MAYA
Malalim akong napabuntong-hininga dahil hindi ko talaga matawagan si Landon. Hindi ko na nga alam kung ilang beses ko na siyang tinawagan para malaman kung nasaan na ba siya. Hindi pa kasi siya umuuwi. Akala ko nga, mas nauna siya sa akin pero ang sabi ni Ate Gema, hindi pa raw umuuwi ang asawa ko. Nag-aalala na tuloy ako sa kaniya. Ayoko sanang mag-isip ng hindi maganda pero nangangamba ako na baka may masamang nangyari sa kaniya.
"Ma'am Maya, umiiyak po si Ella."
Nilingon ko si Ate Gema. "Patahanin po muna ninyo. Gabing-gabi na kasi kaya hindi ko na siya puwedeng dalhin dito."
Nakangiting tumango si Ate Gema. "Mauna na po ako."
Mahina akong napasapo sa noo ko dahil gusto kong umalis para hanapin si Landon kaya lang hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin. Natanungan ko na rin ang pinsan niyang si Julius pati na rin ang mga kaibigan ng asawa ko pero hindi raw nila alam kung nasaan siya. Wala rin akong ideya kung saan siya nagpunta dahil ngayon lang ito nangyari.
Nagpalakad-lakad na lang ako sa harapan ng bahay namin ni Landon dahil iyon lang ang naiisip kong paraan para mawala ang kaba ko. Kapag kasi nakatayo lang ako, para akong babagsak sa sobrang pag-aalala sa asawa ko. Kahit hindi maganda ang pakikitungo niya sa akin, mahal ko siya at kahit kailan ay hindi ko hiniling na mapahamak siya para maging kabayaran sa mga kasalanan niya sa akin.
Masyado nang malalim ang gabi kaya naman nakararamdam na ako ng antok. Dahil gusto kong labanan ang antok ko, tinawagan ko si Marilou. Sana lang ay gising pa siya para naman mahintay ko pa ang pagdating ni Landon.
"Sinaktan ka na naman ng asawa mo kaya ka tumawag 'no?" bungad ni Marilou mula sa kabilang linya. "Ano, puro pasa ka na naman ba? Ipakulong na ba natin?"
"Hindi ako sinaktan," sagot ko at sandali akong napahikab. "Hindi pa kasi umuuwi si Landon. Hinihintay ko nga siya rito sa labas."
"Alam na, nasa bahay siya ng babae n'ya."
Napakunot ako sa sinabi ni Marilou. "Kahit ganoon sa akin si Landon, hindi niya magagawang mambabae."
Narinig ko ang malalim na paghinga ni Marilou. "Paano ka nakasisiguro? Hangga't hindi mo ginagawa 'yong sinabi ko sa iyo na romansahin mo si Landon, mambababae 'yon."
Hindi ako nakapagsalita dahil naalala ko ang mga ginawa ko kay Landon nitong huling sex namin. Sa tuwing maiisip ko kasi iyon ay natatahimik ako at higit sa lahat, nahihiya pa rin ako. Hindi ko nga maisip na magagawa ko iyon at parang naiisip ko na hindi ako ang gumawa niyon sa asawa ko.
Noong tumawag sa akin si Marilou para ipaalam na susugurin umano ako ni Ma'am Cruz sa bahay, hindi ko na pinagbigyan ang gusto ni Landon na ulitin ko ang ginawa ko sa kaniya. Labis siyang nainis nang araw na iyon pero mas natakot ako sa pagdating ni Ma'am Cruz kaya naman hinanda ko talaga ang sarili ko. Kahit alam kong malalim ang dahilan ko kung bakit hindi ako nakarating ay natatakot pa rin ako.
Buong magdamag akong naghintay sa pagdating ni Ma'am Cruz pero hindi siya dumating. Hanggang ngayon nga ay natatakot pa rin ako na baka isang araw, marinig ko na lang ang boses niya sa labas ng bahay habang nag-iiskandalo. Kung sakali mang mangyari iyon, hindi ko naman siya masisisi dahil nakagawa ako ng kasalanan sa kaniya. Sinubukan ko siyang tawagan para makahingi ako ng tawad pero hindi ko na siya matawagan.
"Huwag ka nang magtaka kung isang araw, mambabae ang asawa mo."
Bumuntong-hininga ako. "N-Nagawa ko na kay Landon 'yong lahat ng mga sinabi mo."
"Talaga? Ano 'yong mga sinabi ni Landon habang inaano mo 'yong ano niya, Maya?" Hindi ko nakikita ang mukha ni Marilou pero alam kong nangingisay siya sa kilig dahil palagi kasi niyang tinatanong kung nagawa ko na ba ang mga sinabi niya sa akin.
BINABASA MO ANG
Imprisoned Flower
Ficción GeneralParang isang sex slave si Maya kung itrato siya ng kaniyang asawa. Madalas din siyang pagbuhatan ng kamay at ang masakit para sa kaniya, ikinahihiya siya nito bilang asawa. Tiniis niya ang lahat ng hirap at sakit alang-alang sa anak niya dahil umaas...