13. Chasing Game

945 80 22
                                        


Tipikal para kay Edric ang magpaalam kung may gagawin, ngunit hindi ito madalas na nagsasabi kung ano ba talaga ang gagawin nito.

Matapos siyang dalhin sa sariling kuwarto, inilapag agad siya sa sariling kama at dinala naman si Zephy sa kanang bahagi ng silid niyang may isa ring higaan para sa mga teddy bear niya.

Inobserbahan ni Rorric kung ano ba ang may likha ng mga sugat sa katawan ng panganay niya. Kumunot ang noo niya nang paraanan ng palad ang ibabaw ng mga ito. Nararamdaman niya roon ang kapangyarihan ng mga halimaw ng Helderiet.

"This is made by a shifter. Did he fight those nature guardians?" tanong ni Rorric habang nakatingin sa iilang mga kasama niya sa silid ng anak.

Kung may mga nilalang ang norte na hindi nila kahit kailan tatangkaing labanan, iyon na ang mga bantay ng gubat ng Helderiet.

Kulang-kulang tatlong dekada na rin mula nang bigyan nila ng responsabilidad si Donovan Phillips na harapin at kontrolin ang mga bantay ng gubat dahil hindi ito tinatablan ng lason ng mga halimaw roon.

Pero patay na si Donovan Phillips. Wala na rin si Chancey para kontrolin ang mga halimaw ng Helderiet Woods. Hindi malaman ni Rorric kung bakit kailangang harapin ng anak niya ang mga bantay ng gubat.

Pagkarating ni Eul bago pa man tuluyang lumubog ang araw, sinabihan na agad siyang magiging matagal ang pagpapagaling sa sugat ni Edric dahil may lason ang mga iyon. Dalawang oras din ang inabot at nagpapasalamat si Eul dahil hindi ganoon kalakas ang lason na nasa katawan ni Edric para maubusan siya ng sariling lakas.

"Eul . . ." Eksaktong katatapos lang ni Eul sa pagpapagaling sa mga sugat ni Edric nang magising si Zephy.

"Mabuti na ba ang pakiramdam mo?" nakangiting tanong ni Eul na nagliligpit sa malapit na wooden chair ng mga dala niyang gamit para sana sa trabaho. "Pinalitan ng mga maidservant ang gown mo. Hindi ka yata nakahinga sa sikip ng corset. Nagpakuha na sila ng damit na kasukat ng sa iyo. Ihahatid nila iyon dito sa oras ng hapunan kasabay ng pagkain mo."

Mariing nagdikit ang mga labi ni Zephy at napatingin sa suot niya. Simpleng itim na long-sleeved shirt lang iyon na lampas sa kamay niya ang haba ng manggas. Hindi niya masasabing kay Morticia dahil mas malaki ang sukat niya kaysa rito. Hindi rin niya masabi kung nagsusuot ba si Morticia ng dress shirt na gaya niyon. Sa tabas ng tela at sa laki nito, masasabi niyang damit ni Edric ang ipinasuot sa kanya. Tinakpan na lang ng kumot ang ibabang bahagi ng katawan niya habang wala pa siyang ibang bihisan.

"Ayos na ba si Mr. V?" malungkot na tanong niya kay Eul habang nakatingin sa lalaking bampira na nakahiga sa kama nito, di-kalayuan sa hinihigaan niya.

"Kung hindi siya prinotektahan ng kapangyarihan ng espada, malamang na mamamatay siya nang maaga. May lason sa mga sugat niya, pero mababang uri lang iyon at madaling gamutin. Sa ngayon, mas mabuti na ang lagay niya at magiging maayos na siya paggising. Nasa kanya na lang din kung may sakit pa siyang iniinda na hindi ko kayang pagalingin."

Binitbit na ni Eul ang itim niyang messenger bag at matipid na nginitian si Zephy. "Hindi ka muna hahayaang sumabay sa hapunan ng mga Vanderberg. Naaamoy ng pamilya ang dugo mo. Magpapadala naman ang Red King ng hapunan mo rito, huwag kang mag-alala."

"Thanks, Eul."

Pinanood na lang muna ni Zephy na makalabas ng kuwarto si Eul bago siya lumapit sa higaan ni Edric.

Hindi madalas magbukas ng ilaw tuwing gabi ang binata kung kaya't lampshade lang ang liwanag sa loob. Hindi pa ganoon kataas ang buwan para umasa sa liwanag nito.

Titig na titig lang si Zephy kay Edric nang maupo siya sa wooden chair, doon sa pinaglagyan ng gamit ni Eul na katabi ng kama. Wala pa ring pantaas si Edric at hanggang sa balikat nito ang pagkakatakip sa pulang duvet.

Prios 5: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon