CHAPTER TWENTY-THREE
ATHANASIA'S POV
"Pinuno, kami ay nagbabalik mula sa matagumpay na pagbabagsak sa hilagang nayon. Dala namin ngayon ang kanilang mahahalagang ari-arian." Pinakita ng lider ng kawal na iyon ang mga dyamante ng hilagang nayon.
Napatango naman ako ngunit walang ngiting namuo sa aking mga labi. "Mabuti. Kung gayon ay ilagay ang mga dyamante sa yungib."
Muli silang yumuko upang magbigay galang sa akin bago umalis at gawin ang aking ipinag-uutos.
Nanatili ako sa aking trono at naghintay sa iba pang mga grupo ng mga kawal. Akin namang napansing pumasok ang isa kong mensahera. Siya'y lumuhod at yumuko upang magbigay galang bago muling tumayo.
"Pinuno, nais ni Heneral Zagan na ika'y makausap," wika niyang nagpatango sa akin.
"Papasukin siya at nang makapagsimula na ang pag-uusap." Muling lumuhod at yumuko ang mensahera bago lumabas ng aking silid. Hindi naman matagal ang aking paghihintay nang pumasok ang heneral.
Kaniyang ginawa ang pagpapakita ng galang bago nagsalita. "Pinuno, ang mga kawal na inatasan sa timog na nayon ay mga namatay."
Agad kong naramdaman ang pag-init ng aking ulo ngunit pilit kong kinalma ang sarili. "Paanong nangyari iyon?"
"May nakahandang sariling mga kawal ang pinuno ng timog na nayon. 'Di hamak na mas malakas ang kanila, Pinuno—"
"Hindi maaari!" Hindi ko napigilan ang paglakas ng aking boses. "Paanong mas malakas pa sa akin? Ako ang pinakamalakas sa limang na nayon. Ako ang pinaka may kakayahan, pinaka-mayaman. Walang iba. Ako lang dapat!"
Nanatiling nakayuko ang heneral. "Pinagdududahan na ng lupon ang iyong kakayahan nang dahil sa iyong kasarian at sa pagpanaw ng maraming kawal—"
Napahalakhak ako sa kanyang ipinahayag bago sumeryoso ang aking mukha. "Mga walang silbi!" pagalit kong sigaw. "Sila'y mga hangal na walang ginawa kung hindi ay umupo sa kanilang mga upuan at magsatsatan ng mga walang kwentang bagay." Bigla akong tumayo. "Halina, Heneral. Ipapakita ko sa timog na nayon at sa lupon na sila ang wala sa kalingkingan ng aking kakayahan."
"Pinuno, ano ang iyong pinaplano?"
Bumaba ako mula sa aking trono saka ipinalupot sa aking bewang ang aking pinakamamahal na espada. "Ako na ang magpapabagsak sa timog nayon. Ipapakita ko sa kanila kung sino ang kanilang kinakalaban," wika ko habang naglalakad palabas ng aking silid.
Nakita ko naman ang mga ekspresyon ng aking mga personal na alalay. Halata sa kanilang mga mukha na alam nila ang aking susunod na hakbang. Sanay na sila sa aking gawain. Kapag hindi bumalik na buhay ang aking mga kawal ay mag-isa o kaya nama'y kasama ko ang heneral.
Nang matagpuan ko ang aking kabayo ay agad akong nag-ayos upang makasakay. Naramdaman ko naman ang pagsunod ng heneral sa aking likuran kaya nang masiguradong maayos na ang lahat ay aking pinatakbo ang aking kabayo.
Ako ang pinuno ng gitnang nayon. Ipinagkatiwala ng aking ama ang aming lugar sa aking mga kamay. Naniniwala siya sa aking kakayahan bilang pinuno kahit ako'y nabibilang sa pangkat ng kababaihan. Ang kanyang desisyon ay hindi kagustuhan ng karamihan ng kanyang nasasakop ngunit nanatili siyang nakatayo sa kaniyang desisyon at huling habilin. Kaya naman ay hinding-hindi ko kailanma'y sisirain ang kanyang tiwala.
Kahit anong mangyari ay palalakasin ko ang gitnang nayon at ipapakita ko sa mga hindi naniniwala noon na sila ay mali.
"Pinuno, sigurado ka na ba sa iyong desisyon? Malalaki ang kanilang mga armas," wika ng heneral nang tumigil kami ilang metro ang layo sa timog na nayon.
"Heneral, hindi ba't ikaw ang nagsabi sa akin noon na iisa lamang ang paraan upang lumakas ang aking pamumuno sa gitnang nayon at iyon ay ang pag-alis sa mga posibilidad na kalaban?" tanong ko sa kanya nang hindi siya nililingon.
"Tama, Pinuno. Ngunit aking ikinakabahala ang iyong kaligtasan," puno ng pag-aalala ang tono ng pananalita ng heneral na aking ikinangiti.
"Hindi ba't ikaw ang responsable sa aking buhay? Hindi mo naman ako hahayaang mamatay sa digmaan, Heneral Zagan, tama ba?"
"Tama, Pinuno. Halina't ipakita natin sa mga hangal kung sino ang kanilang binabangga." Muli akong napangiti nang maunang pinatakbo ng heneral ang kanyang kabayo.
Ibinalik ko ang aking tingin sa timog nayon. Babagsak din kayo sa aking mga paa at ni isang kayamanan ay wala akong ititira sa inyo.
Aking pinatakbo ang kabayo saka mabilis na nakasunod sa heneral. At sa loob lamang ng limang oras ay aming napagtagumpayan ang aming misyon.
Ilang taon makalipas ang pangyayaring iyon ay ang gitnang nayon ang pinakamayaman, pinakamalakas, at pinakamakapangyarihang nayon sa lahat. Ako rin ang pinakakinakatakutan ng lahat at hindi na muling umimik pa ang lupon.
Napagtagumpayan ko ang misyon at responsibilidad na iniatang sa akin ng aking yumaong ama. Ipinakita ko sa kanila kung gaano ako kalakas.
Ilang taon na pagpapabagsak at pagpaslang sa mga tao ang ginawa namin ng heneral. Kasama na rin kami madalas sa mga digmaan at natuto akong mawalan ng pakealam sa buhay ng ibang hangga't nagbibigay lakas ito sa akin at sa aking nayon.
Ilang araw pagkatapos ng isa na namang matagumpay na misyon ay nagsimula na ang aking pagkahilo at pag-uubo ng dugo. Ayon sa aking taga-gamot ay malala na ang aking lagay at may kung anong lason ang sumasakop sa aking katawan. Hinayaan ko na lamang at baka talagang oras ko na ngunit...
Ngunit sa aking huling araw sa mundo ay walang bumisita.
Nasa misyon ang heneral kaya nama'y alam kong hindi ko siya makikita kahit sa ilang sandali lamang.
Wala mula sa lupon, sa aking mga alalay, mga kawal... walang bumisita sa akin.
Wala.
At nang tuluyan nang pumikit ang aking mga mata at ako'y nilamon ng kadiliman ay bigla akong nakakita ng kumikinang at nagliliwanag na ilaw.
Alam kong hindi na dapat ako makadidilat ngunit akin itong nagawa. At ang mas nakagugulat ay ako'y muling nakatayo na para bang walang masakit sa aking katawan.
Ano bang nangyayari?
"Asya ng gitnang nayon," wika ng maliwanag na ilaw.
"Sino ka?" nagagambala kong tanong habang tinatakpan ng aking braso ang aking mga mata. "Anong kailangan mo sa akin?"
"Ikaw ay responsable sa ilang libong tao na pumanaw. Walang awa kang pumaslang gamit ang iyong espada. Ilang inosenteng nilalang ang namatay sa iyong mga kamay."
Bigla siyang mas lumiwanag. Ang alam ko lang ay boses ng isang babae ang nagsasalita ngunit hindi ko nakikita ang kanyang itsura kahit man lang ang kanyang mukha ay hindi ko maaninag.
"Nang dahil sa mga kasalanang iyong nagawa ay ikaw ay nararapat na mabuhay hanggang sa matapos mo ang iyong misyon. Walang alaalang tutulong sa iyo upang magtagumpay nang mabilisan. Lahat ng iyong mamahalin ng lubos ay mawawala sa iyo. Mabubuhay kang miserable at matagal base sa bilang ng iyong pinaslang na mga nilalang maliban na lamang ay kung magtagumpay ka sa iyong misyon."
Hindi na muli siyang nagsalita kaya nama'y ako na sana ang magtatanong ngunit aking napansin ang unti-unting paglapit at pagsakop sa akin ng kanyang liwanag. At nang tuluyan nang may nakapalibot sa aking liwanag ay saka ako nawalan ng malay.
BINABASA MO ANG
Endless Pen [COMPLETED]
Gizem / GerilimPUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING HOUSE ~•~•~ Wicked Writers Series ~•~•~ Athanasia, a thriller writer, is known under the pen name "Infinite Ink," and her readers love her for writing realistic suicidal characters and stories. But as much as she...