5

824 47 4
                                    


UNANG araw ng klase ay si Gemma ang hinahanap ni Hector. Umaasa siyang magiging magkaklase sila kaya ganoon na lang ang pagkadismaya niya nang ideklara ng professor na tumatatayong adviser nila na silang mga naroroon ang kumukumpleto sa block section na iyon. At dahil wala pa silang sinisimulang leksyon, marami siyang naging bakanteng oras. Hindi pa rin siya sumuko at hinanap si Gemma.

At naisip niya, mas madali kung sa parking lot siya pupunta. Natatandaan niya ang kotseng sinakyan nito.

Nakita niya ang kotse. Nakita din niya ang may-edad na babaeng kasama nito. Gusto niyang lumapit upang magtanong subalit hindi niya nagawa. Naunahan siya ng takot at hiya.

Pumasok na uli siya sa school building. Nakihalubilo siya sa kagaya niyang college freshman. Pero nasa isip pa rin niya si Gemma. At naniniwala siyang makikita niya ito.

"Nasa paligid lang siya. Nasa labas ang kotse," encourage niya sa sarili.

Then he saw her. Paakyat siya sa second floor ng building at pababa naman ito. Kulang na lang ay magtatalon siya sa tuwa nang makitang nag-iisa ito. Sinadya niyang bagalan ang paglakad. At sinadya din niyang gumitna sa hagdan upang tiyak na makita nito. Muli ay naging abnormal ang bilis ng tibok ng kanyang puso.

Hindi niya mabigyang-pangalan ang tensyong bumalot sa kanya. Tila gusto na niyang tumalikod at magtatakbo palayo subalit gustong-gusto din naman niyang magkausap sila. Nang magtama ang kanilang mga tingin ay lalo na siyang ninerbyos. Subalit tila nagdahilan lamang siya nang ngumiti ito sa kanya.

Kagaya noong una ay kimi ang ngiting ibinigay nito sa kanya. Subalit sapat na iyon. Nginitian siya nito! Iyon lang ay daig na niya ang nagarantiyahan ng scholarship sa saya.

"H-hi!" nakangiti din siya subalit kinakabahang bati niya.

"Hello," tila nahihiyang sabi nito.

Pareho silang huminto sa kalagitnaan ng hagdan. Pantay lang ang kanilang tingin kahit na mas mababa ng dalawnag baitang ang tinutuntungan niya. Pareho lang silang nakatingin sa isa't isa. Tila nag-iisip pa ng susunod na sasabihin.

"A-akala ko—"

Halos magkasabay nilang sabi at sabay ding huminto.

"Mauna ka," nakangiting sabi niya. Palakaibigan na ang tinig niya at hindi na masyadong kinakabahan. Ang pumalit sa dibdib niya ay ibayong tuwa.

"Ikaw na. Ano ang sasabihin mo?" sabi nito.

"Akala ko magkaklase tayo. Sabi niya agad. Narinig ko noong enrolment, Engineering ang course mo."

"Oo nga. Industrial Engineering."

Napangiwi si Hector. "Civil Engineering ang kinuha ko," may bakas ng panghihinayang na sabi niya.

"Nasa pila ka ng AB, di ba?"

"Natatandaan mo?" nadagdagan ang tuwa niya.

"Oo. Iyon kasi ang kukunin ko sana. Kaya lang, IE ang gusto ng mama ko."

"Mama mo iyong kasama mo?"

Tumango ito.

Nakakatakot ang mama mo, gusto sana niyang sabihin. "Gemma ang pangalan mo, di ba?" sa halip ay sabi niya.

Nagpakita ito ng pagkagulat. "Paano mo nalaman?"

"Narinig ko. Ako nga pala si Hec—" bigla siyang natigilan. "Matthew," maagap na sabi niya.

Bumaba ang tingin nito sa temporary ID na issue sa kanila. Nagpasalamat si Hector na Matthew ang ibinigay niyang pangalan. At nabasa din niya sa ID nito ang tunay nitong pangalan. Gemmalyn Mauricio.

Mag-uusap pa sana sila nang sitahin sila ng isang guro. Nakaharang daw sila sa daanan.

Noon tila naalala ni Gemma na pababa ito. Nagpaalam na ito sa kanya at mabilis nang bumaba. At dahil wala naman siyang talagang pakay sa second floor, humabol siya sa pagbaba nito.

"Block section ka rin ba?" tanong niya.

"Oo."

Nakadama siya ng panghihinayang na wala palang pag-asa na maging magkaklase sila sa kahit isa man lang na subject. Gayunman ay hindi nawala sa mga labi niya ang ngiti.

"Magkapareho tayo ng college. Same building din tayo," sabi na lang niya.

Tumango si Gemma. "Excuse me, ha. Pupunta ako sa parking lot, eh. Nandoon ang mama ko. Baka makita ka, kung ano ang isipin. Mahigpit pa kasi siya sa akin, eh. Ayaw niyang makipagkaibigan ako sa lalaki. Sa ligaw din daw kasi agad na mapupunta."

At bago pa siya nakapagsalita, mabilis na ang naging hakbang ni Gemma palayo. Napasunod na lang siya dito ng tingin.

SA SUMUNOD na mga araw ay tanging pagpapalitan ng ngiti ang nagagawa nina Hector at Gemma sa isa't isa. Palagi siyang nakaabang kay Gemma subalit hindi niya magawang lumapit. Dalawa ang napansin niyang palaging kasama nito. Iyon marahil ang naging kaibigan nito pero tila mga guwardiya ni Gemma kung makaasta.

Siya man ay nagkaroon din ng mga bagong kaibigan. At likas bilang kabataang lalaki, girls-hunting ang naging past time nila. Subalit kasama lang siya ng mga ito sa pagtambay sa school campus. Iisa lang ang gusto niyang pag-ukulan ng tingin, si Gemma.

Nagkaroon sila ng pagkakataong magkalapit muli nang sumunod na linggo. Orientation day ng college nila at isang buong araw na programa iyon. Pagkatapos ng lecture tungkol sa regulasyon ng eskuwelahan, parlor games naman ang sumunod. Sinadya ni Hector na maging aktibo bagaman medyo nahihiya pa siya dahil maraming mga bagong estudyante at iilan pa lang ang kanyang kakilala.

Nakalapit siya kay Gemma. At natiyak nga niya na tila guwardiya ang dalawang kaibigan nito. Kulang na lang ay harangan siya. Kungsabagay, hindi lang naman siya ang ginaganoon ng dalawa. Napansin niyang pati ang iba pang lalaki na nag-uukol ng pansin kay Gemma ay hinaharang ng mga ito.

Ang konsolasyon lang niya, kung ang ibang lalaki ay hindi pinapansin ni Gemma, siya ay pinapansin nito. Sa isang parlor game, siya pa ang mismong inaya ni Gemma upang sumali sila.

Calamansi relay was a group game. Nakihalo sila ni Gemma sa isang grupo. Karaniwan na ang larong iyon kaya pamilyar na ang lahat. Ilalagay sa kutsara ang isang kalamansi, ilalagay sa bibig ang kutsara at tatakbo o lalakad. Kapag nahulog, babalik sa start Iikot sa poste at babalik sa start line. Isasalin sa kutsara ng susunod na team mate ang kalamansi. Paulit-ulit hanggang sa makaikot ang huli sa grupo.

Palaging nalalaglag ang kalamansi nila kaya hindi sila nanalo. Pero sa lahat yata ng natalo, si Hector ang masaya pa rin. Bakit hindi, magkatabi sila ni Gemma. At ganoon kababaw ang kaligayahan niya. Makatabi lang niya ito ay ang saya-saya na niya.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - HECTORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon