26. Protector

794 71 5
                                        


Isang taon ding nawala si Zephy pero walang ipinagbago ang mansiyon sa gitna ng Helderiet Woods. Kung paano niya iyon nakita noong unang tapak niya sa lugar may siyam na taon na ang nakalilipas at buhay pa si Chancey, ganoon pa rin niya iyon nasilayan pagbalik.

Umakyat siya sa kuwarto ni Sigmund sa third floor. Doon pa lang, masasabi na niyang may nagbago naman sa mansiyon kahit paano.

Pagbukas niya ng pinto, maaliwalas sa loob, pumapasok ang magandang sikat ng araw mula sa bintanang may puting kurtina kahit pa nakasara ang salaming bintana nito. Dating kahoy ang sahig na may pabilog na carpet doon pero carpet na ang buong flooring na kulay krema sa loob.

Nakaupo sa sahig ang hile-hilerang teddy bear at nakita niya ang ilang pamilyar na laruan dahil mga laruan din iyon ni Edric mula sa Winglov. Nakaayos ang mga ito paharap sa kama gaya ng hilera ng mga servant kapag nagbabantay sa kanila.

Pagtingin niya sa kama, kulay krema na ang duvet at puti ang mga unan. May isang mahabang itim na teddy bear doon na halos sinlaki ng tao, pero hindi sinlapad ng iba. Mahahaba ang binti niyon habang kinukumutan ng duvet hanggang dibdib at nakalabas ang mahahaba ring mga braso.

Walang nakakapasok sa kuwartong iyon maliban sa kanilang tatlo nina Edric kaya malamang na ito ang umayos ng lahat ng iyon para kay Sigmund dahil wala itong ibang maaasahang maglilinis o mag-aayos sa loob.

Hatak-hatak niya ang malaking maleta patungo sa closet na malapit sa pinto. Pagbukas niya niyon, nakita niyang walang nagalaw sa mga gamit niya. Inamoy niya ang mga ito kung amoy cabinet na ba, pero mabango ang mga iyon, amoy bagong laba. Isang taon din siyang nawala kaya hindi niya alam kung normal lang bang ganoon ang amoy ng mga damit sa Cabin.

Naghatak siya ng ibang floral dress doon at sinubukang isukat sa sarili mula sa hanger. Pero paglapat pa lang sa katawan niya, kitang-kita na agad kung gaano kalaki ang ipinayat niya mula sa dati niyang katawan.

Hindi niya naman ginustong pumayat, at hindi rin niya alam kung talaga bang papayat siya dahil sobrang hilig niyang kumain. Nagkataon lang na iba ang epekto sa kanya ng paglipat sa South na umabot sa puntong hindi na siya nakakakilos nang maayos habang naroon samantalang hindi naman siya ganoon dati kapag napupunta sa kabilang ibayo.

Nakailang daan na rin siya sa ospital pero sinasabi ng mga iyon na wala naman siyang sakit. Ilang laboratory exam din ang ginawa sa kanya pero wala silang makitang mali sa katawan niya.

Gumaan lang ang pakiramdam niya pagbalik niya sa Prios. Higit na lalong pagbalik niya sa loob ng Helderiet Woods. Iba sa pakiramdam ang gaan sa loob ng gubat. Para siyang pinalalakas ng kalikasan.

Sumaglit siya ng pagligo at nagbihis ng maluwang na button-up blouse at maikling cotton shorts. Tumabi siya sa malaking teddy bear at naidlip. Gusto niyang bumawi ng pahinga dahil paniguradong ipatatawag na siya sa susunod na meeting dahil nakabalik na siya. Nagsabi naman nang may paparating na pulong sa Prios at kailangang kompleto ang pamilya.

Papalubog na ang araw nang makaramdam siya ng paggalaw sa kama. Pagdilat niya, kalalapag lang ni Edric kay Sigmund na nakatulog na rin.

"Nakauwi na pala kayo," aniya, basag pa ang boses at bumangon na agad habang kusot-kusot ang mata. "Napagod ba si Sigmund?" Sinilip niya ang batang katabi at kinukuyom na nito ang kumot habang namamaluktot. "Aww, ang cute-cute mo talaga, Sig." Yumuko pa siya rito para halikan ito sa matambok na pisngi pero sinalubong agad ng palad ni Edric ang labi niya at doon dumampi ang halik niya para sa bata.

Biglang sama tuloy ng tingin niya pagsulyap sa lalaki. Ang sama rin ng tingin nito sa kanya.

"Tsh!" Umirap lang siya at umalis sa kama. Pagsulyap niya kay Edric, hindi pa rin nawawala ang talim ng tingin nito kaya umirap na naman siya at pamartsang naglakad palabas ng kuwarto.

Prios 5: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon