Chapter 19

37 10 36
                                    

KYLO TECSON

"Salamat sa patuloy na pakikipagtulungan sa amin, Mr. Tecson."

Nakakaawang makita ang mag-asawang Torres na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng hustisya sa pagkamatay ni Stacy.

"Wala pong anuman, sir. Sana po ay mahanap na ang pumatay sa kanya."

Kahit na nagalit sila sa 'kin ay mas pinili nilang hanapin ang nakapatay sa anak nila. Maayos na rin ang pakikitungo ni Mrs. Torres sa 'kin. Tahimik lang siya ngayon dahil hindi pa nakakakuha ng lead ang mga pulis. Isa sa lumabas sa imbestigasyon at nagpapatunay na nagsasabi ako ng totoo ay ang pagkakakilanlan sa baril na ginamit dahil na rin sa bala na nakita sa katawan ni Stacy, isang sniper riffle.

"Mauna na kami, Mr. Tecson," paalam ni Mr. Torres.

"Sige po."

May isa pa 'kong klase mamayang hapon 'tsaka ako didiretso sa pinagtatrabahuan ni Sansa. Hindi ko pa rin makalimutan ang nangyari kahapon. Ibang-iba ang naramdaman ko sa paghalik ko sa kanya kumpara no'ng girlfriend ko pa si Joyce. Malinaw na gusto ko si Sansa, kaya uumpisahan ko nang ligawan siya. Kasabay ng saya ay ang pagtataka dahil sa nakita ko sa hinaharap niya. Ayokong isipin . . . hindi puwede.

Mabagal lang ang pagda-drive ko dahil malapit lang naman ang university 'tsaka walang traffic. Napatingin ako sa grupo ng mga kabataang naglalakad sa gilid ng kalsada. Isang babae at tatlong lalaki. Tumigil sila sa paglalakad at para silang nag-aaway. Nakilala ko agad ang babae. Buhok pa lang niya at maliit na backpack ay kilala ko na kung sino 'yon.

Gale.

Itinigil ko ang sasakyan sa gilid at pinagmasdan ang grupo nila. Nakatayo si Gale habang dire-diretsong nagsasalita. Hindi ko naman marinig kung ano'ng sinasabi niya dahil nasa kabila siyang kalsada. Parang pamilyar ang isa sa mga kasama niya. Isang matangkad na lalaki, lumalabas ang kalahati ng tattoo niya sa braso na sa tingin ko ay isang ahas. Itinapon niya ang upos ng sigarilyo sa lupa at inapakan. Sa'n ko ba siya nakita?

Pinagmasdan ko silang mabuti. May kotse na naka-park din sa harapan ko. Malawak ang kalsada kaya medyo malayo ako sa kanila. Sana lang ay hindi makilala ni Gale ang sasakyan ko. Ilang minuto ko rin silang pinagmamasadan hanggang sa parang nagagalit na ang isa pang lalaki na kasama nila. Matangkad din at ubod ng payat, kulot-kulot ang buhok. May suot-suot na black leather bracelet sa magkabilang kamay at may kulay ang buhok.

Ano ba'ng ginagawa ko? Baka mga barkada 'to ni Gale tapos heto ako, nagsasayang ng oras. Papaandarin ko na sana ang sasakyan ko nang makita kong tinakpan ni Gale ang mukha niya. Umiiyak ba siya?

Ano ba'ng dapat kong gawin? Lalabas ba 'ko at tatanungin ang problema? Ba't parang naaawa ako sa tuwing umiiyak siya?

Naglakad na siya palayo at naiwang nakatayo ang tatlong lalaki. Mukhang pabalik na siya sa university.

Ano ba 'to? Bakit iba ang kutob ko?

—•—•—

"Nakita mo na ba si Sansa sa Manila, anak?"

"Yes, Ma."

Tinutulungan ko si Mama sa pagpapaligo ng mga aso. Laging mataas ang konsumo namin sa tubig dahil marami siyang inaalagaan, pero dito kasi siya masaya kaya okay lang. Nagsabay kaming umuwi ni Sansa kagabi kaya mukhang hindi pa siya nakakausap ni Mama.

The Dangerous EncounterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon