34: Responsibilities

807 64 13
                                        


Noong pinili ni Donovan ang buong norte at ang pamilya kapalit ang makasama si Chancey, hindi iyon naintindihan ni Edric.

Bakit nga ba kailangang piliin ang iba kaysa sa nag-iisang nilalang na gusto mo lang namang makasama habambuhay?

Inuna ni Donovan ang kapakanan ng buong norte. Sinunod ang nais ng pamilya. Ginawa nito ang lahat ng sa tingin nito ay pabor sa buong Prios, kahit pa ang ibig sabihin n'on ay pagpapabaya kay Chancey at sa kapakanan nito.

Makasarili—perpektong depinisyon para kay Edric. At hindi niya naunawaan kung bakit mas inuna ni Donovan ang buong norte kaysa sarili nitong asawa.

Ngunit umabot na siya sa puntong kahit anong pili niya kay Zephy, kung magiging magulo ang lahat sa buong norte, hindi rin siya matatahimik.

Naglapag siya ng pangako, at siya ang tipo ng nilalang na kung kaya niyang gawin ay talagang gagawin niya.

Protektahan ang buong norte.

Hindi na kahit kailan nabanggit pa ang tungkol sa minsang pagbubukas ng isa sa mga tarangkahan ng kabilang mundo at sa paglabas doon ng isang nakakatakot na halimaw. Walang natandaan si Zephy ukol doon. Pinanatili ni Edric ang lahat na parang walang naganap na kahit ano.

Pero nagsabi na siya na kailangan na niyang protektahan ang buong norte dahil nga sa pagbubukas ng mga tarangkahan at nangangahulugan iyon na kailangan palaging umalis ni Edric para tingnan ang bawat bubukas na daan ng kabilang mundo.

Dumaan ang mga linggo, buwan, at taon na bihirang magtagal si Edric kasama ang sariling pamilya. Lagi siyang naroon sa gusali ng Prios, lumilibot sa buong norte; madalas, nagtatagal sa ibang lugar nang higit sa isang linggo o buwan para sa obserbasyon. Kung uuwi man, madalas na sa Winglov na pumupunta o sa Prios Building, at napakabihira na lang sa Grand Cabin.


***


"Zephy, kailan uuwi si Daddy?" tanong ni Sigmund habang nangangalumbaba sa study table niya. Namamapak lang sila ni Zephy ng gummy beans habang gumagawa siya ng assignment na dino-double check naman nito.

"Si Daddy mo, busy 'yon sa work kaya hindi natin alam kung kailan uuwi," paliwanag ni Zephy habang iniisa-isa ang lahat ng assignment ni Sigmund na kung tutuusin, sampung minuto lang nitong ginawa kahit pa one hundred items ang mga iyon sa iba't ibang subject.

"Sabi niya, uuwi siya today," nakangusong sabi ni Sigmund at dumayukdok sa mesa habang naduduling na nakatitig sa hawak na sign pen ni Zephy sa harapan niya.

"Uuwi si Daddy mo today, pero . . ." Napatingin sa suot na leather wristwatch si Zephy. Alas-tres pa lang ng hapon. Pero nagsabi na si Edric na uuwi ito sa araw na iyon matapos ang dalawang linggong pananatili sa kabilang panig ng hilaga. "Baka na-traffic lang." Nginitian niya si Sigmund at ipinagpatuloy ang pag-check sa assignments nito.

Para kay Zephy, kaya niyang aminin na hindi lang basta ordinaryong bata si Sigmund. Sampung taong gulang na ito at mahilig maglaro. Halos lahat ng bagay, iniisip nitong laro-laro lang. Pagpasok sa eskuwelahan lang ang hindi nawawala sa pang-araw-araw nitong schedule.

Kada araw, iba-iba ang dapat nitong puntahan. Sa Winglov para sa etiquette lessons nito, sa Historical Commissions para sa pag-aaral ng kasaysayan ng buong norte, sa Bernardina para sa maagang pag-aaral ukol sa medisina, may mga araw na inililibot ito sa lahat ng bahagi at kompanya ng Prios na para bang maaga pa lang, ipinagkakatiwala na sa kanya ang buong Prios Holdings. Kailangan lang niyang umuwi sa Helderiet Woods bago lumubog ang araw dahil walang maghahatid sa kanila sa loob ng mansiyon pagsapit ng gabi.

Prios 5: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon