Nagkakagulo sa Bernardina, iisa ang tanong ng lahat: Nasaan si Zephy?
Hindi ito makita kahit saan. Hinanap na sa ospital, hinanap sa mansiyon sa gitna ng gubat, maging sa buong gusali ng Prios. Dumating na rin ang mga seer, sinasabi nilang nararamdaman nila ang presensya ni Zephy sa paligid pero hindi nila matumbok kung nasaan ito.
Nakatitig lang si Sigmund kay Edric. Tanghali na pero naroon lang ito nakaupo sa tuktok ng mababang hagdan ng mansiyon. Hawak sa puluhan ang espada habang nakatulala sa damuhan.
"Daddy . . . hinahanap na nila si Zephy." Nakagat na ni Sigmund ang labi at nagbabadya ng pag-iyak.
Hindi sumagot si Edric, nanatili lang na ganoon ang posisyon, ganoon ang reaksiyon, walang kahit anong emosyon.
"Daddy, si Zephy—" Natigilan si Sigmund nang makarinig ng panibagong kulog sa langit.
Kakaiba ang itim na mga ulap, hindi normal. Nagbabadya ng pag-ulan ngunit mainit ang hangin gaya ng hangin sa tag-init.
Mula sa dulo ng aspaltong kalsada, hindi na sakay ng itim na kotse si Mrs. Serena. Seryoso itong naglalakad, nasa bandang kanan sa likod si Gaspar at sa bandang kaliwa naman si Rorric.
Nagtindigan ang mga balahibo ni Sigmund habang nakikita ang tatlo sa mga nagpalaki sa kanya.
Seryoso ang tingin ni Mrs. Serena. Nakapusod pa rin ang buhok nitong kulay pilak, puti ang pang-itaas na may mahabang manggas at hanggang talampakan ang haba ng itim na palda.
Si Gaspar na madalas niyang makitang naka-T-shirt lang at punit na pantalon ay nakasuot na ng puting roba at umiikot sa magkabilang gilid ang asul at luntiang liwanag.
Higit sa lahat, alam na ni Sigmund na hindi maganda ang sitwasyon dahil hindi na kinailangang magpayong ni Rorric kahit tanghaling-tapat na.
"Edric," mahigpit na pagtawag ni Mrs. Serena.
Inaasahan ni Sigmund na kikilos ang daddy niya pero hindi. Nanatiling tulala pa rin sa damuhan.
"Hindi mo maitatagong ikaw ang kumuha kay Zephania, anak," mahinahong salita ni Gaspar. "Saan mo siya dinala?"
Walang isinagot si Edric. Tulala pa rin.
"Son," pagtawag na ni Rorric. "Tell us where the human is."
Sa wakas ay kumilos na rin si Edric. Humugot muna ito ng malalim na hininga bago tingnan ng mga mata nitong walang kahit anong emosyon si Rorric.
"I will end this war . . . and I will take . . . my human . . . back . . . to me," marahan at paisa-isang banggit ni Edric.
"Son."
Nalingon ni Sigmund si Rorric na bakas na ang pag-aalala sa tinig.
"This is all your fault. The First, the family, the whole Prios . . . they took Chancey away from me . . . and I won't let them take Zephy this time . . . not my wife."
Pagtayo ni Edric, kasabay ng pagkilos niya ang pagbabago niya ng anyo. Gumapang ang mahabang gintong buhok niya hanggang tuhod. Ang pormal na damit ay napalitan ng robang madilim ang pagkakapula. Tumulis ang dulo ng mga kilay niya at lalo pang humaba ang pangil.
"Daddy . . ." natatakot nang tawag ni Sig habang pinanonood si Edric na lumapit kina Mrs. Serena.
"Limang tarangkahan na ang sabay-sabay na nagbukas, Edric," paalala ni Gaspar.
Walang sinagot ang lalaki, nilampasan lang sina Mrs. Serena.
Nagkapalitan ng tingin ang tatlong nakatatanda roon.
BINABASA MO ANG
Prios 5: Prios Extinction
FantasySa pagkamatay ng Hinirang na si Donovan Phillips at ng anak ng adang si Chancey, muling magbabalik ang kinatatakutang propesiya ng mga mata-ang pagkawasak ng buong Prios. Hindi mapipigilan ang panahon sa matagal nang itinadhanang maganap. Magawa ban...
