MAYA
"Gusto ko sanang mag-sorry sa iyo kaya lang, hindi ko na matawagan ang number mo." Hinawakan ko ang kamay ni Landon na nakahawak sa balikat ko. Nasa likuran ko siya habang ako naman ay nakaupo sa sofa at kaharap ko si Ma'am Cruz. "Saka kaya nagkaroon ng problema kasi po, naisugod ako sa ospital dahil nakunan ako."
"Don't worry kasi okay na sa akin." Bahagyang ngumiti si Ma'am Cruz. "Sana okay ka na. Mahirap mawalan ng anak kahit nasa t'yan mo pa siya."
"Sobra po, Ma'am Cruz." Ngumiti na lang ako dahil parang gusto ko na namang umiyak. Para kasing bumalik ang sakit na naramdaman ko nang makunan ako.
"Veron na lang ang itawag mo sa akin kasi for sure, magiging friend tayo o baka nga maging mag-bestfriend pa tayo."
Napatingin ako kay Landon dahil bahagya siyang umubo. Sumenyas naman siya sa akin na wala iyon kaya muli kong ibinalik ang tingin ko kay Ma'am Cruz habang nakangiti ako. Masaya kasi ako dahil sa wakas, nakapag-sorry na ako sa kaniya at higit sa lahat, hindi na siya galit sa nagawa ko. Kung iba nga lang siguro siya, baka napademanda na ako dahil parang niloko ko siya.
Sa tagal kong nag-o-organize ng party, debut at kasal, ngayon lang nangyari ito. Hindi ko naman masisisi si Ma'am Cruz kung sakali mang magalit siya sa akin dahil gaya ng nasabi ko, pati ang mga upuan, lamesa at mga pagkain ay nahuli nang dati. Okay lang sana kung ako lang ang hindi nakarating pero hindi lang kasi ako nag-o-organize ng party dahil ako na rin ang bahala sa mga dekorasyon na gagamitin at pati na rin ang mga pagkain na gusto nilang ipaluto. Ang kamalian ko lang kasi talaga, hindi ko agad natawagan at na-text si Tito Glen. Siya kasi ang katuwang ko sa trabaho ko. Sa madaling salita, ako ang nag-o-organize at siya naman ang nakatoka sa mga gagamitin sa okasyon kasama na ang mga pagkain.
"Salamat po ulit, Ma'am Veron," nakangiti kong pasasalamat. Para ngang gusto kong lumuhod sa harapan niya sanhi ng labis na pasasalamat. Pakiramdam ko kasi, nabunutan ako ng tinik.
"Kahit Veron na lang, huwag nang Ma'am Veron. Huwag ka na ring gumamit ng po dahil magka-age lang yata tayo."
"S-Sige V-Veron," utal kong sabi. Para kasing hindi ako sanay na tawagin siya sa pangalan lang niya. Sasanayin ko na lang siguro ang sarili ko dahil gusto ko talaga siyang maging kaibigan. Mukha naman siyang mabait at magaan ang loob ko sa kaniya kaya sana talaga, maging close kaming dalawa.
"By the way, gusto mo bang malaman kung saan kami nagkakilala ni Landon, Maya?"
Tatango na sana ako pero may narinig akong nabasag sa likuran ko. Tumayo ako at humarap ako kay Landon dahil parang ang hawak yata niyang baso ang nabasag. Baka siguro dumulas lang yata sa kamay niya ang baso kaya nabasag.
"Okay ka lang ba?" tanong ko kay Landon dahil parang balisa siya. Napansin ko rin ang pamumutla niya na parang humigop siya ng isang baldeng suka.
"Bakit parang natatakot ka, Landon? Ayaw mo bang malaman ni Maya na nagkakilala tayo sa hotel?"
Agad akong napatingin kay Veron dahil nabigla ako sa sinabi niya. May tumatakbo sa isip ko pero ayoko munang paniwalaan dahil baka mali pala ang iniisip ko. Kahit ano ang gawin ko, parang gusto kong paniwalaan ang tumatakbo sa isip ko. Baka kasi kaya biglang naging maganda na ang pakikitungo sa akin ni Landon ay dahil may nagawa siyang kasalanan sa akin.
Ngumiti si Veron. Tumayo siya at lumapit sa akin. "Alam kong may iniisip ka, Maya. Mali ang iniisip mo kasi nagkakilala lang kami sa elevator. Tinulungan kasi niya akong buhatin 'yong mga dala ko."
Napahawak ako sa dibdib ko dahil nakahinga ako nang maluwag. Palihim akong nagpasalamat sa itaas dahil mali ang hinala ko. Hindi ko kasi alam ang gagawin ko kung totoo nga ang naging kutob ko ngayon pa na maayos na ang pakikitungo sa akin ni Landon. Ngayon pa lang kasi nagiging maayos ang relasyon namin kaya sana talaga, hindi na bumalik ang dati.
Humarap ako kay Landon dahil may gusto akong malaman mula sa kaniya. "Bakit nagpunta ka sa hotel, Landon? Ano'ng ginawa mo roon?"
"M-May importante lang a—"
"May kasama siyang lalaki, Maya. Kliyente n'ya siguro 'yon."
Tumango na lang ako habang nakatingin ako kay Landon. Kahit nahalata ko ang utal-utal niyang pagsasalita kanina nang tanungin ko siya, hindi ko na lang iyon binigyan ng ibig sabihin. Baka kasi may iba siyang iniisip kaya hindi niya mapokus ang sarili niya sa pagsagot sa tanong ko.
"Hindi naman siguro magagawang mambabae ng asawa mo kasi nabanggit niya sa akin na mahal na mahal ka raw niya kahit . . . kahit gan'yan ka manamit."
Nakangiti akong napatingin kay Veron kahit nakaramdam ako ng hiya sa sinabi niya. Nakasuot lang kasi ako ng daster na kulay green na ang design ay mga bulaklak. Pero kahit nahiya ako, mas nangingibabaw sa akin ang saya. Hindi ko kasi alam na kahit hindi maganda ang pakikitungo sa akin ni Landon, mahal na mahal pala niya ako. Sabi ko na nga, hindi nawala ang pagmamahal sa akin ng asawa ko.
"Kaya kung nagdududa ka, ngayon pa lang ihinto mo na 'yon, Maya. Hindi magagawang mambabae ng asawa mo." Bahagyang lumapit si Veron sa asawa ko. "Higit sa lahat, hindi magagawa ng asawa mo na makipag-sex sa ibang babae. 'Di ba, Landon?"
"Maiwan ko muna kayo. Kukuha ako ng makakain natin." Nakangiti akong lumakad papuntang kusina. Pinili kong umalis muna dahil parang hindi ko na kayang pigilan ang saya na nararamdaman ko. Para kasing gusto kong magpalundag-lundag sa sobrang saya at parang maiihi ako sa sobrang kilig.
LANDON
Nilapitan ko si Veron at mahigpit kong hinawakan ang kamay niya para makatayo siya mula sa pagkakaupo sa sofa. "Umalis ka na. Huwag mo nang hintayin na bumalik pa rito si Maya."
Ngumiti si Veron na ikinainis ko. "Ayaw mo bang nandito ako, Landon?"
Napasapo ako sa noo ko at nagpakawala ako ng malalim na hininga dahil naiinis ako. "Ikaw ang nagsabi na huwag na akong magpapakita sa iyo pero bakit nagpunta ka rito? Sinusundan mo ba talaga ako?"
"Ang asawa mo talaga ang sadya ko. Malay ko bang asawa mo siya." Bahagyang tumawa si Veron at ipinatong niya ang dalawa niyang kamay sa balikat ko pero agad akong lumayo sa kaniya. "Alam mo bang dahil sa nagawa ng asawa mo, nagkamalas-malas ako?"
Bigla akong natahimik dahil kung tutuusin, ako ang dapat sisihin. Kasalanan ko kung bakit hindi nakaalis si Maya. Naibaling ko na lang ang tingin ko sa kung saan habang iniisip kung paano ko mapapaalis si Veron sa bahay. Ayokong malaman ni Maya na nakipag-sex ako sa ibang babae.
"Ngayon, naiintindihan na kita kung bakit pinagtaksilan mo ang asawa mo dahil may asawa kang losyang."
Nilapitan ko si Veron at mahigpit kong hinawakan ang braso niya. Wala akong pakialam kung masaktan siya. "Hinaan mo ang boses mo. Kahit ganoon manamit ang asawa ko, mahal ko siya."
Muling tumawa nang bahagya si Veron at inalis niya ang pagkakahawak ko sa braso niya. "Mahal? Kung mahal mo ang asawa mo, hindi ka magtataksil."
"Umalis ka na." Ibinaling ko muna ang tingin ko sa kusina bago ko ibalik ang tingin ko kay Veron. "Nasabi na sa iyo ng asawa ko ang dahilan kung bakit hindi siya nakaalis. Ano pang ginagawa mo rito?"
Nakangiting napailing si Veron. Hahalikan sana niya ako pero agad kong iniwas ang mukha ko. Tumingin ako sa paligid dahil baka may nakakita sa ginawa niya. Wala naman akong nakita kaya nakahinga ako nang maluwag.
"Umalis ka na." Bahagya akong lumayo kay Veron dahil baka masaktan ko siya. Nangako na ako sa sarili ko na hindi na ako mananakit ng babae higit lalo si Maya.
"Bakit parang ayaw mo yatang halikan kita?" Umupo si Veron at bahagya niyang kinagat ang labi niya. "Parang kagabi lang, grabe ka makahalik sa akin tapos ngayon, parang diring-diri ka na sa akin."
"Hindi ka ba titigil, Veron?" Nilapitan ko si Veron. "Umalis ka na. Huwag mo nang hintayin na ako ang magkaladkad sa iyo palabas."
Tumayo si Veron at bahagya siyang tumawa. "Nakakatakot naman pero mas nakakatakot yata kung sasabihin ko sa asawa mo na nag-sex tayo kagabi."
Tinitigan ko si Veron habang nakabilog ang palad ko. Nanginginig ako sa galit pero pinili kong magtimpi. Ayoko nang dagdagan pa ang kasalanan ko. Isa pa, alam ko namang hindi niya iyon sasabihin dahil pareho kaming mananagot.
"Maghanda ka na, Landon. Hindi ito ang huling pagkikita natin." Hinagkan muna ako ni Veron sa pisngi bago siya lumakad palabas ng bahay.
BINABASA MO ANG
Imprisoned Flower
General FictionParang isang sex slave si Maya kung itrato siya ng kaniyang asawa. Madalas din siyang pagbuhatan ng kamay at ang masakit para sa kaniya, ikinahihiya siya nito bilang asawa. Tiniis niya ang lahat ng hirap at sakit alang-alang sa anak niya dahil umaas...