Kabanata 9

133 8 2
                                    

MAYA

Pagkagising ko ay nakita ko ang isang bouquet ng bulaklak sa ibabaw ng mesitang nasa tabi ng kama. Hindi ko muna iyon kinuha dahil nagtataka ako kung sino ang nagdala ng bulaklak sa kuwarto namin ni Landon. Sa pagkakaalam ko ay inabutan na ako ng antok sa salas kahihintay sa asawa ko.

Kukunin ko sana ang cellphone ko para tawagan si Landon pero nakita ko ang puting papel na nasa tabi ng bulaklak. May nakapatong doon para hindi iyon tangayin. Dahil nadala ako ng kuryosidad kung ano ang nakasulat doon ay iyon ang kinuha ko imbis na ang cellphone ko.

Awtomatiko akong napangiti dahil binati ako ng magandang umaga sa sulat at nakasulat doon na pinapupunta ako sa garden na matatagpuan sa likod ng bahay. Inilapag ko ulit ang papel sa ibabaw ng mesita. Napaisip ako kung sino ang nagsulat niyon at kung sino ang naglagay ng bulaklak sa mesita. Imposible namang si Landon dahil napakatagal na nang ginawa niya iyon.

Lumabas na ako sa kuwarto. Pinuntahan ko muna ang kinaroroon ng anak ko at nadatnan kong tulog pa rin siya. Bawat gising ko kasi sa umaga, siya ang pinupuntahan ko. Gusto ko kasi na siya ang una kong makikita para gumanda ang araw ko. Gusto ko nga sana na sa kuwarto na lang namin siya matulog pero ayaw ni Landon dahil ayaw niyang nasa loob ng kuwarto ang anak namin kapag nagse-sex kami. Panatag naman ako dahil kasama niya sa kuwarto si Ate Gema.

Pumunta nga ako sa garden para alamin kung ano ang mayroon doon. Nakita ko ang mesa malapit sa mga bulaklak kaya napahinto ako. May mga nakahain din doon at hindi ko alam kung ano ang mga iyon dahil hindi pa ako tuluyang lumalapit sa garden. Gusto ko tuloy isipin na may makaka-date ako ngayong umaga. Napapatanong na lang tuloy ako kung sino naman iyon. Pero kahit na ganoon, humihiling ako na sana ay ang asawa ko na lang ang may gawa niyon dahil nasasabik na talaga ako sa dating Landon na minahal ko.

Noong boyfriend ko pa lang kasi si Landon, madalas niya akong surpresahin. Sa tuwing iisipin ko nga ang pagiging sweet niya noon, naiiyak na lang ako dahil hinahanap-hanap ko talaga ang dating siya. Wala ngang araw na hindi ako humiling na sana paggising ko, magbago na ang pakikitungo niya sa akin at higit sa lahat, bumalik na ang dating siya na sweet, maalalahanin at mapagmahal.

"Ma'am, ihahatid na po kita roon."

Napalingon ako sa likuran ko dahil narinig ko ang boses ni Ate Gema. Hinawakan niya ang kamay ko kaya wala akong nagawa kundi sumunod na lang sa kaniya. Inalalayan pa niya akong umupo sa isang upuan. Nakangiti lang ako habang nakatingin kay Ate Gema. Alam kong alam niyang nagtataka ako kung ano ang mayroon.

"Hintayin na lang po ninyo siya, Ma'am Maya." Pagkasabing iyon ni Ate Gema ay lumakad na siya palayo sa akin.

"Ano kayang mayroon?" Napatingin ako sa upuan na nasa harapan ko habang tinatanong ko ang sarili ko kung sino kaya ang uupo roon.

Bukod kay Landon, wala talaga akong ideya kung sino ang uupo sa harapan ko. Sana nga, siya na lang talaga pero alam ko namang malabong mangyari ang hinihiling ko. Baka nga kahit pumuti pa ang uwak o kahit umikli na lang ang leeg ng giraffe, hindi mangyayari iyon. Kahit kasi umaasa akong magbabago ang asawa ko, parang nawalan na rin ako ng pag-asa na sasapit pa ang araw na hinihintay ko.

"Maya."

Isang pamilyar na boses ng lalaki ang narinig ko kaya agad kong hinanap kung saan iyon nanggaling. Napaluha na lang ako dahil tama nga ako, si Landon ang nagmamay-ari ng boses na narinig ko. Nakatayo siya hindi kalayuan sa akin habang may hawak siyang isang bouquet ng bulaklak.

Pinigilan kong umiyak dahil hindi pa naman ako nakasisiguro kung tama nga ba ang iniisip ko na siya ang may gawa niyon. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin habang nakaguhit ang matamis na ngiti sa labi niya. Tuluyan na akong napaiyak dahil lumuhod siya sa harapan ko. Kung ano ang naramdaman ko noong mag-propose siya sa akin ay ganoon na ganoon ang nararamdaman ko ngayon. Para akong lumulutang sa ere at parang huminto lahat ng nasa paligid ko. Ang tiyan ko naman ay parang may mga paruparong lumilipad at ang puso ko, bumilis ang tibok.

Imprisoned FlowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon