NAPALUHA si Barbara.
"Mama, please, hindi kita gustong paiyakin," alo ni Hector dito. "Alam ko namang masasaktan ka kaya lang ay maintindihan mo rin sana ako. Hindi naman dahil pinapahanap ko kung sino ang magulang ko ay kakalimutan ko na kayo. Malaki ang utang-na-loob ko sa inyo ni Papa, Mama. Dahil sa inyo kaya natikman ko kung paano magkaroon uli ng isang magulang. At binigyan ninyo rin ako ng maayos na kinabukasan. Mahal ko kayo, Mama."
"Mahal din kita, Matt. Itinuring kitang tunay na anak ko," humihikbing sabi nito. "Pero hindi nga kita mapipigilan sa gusto mong gawin. Malaki ka na. Isa pa ay karapatan mo ring gawin iyan."
"Salamat, Ma."
Malungkot itong ngumiti. "Magpapakasal na kami ni Raf. Unfair sa iyo na pigilan kita sa bagay na iyan gayong maligaya ako kay Raf. Alam kong lubos na makakasaya sa iyo kung mahahanap mo ang mga magulang mo. Makukumpleto na ang pagkatao mo. Sana mahanap mo nga sila."
Niyakap niya si Barbara. "Salamat uli, Ma. Sana bago ako ikasal, mahanap ko sila. Mas magiging espesyal ang okasyong iyon kung naroroon ang lahat ng magulang ko. At siyempre, hindi puwedeng mawawala kayo doon." Nilambingan niya ang tinig. "Huwag mong ikasama ng loob na hindi tayo makakapag-double wedding. Marami pang aayusin si Irene sa iiwan niyang trabaho. Nag-aalala nga siya na baka hindi siya makadalo sa kasal ninyo pero sisikapin daw niyang makauwi. Ayaw naman niyang maantala ang pagpapakasal ninyo ni Uncle Raf."
"Okay lang iyon, hijo. Kuntento na akong napag-isipan mo na ring lumagay sa tahimik. At oo naman, hindi ako papayag na wala ako sa kasal mo." Pinisil nito ang magkabila niyang pisngi kagaya ng ginagawa nito sa kanya noong bata pa siya. "at siyempre, ikaw ang best man sa kasal namin ni Uncle Raf mo."
"With pleasure, Ma."
"Simple lang ang kasal, hijo. Tig-isang pares na abay lang ang kukunin namin. Si Raf na ang bahalang kumuha ng maid of honor ko. Isang pamangkin daw niya ang kukunin niya. At malamang na itakda namin ng mas maaga kung hindi naman pala tayo double wedding."
"Walang problema, Mama. Naririto naman ako. Anytime na magpakasal kayo, tiyak na nandoon din ako."
MATTHEW Timothy Lim.
Natigagal si Gemma nang mabasa sa imbitasyon kung sino ang tatayong best man sa kasal ng kanyang Uncle Raf. Tinawagan siya ng tiyo upang ibalita na mag-aasawa na itong muli. Nang kunin siya nitong maid of honor ay kaagad siyang pumayag. Alam niyang Barbara ang pangalan ng mapapangasawa nito. Barbara Lim. Subalit hindi niya inisip na malapit kay Matthew ang babae. Napakaraming Lim sa Pilipinas.
Subalit nagkamali siya. Katunayan ang imbitasyong iyon na hindi iba kay Barbara si Matthew. Baka nga anak pa nito ang lalaki.
Nakagat niya ang ibabang labi. Tila sinasadya ng pagkakataon na magkatagpo silang muli ni Matt. Una ay sa memorial park. Ngayon naman ay sa magaganap na kasal.
It was foolish not to attend the wedding. Bahagi siya ng entourage. At kahit marahil hindi siya abay ay hindi uubrang hindi siya dumalo. Bukod sa tiyak na magtatampo ang kanyang tiyo ay si Greggie ang kinuha nitong ring bearer.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya. she had to face it. At diniktahan niya ang sariling huwag maduwag. Wala naman siyang dapat na iwasan. Sa kanila ni Matthew, dapat nga ay si Matthew pa ang mabahag ang buntot na makaharap siya dahil ito ang may atraso sa kanya.
"Iyan ba ang imbitasyon ni Raf?" pukaw sa kanya ng kanyang mama.
Walang kibong inabot niya dito ang papel. Binigyan niya ito ng oras na mabasa ang imbitasyon at kitang-kita niya ang naging pagkunot ng noo nito nang mabasa ang ilalaman.
"Matthew Lim? Ito ba iyong lalaking sinamahan mo dati?" direktang tanong nito.
"Siya nga," sagot niya sa pinakakaswal na tinig.
"Barbara. Ito ang ina ni Matthew. Sa lahat ng babae, ito pa pala ang mapapangasawa ni Raf. Biyuda na pala siya."
"Hindi ko alam, Ma. Hindi ko nakilala ang mga magulang ni Matt."
"Kilala ko siya dahil binawi kita sa kanila."
Tinitigan niya ang ina. "Magkikita-kita tayong lahat sa kasal ni Uncle Raf."
Nagkibit ng balikat si Liciada. "Hindi ako natatakot. Hindi ako nagsisisi sa ginawa ko noon. Baka si Barbara pa nga ang magulat kung malalaman niyang pinsan ng papa mo ang mapapangasawa niya."
"M-mabait siguro ang mama ni Matt. Matagal ding biyudo si Uncle Raf pero ngayon lang niya naisipang mag-asawa uli."
"Siguro nga," matabang na sabi ng kanyang mama. Ibinaba nito ang imbitasyon at iniwan na siya.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - HECTOR
RomanceMahal na mahal nina Hector at Gemma ang isa't isa. Iyon nga lang, hadlang ang mama ni Gemma. Ayaw nito sa kanya dahil ang gusto nito para sa dalaga ay ay isang lalaking kapantay nito ang estado ng buhay. Mayaman, sa madali't sabi. At dahil naging co...