akin ni Landon matapos niyang buksan ang pinto sa driver seat.
Sandali kong kinagat ang labi ko sa kagustuhan kong mapigilan ang pagbuhos ng luha ko bago ko buksan ang pinto. Nauna nang lumakad si Landon papunta kung saan namin kikitain ang mga magulang niya. Bahagya akong napangiti dahil nakita ko ang kumakaway na babaeng nakatayo sa labas ng airport. Dahil sa mga ilaw ay nakilala ko kung sino ang babae at siya ang ina ni Landon. Nasa tabi naman niya ang ama ng asawa ko.
Hindi na ako lumapit sa kanila. Tumingin na lang ako sa kalangitan para pagmasdan ang mga bituin. Sa tuwing pinagmamasdan ko ang mga iyon ay gumagaan ang pakiramdam ko. Naaalala ko pa nga noong bata pa ako, kapag umiiyak ako ay aakyat kami sa bubong ni Papa para pagmasdan ang mga bituin. Iyon daw kasi ang pampatigil ko sa pag-iyak, ang pagmasdan ang mga dekorasyon sa kalangitan. Kaya noong namatay si Papa, hindi na nangyari iyon dahil siya lang naman ang may tiyaga na umakyat sa bubong para mapatigil ako sa pag-iyak.
Naaalala ko rin noon na sinubukan akong iakyat sa bubong ng panibagong asawa ni Mama para mapatahan ako pero hindi ako tumigil. Gusto ko raw kasi, si Papa ang katabi ko habang pinagmamasdan ang mga bituin. Paulit-ulit ko nga raw binabanggit si Papa habang umiiyak ako. Tumigil na lang daw ako sa pag-iyak nang makatulog ako.
"Maya!"
Narinig ko ang pagtawag sa akin ni Papa, ang ama ni Landon. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako habang nakatingin sa mga bituin. Iniisip ko kasi na kung hindi namatay si Papa, baka hindi ganito ang sitwasyon ko at higit sa lahat, hindi ako takot na mawala sa buhay ko ang asawa ko.
Lumapit na ako kina Landon dahil sinisenyasan na ako ng mga magulang ng asawa ko na lumapit na sa kanila. Habang naglalakad ako palapit sa kanila ay pinupunasan ko ang luha sa magkabila kong pisngi dahil baka isipin pa nilang pinaiyak ako ng anak nila. Palagi kasi nilang sinasabihan si Landon na huwag daw akong sasaktan at paiiyakin dahil kapag ginawa raw iyon ng asawa ko, mananagot siya.
Kahit kailan ay hindi ko pa sinabi sa mga magulang ni Landon na sinasaktan ako ng anak nila. Kapag ginawa ko kasi iyon ay baka mas maging komplikado pa ang pagsasama namin ng asawa ko. Isa pa, ayoko na ring madamay pa ang mga biyenan ko sa nangyayari sa aming dalawa.
"Pa, Ma, pagpasensyahan na ninyo kung gan'yan ang suot ni Maya," kakamut-kamot sa ulong sabi ni Landon. "Paulit-ulit akong nagsabi na magsuot siya ng magandang damit kaya lang, ayaw talaga."
"Wala namang masama sa suot ni Maya, Hijo." Lumapit sa akin si Mama at tiningnan niya ako mula paa hanggang ulo. "Napakaganda pa rin ng asawa mo."
"Ano bang gusto mong suot ng asawa mo, maiikling short?" Napailing si Papa at siya naman ang lumapit sa akin. "Huwag mong susundin itong si Landon kung gusto ka niyang pagsuotin ng damit at short na halos makita na ang kaluluwa mo."
BINABASA MO ANG
Imprisoned Flower
General FictionParang isang sex slave si Maya kung itrato siya ng kaniyang asawa. Madalas din siyang pagbuhatan ng kamay at ang masakit para sa kaniya, ikinahihiya siya nito bilang asawa. Tiniis niya ang lahat ng hirap at sakit alang-alang sa anak niya dahil umaas...