13

631 39 3
                                    


"KUMUSTA kayo ni Gemma? Mukhang hindi na siya hinihiwalayan ng lalaking iyon, ah?" tanong sa kanya ni Rainier.

"Manok yata iyon ng mama niya, eh," sabad ni George.

"Bad news," sabi naman ni Jillian. "Galing pa lang ang mommy ko sa mama ni Gemma. Mukhang ipinagkasundo na siya sa Greg na iyon."

"Parang tatay na niya iyon!" bulalas naman ni Kaye.

"Pare, paano na kayo?" bakas ang concern na tanong muli ni Rainier kay Hector.

"Kayo ba kung mahal ninyo ang isang tao basta ninyo na lang hahayaang mawala sa inyo?" sabi niya.

Nagkatinginan ang apat.

"Mga bata pa tayo. Pero marami namang college sweethearts na nagkakatuluyan. Kami ni Kaye, we treat our relationship as long-term," sabi ni George.

"Aw, how sweet!" tatawa-tawang sabi ni Jillian. Tumabi ito kay Rainier at ito pa ang umakbay sa lalaki. "Basta kami nito, we're enjoying while it lasts!"

"Mga bata pa tayo para mag-seryoso," nakangising sabi ni Rainier. "Nakaka-ospital ang sobrang serious."

"Sira-ulo!" nakairap na sabi dito ni Kaye.

Napailing na lang si Hector. Nasa harapan niya ngayon ang halimbawa ng dalawang relasyon. Wala siyang kinakampihan sa dalawa. Hindi niya masisisi kung walang balak magseryoso sina Jillian at Rainier pero naiintindihan naman niya kung bakit iba ang pananaw nina George at Kaye.

Hindi rin nalalayo sa pananaw niya. Seryoso ang pag-ibig. Hindi laro.

Pinagmasdan niya ang mga kaibigan. At natanto niyang tama ang desisyon niyang sarilinin na lang niya ang plano nila ni Gemma.



BUMUHOS ang malakas na ulan. Maalinsangan ng nagdaang mga araw at hindi naman panahon ng tag-ulan kaya nakakapanibago iyon. Hindi naniniwala si Hector sa pamahiin. At kung maniniwala man siya, gusto niyang isipin na biyaya ang hatid ng ulan at hindi malas.

Sumilong siya sa maliit na bubong sa harap ng tindahang kinatatayuan niya. Doon niya hihintayin si Gemma. Doon ang usapan nila.

Sinulyapan niya ang oras. Maaga pa naman. Sadya nga lang niyang inagahan ang punta doon dahil ayaw niyang mauna si Gemma. Baka kapag hindi siya nito nakita ay magbago ito ng isip at umalis.

Wala siyang kaba na hindi siya sisiputin ni Gemma. Malinaw ang usapan nila. At malaki ang tiwala niya sa dalaga na kaya nitong panindigan ang salita nito.

Dahil sa lakas ng ulan kaya nagkaroon ng mabigat na trapiko. Sumapit ang takdang oras ng usapan nila subalit wala pa si Gemma. Inisip ni Hector na na-traffic lang ito.

Lumipas ang limang minuto. Sampu pagkatapos ay naging labinglima. May umaahong kaba sa dibdib ni Hector pero ayaw niyang pansinin iyon. Panay na ang sulyap niya sa relo. Mas nakatuon ang pansin niya sa panghahaba ng leeg upang matanaw si Gemma kesa sa pamimitig ng binti niya sa matagal nang pagkakatayo doon.

Eksakto nang kalahating oras na lagpas sa usapan nila ay hindi pa rin niya natatanaw ang dalaga. Malakas na ang kaba ng dibdib niya. Hindi na niya kayang ignorahin pa ang tila tinatambol na dibdib niya.

Then he had glimpse of her. Kahit sa malayong distansya ay makikilala niya si Gemma. Parang bulag naglaho ang kanyang kaba at napalitan iyon ng rumaragasang tuwa.

Dumating si Gemma!

Binalewala niya ang malalakas pang pagpatak ng ambon at nilapitan na ito.

"Akala ko, hindi ka na darating," sabi niya.

LA CASA DE AMOR - HECTORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon