MAYA
"Ayos ka lang ba, Anak?" muling pagtatanong sa akin ni Mama habang sinusuklay niya ang mahaba at tuwid kong buhok gamit ang mga daliri niya.
Napahilamos ako at kasunod niyon ay ang muli kong paghagulhol ng iyak. "Paano po ako magiging okay? Nawala sa akin 'yong baby ko."
"Anak, kailangan mong magpakatatag dahil mayroon ka pang anak, si Ella. Magpakatatag ka para sa kaniya."
Tama si Mama, kailangan kong magpakatatag para kay Ella. Dalawang taon pa lang siya kaya kailangan niya ng aruga ng isang magulang. Kung hindi ko siya maaaruga, parang tumulad na ako kay Landon na walang pakialam sa anak namin. Okay na sa kaniya na nabibilhan niya ang pangangailangan ng anak namin.
Pero hindi ko alam kung paano ko makakayanan na nawala ang baby ko. Kahit two months ko lang siyang dinala sa tiyan ko, masakit pa rin ang nangyari. Naaawa ako sa kaniya dahil hindi ko man lang siya nabigyan ng pagkakataong mabuhay rito sa mundong ibabaw. Sinisisi ko ang sarili ko dahil hindi ko man lang siya naprotektahan. Nangako pa naman ako sa kaniya na aalagaan ko siya habang nasa sinapupunan ko siya.
"Ano ba kasing nangyari, Anak?"
Pinilit kong kumalma dahil ayokong malaman ni Mama na dahil kay Landon kaya ako nakunan. Kahit ganoon ang nagawa ng asawa ko, gusto ko pa rin siyang pagtakpan dahil ayokong masira ang pamilya namin. Alam kong dapat kong bigyan ng katarungan ang anak ko pero alam ko naman na mauunawaan din niya ako kung bakit pipiliin kong pagtakpan ang ama niya.
Ibinaling ko ang tingin ko kay Marilou. Nakangisi siya habang kinakamot ang ulo. Alam kasi niya na hindi ko sasabihin ang totoo. Sa kaniya ko nga lang sinabi ang totoo dahil may tiwala ako sa kaniya na ililihim niya ang nangyari sa akin.
"Sabihin mo na, naghihintay 'yong mama mo," nakangisi habang umiiling na sabi ni Marilou.
Tiningnan ko si Mama. Kahit gusto kong umiyak ulit pero pinigilan ko. "Nadulas po kasi ako. Kasalanan ko kung bakit nakunan ako dahil hindi ako nag-ingat."
"Baka naman si Landon ang dahilan, Anak?" Tumigil si Mama sa pagsuklay sa buhok ko at umupo siya sa kinahihigaan ko. "Kilala kita kapag nagsisinungaling ka, kinukutkot mo 'yang kuko ng hintuturo mo."
Agad akong tumigil sa pagkutkot sa kuko ng hintuturo ko. "Mama, hindi po magagawa 'yon sa akin ni Landon."
"Gusto ko lang kasing malaman ang totoo." Malalim na bumuntong-hininga si Mama at hinawakan niya ang kamay ko. "Alam ko namang hindi ka magagawang saktan ni Landon dahil nangako siya sa akin bago ka niya yayaing magpakasal na aalagaan at hindi ka niya sasaktan."
Hindi ako nakapagsalita dahil nakokonsensya ako sa pagsisinungaling ko kay Mama. Iyon lang kasi ang alam kong gawin para maprotektahan ko ang anak kong si Ella, ang pagtakpan ang kalupitan sa akin ni Landon. Alam ko naman na mauunawaan ako ni Mama kapag nalaman niya ang totoo.
"Maiwan ko muna kayo ng kaibigan mo. Bibilhan kita ng pagkain para lumakas ka. Baka kasi mamaya pa dumating 'yong asawa mo."
Napatingin na lang ako kay Marilou nang makalabas na ng silid si Mama. Ngumiti ako sa kaniya bilang pasasalamat dahil hindi niya sinabi ang totoong nangyari. Bago nga dumating si Mama sa ospital, binalaan na ako ng kaibigan ko na sasabihin niya ang totoo sa magulang ko para matapos na raw ang ka-martyr-an ko sa asawa ko. Kahit na ganoon, alam ko naman na hanggang pananakot lang ang kayang gawin ng kaibigan ko dahil bukod tanging siya lang ang nakaaalam ng tunay na dahilan kung bakit hindi ko puwedeng hiwalayan si Landon. Hindi baleng ako ang magdusa, huwag lang ang anak kong si Ella.
"Alam mo, puwedeng-puwede na kitang patayuan ng rebulto dahil sa ka-martyr-an mo. Baka gusto mong ipalit ko 'yong rebulto mo sa rebulto ni Jose Rizal sa Luneta?"
BINABASA MO ANG
Imprisoned Flower
Fiksi UmumParang isang sex slave si Maya kung itrato siya ng kaniyang asawa. Madalas din siyang pagbuhatan ng kamay at ang masakit para sa kaniya, ikinahihiya siya nito bilang asawa. Tiniis niya ang lahat ng hirap at sakit alang-alang sa anak niya dahil umaas...