"Seriously?"
Pinigilan ni Hana ang sarili na matawa ng malakas nang makita ang hitsura ni Ram dela Francia. Ang OA lang kung maka-react. Parang bibitayin lang sa Luneta.
"Mukha ba akong nagbibiro? You have to clean the whole CR. Kayong tatlo, pagtutulungan niyo. Iyan ang magiging punishment niyo," ang wika ni Mr. Santos.
"No way!" Si Ram pa rin. Hindi pa rin halos maipinta ang hitsura nito. Nakakatawa ngang tingnan. Siguro'y first time nitong makapaglinis ng banyo. Public CR pa.
Buti nga sa'yo, saisip niya.
"Anong no way? Ano ang mas gusto niyo, ang maglinis ng buong school ground o itong CR ang linisin niyo? You choose. Madali naman akong kausap."
"Okay na ho ako dito, Mr. Santos," aniya habang pinipigilan ang sariling ngumiti. Parang ang sarap lang kasing tingnan ni Ram dela Francia na naiinis.
"Wala din pong problema sa'kin, sir," ang matipid ding sagot ni Ava.
Tinapunan niya ng tingin ang kaibigan. Naninibago siya sa pagiging tahimik nito. Kapag kaharap talaga si Ram dela Francia ay nag-iiba ito. Nawawala ang pagiging madaldal nito. Lagi itong tila conscious na conscious sa sasabihin. Mukhang tinamaan na nga talaga na tuluyan ang kaibigan niya sa antipatikong lalaking iyon.
"O, wala naman palang problema. Sige, simulan niyo nang maglinis. Tig-iisa kayo ng cubicle. Diyan ka, doon ka, at doon ka naman, Mr. dela Francia. I'll be back in one hour. Siguraduhin niyo lang na malinis na itong CR pagbalik ko, ha? Kundi malalagot kayong tatlo sa akin," ang wika ni Mr. Santos sabay alis.
Agad na naghanap ng timba si Hana. Agad din namang kinuha ni Ava iyong isa pang timba. Dadalawa lang kasi ang timbang naroroon.
"Hey, hey! Where are you going?" ang pigil sa kanila ni Ram noong papalabas na sila ng banyo.
"Mag-iigib," sagot niya. "Hindi naman kasi kusang malilinis 'tong CR kung titingnan lang."
Siniko siya ni Ava.
"Di ba may gripo naman? Bakit walang tubig?"
"Aba, malay ko. Itanong mo sa tatay mo," aniya bago tuluyan nang lumabas ng CR.
Agad na sumunod sa kanya si Ava.
"Ang harsh mo naman kay Ram, Hana," anito habang papunta sila sa may poso.
"Anong gusto mo, ang matuwa ako sa kanya? Nagpapakahirap ang mga magulang ko para mabigyan ako ng baon pero 'eto ako't naglilinis ng CR," aniya habang binubomba ang poso. "Teka, bakit mo ba ipinagtatanggol ang lalaking 'yon? Huwag mong sabihing crush mo pa din siya kahit na tinawag ka pang stupid?"
"Baka naman kasi expression lang niya 'yon. 'Diba ganoon naman 'yong mga laking syudad?"
"Naku! 'Wag mo na ngang ipagtanggol 'yang crush mong kung makapangmata ng tao, eh, wagas. And speaking of the devil, ayan na ang crush mo. Wala man lang dala ni tabo. May balak sigurong higupin ang tubig mula dito sa puso at saka ibuga doon sa kubeta," aniya.
"Wala akong makitang ibang timba doon sa loob," anito habang nakatingin sa kanya.
Agad siyang nagbawi ng tingin. Para kasi siyang biglang napaso. Lihim niyang pinagalitan ang sarili. Hindi siya pwedeng magpa-intimidate dito. Kundi lalo lang siya nitong mamatain.
"Sa'yo na lang 'to. Share na lang kami ni Hana."
"Uy, teka, teka!" ang pigil niya sa tangkang pag-abot ni Ava sa dala nitong timba kay Ram. "Ewan ko sa'yo, Ava. Pero ako, gusto kong umabot sa next period. Hindi tayo mapapabilis kapag iisa lang ang gagamitin nating timba."
"And what do you expect me to do? Ang kamayin ang tubig papuntang banyo?" ang pasarkastikong wika ni Ram.
"Aba'y problema mo na 'yon. Bakit ka hihingi ng opinyon sa isang estupidang katulad ko?" aniya sabay bitbit sa timba niyang puno ng tubig.
Dali-dali siyang naglakad pabalik sa CR nang may matapakan siyang madulas na parte. Tuloy-tuloy siyang nadulas at bumagsak sa maputik na lupa. Tumilapon ang dala niyang tubig. Masakit na nga balakang niya, basang-basa pa siya.
Narinig niya ang malakas na pagtawa ni Ram mula sa kanyang likuran.
BINABASA MO ANG
Buying Love (Published Under UMPRINTABLES!)
RomanceSi Ram dela Francia ang kahuli-hulihang lalaking inaakala ni Hana na magiging asawa niya. Pero nangyari na lang iyon. Isang araw ay bigla na lamang siya nitong inayang magpakasal. She said yes because of two reasons. Una, para sa kaligtasan ng tatay...