33. What Hurts the Most

894 70 48
                                        


Nababalisa si Edric habang nasa loob ng limousine niya, kandong si Zephy na ilang minuto na ring tulala matapos ang mga nangyari.

Panay ang iyak nito habang pababa ng gusali ng Historical Commission, at nang mapagod, binuhat na lang niya para dalhin sa building ng Prios Holdings na mas malapit kaysa sa Grand Cabin.

Kahit puno siya ng dugo, yakap-yakap pa rin niya si Zephy na tahimik lang na nakatitig sa kawalan. Hindi niya alam ang mararamdaman dahil naaamoy niya ang dugo nito, panatag iyon at walang ibang ipinahihiwatig. Walang takot, walang lungkot, walang tuwa. At ayaw niyang naaamoy ang ganoon dahil ganoon ang amoy ng dugo ng mga sekretarya niyang wala nang malayang pag-iisip at wala nang nararamdamang kahit na ano.

Mangyari na ang ganoon sa kahit na sinong tao, huwag lang kay Zephy.

Wala pang sampung minuto, nasa Prios na sila. Doon pa lang, marami nang staff ng Prios ang nakaabang sa entrance ng gusali. Pagbukas na pagbukas pa lang ng pinto ng limousine ni Edric, sinalubong na agad sila nina Eul at Zagan. Inoobserbahan sila ng dalawa nang hindi nagtatanong kung ano ba ang nangyari dahil paniguradong hindi pa man tapos ang pakikipagbuno nila sa halimaw na dumating, alam na ng mga ito ang nagaganap.

Napakaraming naroon sa lobby ng Prios, nakatuon lang ang tingin kay Edric na buhat si Zephy. Wala ni isang nagsalita, walang nagbanggit ng kahit anong may kaugnayan sa nangyari sa Historical Commission. Pumasok na si Edric sa elevator na nauna nang pinindot ng nakaabang na roon na lalaking staff. Saglit itong yumukod sa kanya at bumalik sa lobby kasama ng iba pa.

Maraming umiikot sa utak ni Edric, at naghahanap siya ng masisisi sa mga sandaling iyon. Pero habang naghihintay makarating sa 19th floor, wala siyang ibang naiisip kundi ang paulit-ulit na sinasabi sa kanya noon ng mga nakatatanda sa Prios—maghintay.

Tumunog ang elevator, bumukas para sa kanya, walang kahit sino sa loob at mukhang wala pang ipinadadala sa kanyang sekretarya. Dinala niya si Zephy sa malapit na couch at iniupo roon. Lumuhod siya sa harapan nito at ipinunas ang natitirang dugo niya sa kamay sa bandang tiyan ng suot na long sleeves.

"Human," seryoso na niyang pagtawag dito. Tulala pa rin si Zephy, pero nangingilid ang mga luha. "Look at me." Hinawakan niya ito sa magkabilang pisngi para ipatuon ang tingin sa kanya. "You're going to be fine. We're going to be fine, all right?"

Napahugot siya ng hininga nang tahimik na namang umiyak si Zephy dahil mukhang naalala na naman ang takot nito sa nangyari.

Ipinalibot niya agad ang braso sa balikat nito at makailang beses itong hinalikan sa pisngi at sa sentido habang hinahagod ang likod para patahanin. Hindi man ito humahagulhol, pero damang-dama na naman niya ang pagbigat ng daloy ng dugo nito gawa ng takot.

"I vowed to protect you and that witch's son, did I?" Napasilip siya sa damit nang kuyumin iyon ni Zephy sa bandang dibdib. Lalo lang nitong ipinararamdam sa kanya ang takot nitong nawala man panandalian ngunit hindi naman nabawasan kada bumabalik.

"Ayoko pang mamatay . . ." humihikbing sagot ni Zephy. "Ayoko pang mamatay . . ."

"I won't let that happen. I will never let you die, all right?" Lumayo siya rito at hinawakan ito sa magkabilang palad. "If I need to guard the whole north to protect you from those monsters, I will guard the whole north for you." Dinampian niya ng halik ang likod ng palad ni Zephy at bakas sa mga mata niya ang paniniguro sa pangako. "Worry not, Zephania. There is no way that I will abandon you. I will kill all those cursed creatures. Neither you nor Sigmund can be touched by those beasts. You have my word on that."

Sa pagkakataong iyon, ni sa hinagap, hindi naisip ni Edric na matatakot siya hindi para sa buhay niya kundi para sa iba lalo na sa isang tao na madalas niyang takutin noon.

Prios 5: Prios ExtinctionMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon