"Uy, sino 'yan?"
Napabaling si Hana sa direksiyong tinitingnan ng kaklase at best friend niyang si Ava. Noon niya nakita ang papasok sa school campus na puting kotse.
Hindi normal sa kanila ang makakita ng magarang kotse sa loob ng campus. Isang pampublikong paaralan lang naman kasi ang pinapasukan nila at mabibilang lang sa daliri ang mga nag-aaral doon na masasabing may kaya sa buhay. Sa maliit na bayang iyon ay iilang pamilya lang ang matatawag na mayaman at ang halos lahat ng mga anak ng mga pamilyang iyon ay sa Maynila nag-aaral. Iyon ang dahilan kung bakit kapansin-pansin talaga ang pagpasok ng magarang kotseng iyon sa bakuran ng paaralan nila.
"Di ba kay Mayor ang kotseng 'yan?" ang muling wika ni Ava nang 'di siya sumagot.
Hindi siya kumibo habang naroon pa rin sa kotse ang mga mata niya. Hindi naman kasi niya alam kung sa mayor nga ba ng lungsod ang kotseng iyon o hindi. Isa pa, sa dami ba naman ng kotse ng mayor nila, imposibleng ma-memorize niyang lata iyon.
Nakita niya bumukas ang unahang pintuan ng kotse at lumabas ang driver na agad niyang namukhaan.
Mukhang tama nga si Ava, driver nga ng mayor nila ang lalaking bumaba mula sa kotse. Ibig sabihin ay ang mayor nga ang may-ari ng kotseng iyon.
Lumigid iyong driver sa likurang pintuan at saka iyon binuksan. Mula doon ay lumabas ang may bahay ng mayor na mas kilala sa lugar nila bilang si Madam Aurora. Maganda iyon kahit nasa mid-forties na. Matangkad, sopistikada kung manamit at may pagka-istrikta.
"May school program ba?" si Ava pa din.
"Mukhang wala naman," aniya. Nagpupunta lang kasi sa paaralan nila ang unang ginang kapag may okasyon.
Noon bumukas ang kabilang pintuan at saka iniluwa palabas ang isang lalaking pakiwari niya'y kaedad lamang nila. Kahit medyo distansiya ang kinaroroonan nila ay agad niyang napansin ang magara nitong pananamit.
"Si Ram!" ang bulalas ni Ava. "Diba? Diba si Ram 'yan?"
Noon lang din niya namukhaan ang binata. Diyata't si Ramon Miguel Dela Francia nga iyon, o Ram kung tawagin ng lahat, ang pangalawang anak ng mayor. Hindi man niya iyon personal na kilala ngunit sa dami ba naman ng mga kalendaryong may litrato ng first family ng lungsod ang ipinamumudmod tuwing eleksiyon, imposibleng 'di niya ito makilala.
"Grabe, ang guapo pala niya sa personal!" ang tila kinikilig na wika ni Ava sabay kurot sa isa niyang braso.
"Aray! Kung makakurot ka naman," ang baling niya dito bago muling ibinaling ang tingin sa anak ng mayor na noon ay papunta na sa office ng School Principal kasama ng nanay nito at ng School Principal nila mismo na sumalubong sa pagdating mga ito.
"Bakit kaya narito si Ram? Mag-i-enrol kaya 'yon dito? Tingin mo?"
"Malay ko," aniya sabay sipsip mula sa straw ng naka-plastik niyang softdrink. Break noon at naglalakad sila pauwi ng classroom galing sa School canteen.
"Kapag nagkataon, eh, magiging school mate natin si Ram Dela Francia! Grabe, nakakakilig naman!"
"Bakit ka kinikilig sa kanya? 'Di ba si Johan naman ang crush mo? At isa pa, pano ka nakakasigurong mag-i-enrol nga 'yon dito, eh, 'di ba sa Maynila naman siya nag-aaral kasama 'yong kuya niya?" aniya habang kumakain ng banana cue.
"Crush ko si Johann, oo," anito na ang tinutukoy ay ang pinakamatalino nilang kaklase. "Pero dati 'yon, bago ko pa nakita up close and personal si Ram Dela Francia. Grabe, hindi ko talaga akalaing ang guapo-guapo pala niya sa personal. Hindi lang pala siya photogenic kaya hindi ako naguapuhan sa kanya dati. Pero ngayong nakita ko na siya nang malapitan... ayiieee! Grabe, kinikilig ako! Erase na si Johan sa puso ko. Si Ram na ang bago kong crush! I love you, Ram!" Tila walang pakialam na sigaw nito habang itinaas pa ang dalawang mga braso sa ire.
"Kung makasigaw ka naman diyan," ang natatawa niyang wika.
"Bakit? Hindi ka ba naguguapuhan sa kanya, ha? Sino sa tingin mo ang mas guapo? Si Ram? O Andrei?"
Agad niyang tinakpan ang bibig nito sa takot na baka may makarinig dito. Ito lang kasi ang kaisa-isang taong nakakaalam ng pagsintang pururot niya para sa presidente ng Student Council nila at ang kandidato sa pagka-class valedictorian ng taong iyon. Mas matanda ito ng dalawang taon sa kanya dahil nasa second year pa lang naman sila.
Tinanggal ni Ava ang kamay niya mula sa pagkakatakip sa bibig nito.
"Sagutin mo muna ako," anito.
"Siyempre si Andrei," ang pabulong niyang sagot dito.
"Uy, 'di kaya. Mas maputi lang si Andrei pero mas guapo pa din si Ram."
"Beauty is in the eye of the beholder, 'ika nga," aniya. "At isa pa, one-man woman ako. Loyal 'to. Hindi katulad mo na makakita lang ng guapo, eh, agad nang makakalimutan ang lalaking hinangaan ng dalawang taon. Hindi ba't first year pa lang tayo, eh, crush mo na 'yang si Johann? So mababalewala na lang 'yong dalawang taon mong paghanga sa kanya dahil may nakita kang ibang guapo? Ganoon ba dapat?" ang pangongonsensiya niya sa best friend.
"Anong magagawa ko, eh, napaka-irresistable talaga ni Ram Dela Francia? Ang guapo niya, grabe! Kinikilig talaga ako!"
"Ang landi mo talaga," ang natatawa niyang wika dito.
BINABASA MO ANG
Buying Love (Published Under UMPRINTABLES!)
RomanceSi Ram dela Francia ang kahuli-hulihang lalaking inaakala ni Hana na magiging asawa niya. Pero nangyari na lang iyon. Isang araw ay bigla na lamang siya nitong inayang magpakasal. She said yes because of two reasons. Una, para sa kaligtasan ng tatay...