45: Extinction

525 14 66
                                        


Naiinip na ang grupo nina Olivius. Ilang buwan na rin silang nakikipagsagupaan sa mga natitirang taga-Prios. Sa isang malaking silid nakakulong sa loob ng makapangyarihang harang ang mga taksil ng Prios. Karamihan sa kanila ay nasa sektor noon ng pananamit, negosyo, at pagkain. Ang bawat mandirigma ay nanatiling lumalaban para sa pamilya hanggang kamatayan. Ang mga namumuno sa kanila ay nagkanya-kanya na.

"Hindi pa rin ba sumusuko ang mahihinang imortal ng norte?" iritableng tanong ni Olivius sa mga kasamahan niyang kababalik lang mula sa pagsugod.

"Naituro na ng mga taksil ang pinagtataguan ng mga imortal subalit pawang malalakas ang mga mandirigmang kasama nila," balita ni Syndragosa. Hinawi niya ang mahaba at pilak na buhok bago ibinaon ang tulis ng sibat sa marmol na sahig ng pook-alayan nilang mga salamangkero. Sa gitna iyon ng sira nang bulwagan ng mga Seredor. Umiikot sa itaas nila ang nangangasul na apoy na may itim na usok sa gitna.

"May isa sa kanilang marunong makabasa ng sinaunang mahika," dagdag ni Thauriss. "Gumagamit siya ng palasong may marka ng Ikauna."

Napaangat ang mukha ni Olivius. "Ikauna . . ." mahinang aniya at umangil na parang leon.

Marami silang miyembro ng Cabal na tinuruan ng mahika mula sa anak ng Ikawalo. Hindi nila naabutan ang pamumuno ng Ikauna ngunit alam nilang nabubuhay pa rin ito noong panahon na ikinulong sila ng isang Dalca sa dambana ng mga isinumpang nilalang.

"Kaunti na lang silang natitira at mukhang pipilitin pa nilang pasugurin tayong lahat," naiinis na sabi ni Olivius at tumalikod na. "Humanda ang lahat! Susugod tayo sa lupain ng mga Sylfaen!"


⚔ ⚔ ⚔


Magkakasama na ang mga natitirang mandirigma sa hardin ng Sylfaen. Malaki na ang nawalang kapangyarihan kina Lance at Zagan na pangunahing mandirigma nila. Ilang buwan na ring lumalaban ang mga ito at wala na halos pahinga. Humihingi na lang din ng lakas mula sa kalikasan si Gaspar upang magamot ang iba pang dapat gamutin kahit nauubusan na rin siya ng sariling lakas.

Nananatili ang pisikal na lakas ni Eul dahil hindi pa siya gumagamit ng kapangyarihan sa paglaban ngunit apat na lang ang natitirang palaso na may markang gawa ni Chancey. Gumawa si Sigmund ng ilang piraso ng palaso ngunit matagal ang proseso ng pagmamarka dahil uukitin pa iyon. Nakagawa man siya ng tatlo ngunit kulang pa iyon lalo na kung daan-daang halimaw ang umiikot ngayon sa buong norte.

Magkakasama silang lahat ngunit ni isa ay walang naghanap kay Edric. Kahit si Sigmund ay kayang aminin sa sariling nararamdaman ang lakas ng isinumpang espada mula pa noong nakaraang tatlong buwan. Walang ibang kayang humawak ng espada kundi si Edric lamang.

Kada araw na lumilipas, lumalakas ang puwersang nagmumula rito. Dama nila ang nakaipong galit sa armas. Dama nila kung ilan na ang napapaslang nito. Para bang may sariling halimaw itong binubuhay na kahit anong layo sa kanila ay para bang napakalapit lang nito sa paligid.

Lalo pang lumalakas ang madilim na puwersang nanggagaling sa isinumpang espada. Nababahala na si Gaspar sa lakas niyon.

"Nilalamon na ng matinding poot ang anak ng Pulang Hari, Liyag," bulong niya sa asawa. "Kailangan na ba natin siyang ibalik dito?"

Nalulungkot si Mrs. Serena sa katotohanang ramdam din niya ang galit mula sa isinumpang espada na si Edric lang ang kayang makagamit. Kahit gustuhin man niyang sunduin ang anak ni Rorric ay hindi maaari dahil ibig sabihin ng pag-alis niya sa hardin ay ang pagkawala rin ng harang na pumoprotekta roon.

"May sariling tadhana si Edric, Liyag," paalala ni Mrs. Serena at malungkot na tiningnan ang asawa. "Kung hindi niya natakasan ang tadhanang papaslangin niya ang huling ada sa gubat, hindi rin niya matatakasan ang tadhana bilang hinirang ng isinumpang espada."

Prios 5: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon