Inilaan namin ang oras sa pagkukwentuhan tungkol sa mga naging buhay namin at hindi na namin namalayan na dumidilim na pala. Ito na din ang naging hudyat para umuwi na kami sa kanya kanyang tinutuluyan. Hindi naman nagkakalayo ang bahay na tinitirhan namin kaya magkasabay pa din kaming umuwi habang patuloy pa din sa pagdaldal at pagtatawanan. Natigil lang ito ng dumating na kami sa tapat ng bahay nila.
"Oh pa'no, bukas na lang ulit.. ingat ka, good night!" Nakangiting saad nito habang kumakaway sa akin kaya napangiti na din ako at kumaway sa kanya bago tuluyang naglakad pauwi. Hindi naman nalalayo ang bahay nito sa tinutuluyan ko, siguro ay nasa tatlong bahay lang ang pagitan. Nakangiti naman akong pumasok sa loob ng bahay ngunit agad napawi ang sayang nararamdaman ko ng muli akong mapag-isa. Nararamdaman ko na naman ang kulang sa puso ko. Masaya man dahil sa mga nangyari at sa panibagong kaibigan na natagpuan ay hindi ko maiwasan ang malungkot sa tuwing naaalala ko ang mga pangyayari sa nakaraan. Kung paano ako pinagtaksilan ng itinuturing ko ng kapatid, kung paano nagalit sa akin ang pamilya ko at kung paano ako hinusgahan ng ibang tao ng malamang pinalayas ako. It all flashbacks in my memory clearly like it just happened a while ago.
Pilit ko naman iyong iwinaglit sa aking isipan at mas inalala ko na lang ang mga kaganapan kanina. Muli ay nagbalik ang tuwang nararamdaman ko at nakangiti akong nagtungo sa kwarto para mag-ayos ng sarili. Pagkatapos ay nahiga na ako at nakangiting ipinikit ang mga mata. Ilang sandali lang ay tuluyan na akong nilamon ng antok na nararamdaman.
"Wala kang kwenta! Lumayas ka sa harapan ko wala akong anak na katulad mo!"
Masakit. Sobrang sakit ng nararamdaman ko sa loob at sa labas, ngunit mas nangingibabaw ang sakit na nararamdaman ko sa loob. Siguro para sa ibang tao masakit ng maranasan ang lokohin ng mga boyfriend o girlfriend nila, pero para sakin ay wala ng mas sasakit pa sa pagtakwil sayo ng sarili mong pamilya dahil sa isang bagay na hindi mo naman ginawa. At alam niyo kung ano 'yong isa pang masakit? Yun ay ang malaman mong dahil iyon sa paninira ng isang taong pinagkatiwalaan at minahal mo na parang isang kapatid. I felt so lost. Hindi ko na alam kung saan pa ako pupunta o kung sino ang dapat kong kausapin at higit sa lahat ay kung may dapat pa ba akong pagkatiwalaan. Maya maya lang ay bumuhos na ang malakas na ulan na tila ba dinadamayan ako sa lungkot na nararamdaman ko ngayon. Patuloy lang na umaagos ang mga luha ko na tinatakpan naman ng malakas na buhos ng ulan. Ilang sandali pa ay nanlalabo na ang paningin ko dahil sa mga luha at sa malakas na buhos ng ulan. Unti-unti ko na ding nararamdaman ang panghihina ng aking katawan at ang dahan-dahang pagbigat ng talukap ng aking mga mata hanggang sa tuluyan na akong nilamon ng kadiliman. Ang huli ko na lang natatandaan ay ang pagbagsak ng katawan ko sa lupang kinatatayuan.
Nagising ako na pinagpapawisan at sobrang lakas ng kabog ng dibdib. Tila ba mayroong karerang nagaganap ngayon sa loob nito at hindi ko na ito masabayan. Kinakapos din ako ng hininga kaya bahagya akong napahawak sa dibdib ko at doon ay naramdaman ko ang pagtulo ng tubig sa braso ko. Napahawak naman ako sa mukha ko at dito napagtanto na umiiyak pala ako ng hindi ko namamalayan. Patuloy pa din sa malakas na pagtibok ang puso ko kaya umupo muna ako at kinuha ang bote ng tubig na nasa ibabaw ng side table ko. Diniretsong lagok ko ito at hindi tinigilan hanggat hindi nauubos ang laman.
Sa loob ng halos dalawang taon ay ngayon ko na lang ulit ito napanaginipan. Three years ago matapos mangyari ng mga kaganapang 'yon sa nakaraan ay halos isang taon akong binabangungot ng mga pangyayari. Pero makalipas ang ilang buwan pa ay nakarecover din ako at nagsimula ng panibagong buhay. At ngayon nga ay heto ako, makalipas ang dalawang taon simula ng makarecover ako ay muli na naman akong binabangungot ng nakaraan. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa pagiisip at pagkukwento ko kanina ng tungkol sa mga nangyari noon o dahil sa katotohanang natatakot na naman ako dahil may panibagong tao na ang lumapit sa akin at gusto akong maging kaibigan makalipas ang ilang taon. I am actually a bit scared that it might not be too good for me, pero kahit ano pa man ang isipin ko ay gusto kong muling subukan ang magkaroon ng kaibigan at magtiwala sa isang kaibigan. Maybe this time it will not end like before. Siguro ngayon hindi na ako lolokohin at sisiraan. Baka ngayon ay nakahanap na ako ng iintindi sakin at hindi ako huhusgahan. Maybe? Maybe this time, ako naman 'yong ituturing na kapatid at mamahalin.
Hindi na muli pa akong nakatulog kaya kinabukasan ay para akong zombie na naglalakad sa daan. I felt how sleepy i am right now. Parang anytime e babagsak na lang ako sa sahig at mahimbing na makakatulog sa kinapupuwestuhan, ngunit alam nating pare-pareho na hindi ko iyon pwedeng gawin.
"Penny for your thoughts," napapitlag naman ako ng bahagya sa boses ng isang taong nagsalita sa may likuran ko. Dahil sa kaantukan ay hindi ko na naramdaman ang pagdating at presensiya niya.
Dahan-dahan naman akong nagtaas ng paningin sa mukha niya at namataan ko naman ang gulat at pag-aalala sa mata niya ng magtama ang aming paningin. "Hey, what happened? Are you sick?" Tanong nito na bahagya pang sinisipat ang noo at leeg ko para malaman kung may sinat ba ako.
Hinawakan ko naman ang braso niya para pigilan siya sa ginagawang pagsipat sa noo at leeg ko. "Wala akong lagnat okay? Hindi lang talaga ako nakatulog ng maayos kagabi"
Napabuntong hininga na lang ito at hindi na nangulit pang muli sa akin. Sinabayan niya na lang ako sa paglalakad at nagdiretso na kami sa classroom. Sakto naman na wala pa ang teacher at sabi ng isang kaklase namin na may meeting daw 'ata ang mga teacher ngayong umaga kaya baka hindi na ito dumating. Pagkarinig nito ay tila mas lalo pa akong nakaramdam ng antok kaya naisubsob ko na lang sa lamesa ng armchair ko ang aking ulo. Naramdaman ko na lang ang marahang pag-pat ng isang kamay sa buhok ko na mas nagparagdag pa sa antok na nararamdaman ko hanggang sa tuluyan na akong tangayin ng antok at makatulog sa pagkakaubob sa ibabaw ng lamesa.
"Just sleep. I won't leave you" ang huling tinig na aking narinig bago ko hinayaan ang sarili na makatulog.