KUNG NAGING babae si Nate at magkakaedad ito, alam na ngayon ni Hector kung ano ang magiging itsura ng kaibigan. Kamukha ni Nate ang ina nito na mainit na umeestima sa kanila.
It was an intimate party. Silang anim na magkakaibigan ay kumpletong naroroon. At gaya ng inaasahan ay siya lang ang walang partner.
Kanina ay naisip niyang isama doon si Irene tutal ay panahon na rin upang makilala nito ang mga tunay niyang kaibigan. Pero nang maalala niya na mayroon pa silang pag-uusapan ni Nate, naisip niyang sa ibang pagkakataon na lang niya ipapakilala si Irene sa mga ito.
Baka mabigla si Irene kung malalaman nito sa okasyong iyon ang pagiging ampon niya. Mas tama sigurong sabihin niya iyon sa girlfriend nang sarilinan.
Dahil siguro sa wala siyang partner ay siya ang mas naging kausap ng ina ni Nate. Nanay din kung tawagin niya ito dahil narinig niya si Nate na Nanay ang tawag dito. She was Nenita Riego.
"Akala ko hindi ko na makikita ang anak ko. Buhat nang mawala siya sa akin noon, walang gabi na hindi ko inisip kung ano na ang nangyari sa kanya," madamdaming sabi nito.
Inamin ng ina ni Nate na ito ang nag-iwan kay Nate sa gate ng La Casa De Amor. She was a rape victim at the young age of sixteen. Ulila na sa magulang at tiyahing mabagsik ang tanging pamilya. Gusto daw ng tiyahin nito na ipaglaglag ang bunga ng kahayupan ng lasenggong kapitbahay subalit hindi naman magawa ni Nenita sapagkat anak din nito iyon.
Nang manganak si Nenita ay narinig nito ang tiya na kumakausap ng taong pagbibigyan ng anak nito kapalit ng limandaang piso. Naghimagsik si Nenita kaya lumayas ito sa tiyahin. Subalit dahil wala namang trabaho at walang ibang mapupuntahan, ilang araw matapos ang paglaboy nito sa kalye ay nagkasakit ang sanggol na karga nito.
Sa paglalakad ni Nenita ay napadpad ito sa ampunan. Naisip nitong doon humingi ng tulong kahit man lang hanggang sa humupa ang lagnat ng bata. Ngunit kakatok pa lang ito sa ampunan nang may humintong van. Inagaw dito ang anak bago sapilitang isinakay si Nenita ng mga lalaking bumaba doon.
Sa kabila ng pagwawala ni Nenita ay wala itong nagawa. Iniwan lang sa tapat ng ampunan ang anak nito at humarurot na ang van. Napasok si Nenita sa sindikato ng prostitusyon. Dinala ito sa Davao at doon ginamit ng sindikato. Wala itong pagkakataong makatakas dahil delikado. Buhay ang kapalit ng magtatangkang tumakas. Ayaw nitong mamatay dahil sa isip nito ay babalikan nito ang anak na iniwan sa ampunan.
Nang tumanda si Nenita ay hindi na ito ginawang prostitute ng sindikato, siyempre pa. Subalit hindi pa rin ito pinawalan. Ginawa itong tagapagluto ng sindikato.
Palipat-lipat ng pugad ang sindikato at tangay ito palagi. Nang bumalik sa Maynila ang sindikato nakatanaw ng pag-asa si Nenita. Nagkunwaring mamamalengke subalit pumuslit upang pumunta sa ampunan. Umaasa itong mababalikan pa sa ampunan ang anak na basta na lang iniwan doon.
Ilang beses din itong nagpabalik-balik sa ampunan hanggang sa magkita ito at ang inuupahang PI ni Nate. Walang ideya si Nenita na ito mismo ang hinahanap ng PI. Nagpunta sa ampunan ang PI ni Nate upang kumalap pa ng ibang pagkakakilanlan tungkol kay Nate.
Nagkuwentuhan ang dalawa habang naghihintay sa administrador ng La Casa De Amor. Si Nenita ang mas makuwento.
"Sanggol lang ang anak ko ng iwan sa labas ng gate nito. Napakawalanghiya ng mga taong iyon. Inagaw sa akin ang anak ko para lang iwan basta. Ang taas ng lagnat niya at natakot akong mamatay na lang siyang bigla doon. Nagwala ako pero wala ring nangyari."
Napatitig dito nang matiim ang PI. "Ano ho ang sanggol ninyo?"
"Lalaki. Nakabalot siya sa lampin na may burdang N Riego. Lampin ko pa raw iyon noong bata ako. Kungsabay, isinunod ko din naman sa unang letra ng pangalan ko ang pangalan niya. Noel ang ibinigay kong pangalan niya."
Napatayo ang lalaking PI. "Kayo ang ina ni NR Cordero."
"NR Cordero?"
"Nandito ho ako para kumuha pa ng ibang impormasyon. Inupahan ako ni Nathaniel para mahanap ang mga magulang niya. Mahirap maghanap dahil wala siyang hawak na impormasyon kung saan siya galing. Ang isang pinanghahawakan lang niya ay ang lamping nakabalot sa kanya nang makuha siya sa harap ng ampunan. May burdang N Riego ang lampin."
Biglang umiyak si Nenita. At bigla rin ay halos magmakaawa itong dalhin ng PI sa sinasabi nitong Nathaniel o NR Cordero.
Kinukuwento iyon ni Nenita kay Hector ay kinikilabutan siya. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya. Parang gusto niyang maiyak. At nang makita niyang kumislap ang luha sa mga mata ng ina ni Nate ay hindi siya nag-atubiling yakapin ito.
"Sa wakas, dininig din ng Diyos ang dalangin kong makita kong muli ang anak ko. Akala ko'y wala na kong pag-asa," umiiyak pang sabi ni Nenita.
Nang maghiwalay sila ng yakap ay tinuyo niya ang sariling mata. Hindi siya nahiyang makita ng matanda na umiyak din siya.
"Nabanggit sa akin ni Nate na hahanapin mo ang mga magulang mo, Hector. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Samahan mo lagi ng panalangin ang bawat kilos mo."
Tumango siya at pagkuwa ay napaalam dito. Nakihalubilo siya sa mga kaibigan. Binati niya si Celine na naglilihi na pala. Napasama pa ang pagbati niya dahil inulan siya ng kantiyaw ng mga lalaki kung kailan siya mag-aasawa.
"Malapit na. Magugulat na lang kayo at hinahatid na namin ang imbitasyon," game na sabi niya.
"Wedding planner ako, puwede?" prisinta ni Trina. "Walang bayad."
"She's always willing to work for free," segunda ni Sari.
"Pare, huwag mo lang kalilimutan, kapag si Trina ang kinuha mo, daig mo pa ang nagbayad sa professional wedding planner," nakangisi na sabad ni Pedro.
"Oo nga. Iyong matitipid mo sa wedding planner, kulang pa iyon sa mga pipiliing detalye ni Trina," nakangiting sabi ni Hannah.
"Pinagtutulungan ninyo yata ako ngayon?" nakaarko ang mga kilay ni Trina subalit walang mababakas sa mukha na pagkapikon.
Tumikhim si Joaquin. "My wife has an expensive taste," pagtatanggol naman nito sa asawa.
"So, Hector, kung gusto mong maging sosyal ang kasal mo, trust the preparation to Trina," sabi ni Gunny.
"Langya, kay Trina ka kumampi imbes na kay Hector?' kantiyaw ni Dio at nagkatawanan sila.
"Kelan namin makikilala ang malas na babae?" tanong naman ni Celine sa kanya.
"Oo nga," wika ni Bibi. "Hector, puwedeng ilang months muna bago ka magpakasal? May mga bulges pa ako sa panganganak ko. Magpapa-sexy muna ako."
"Huwag na, tutal mabubuntis ka na naman uli," kontra agad ni Gunny sa asawa.
"Wala pang isang taon ang anak natin!" Pinandilatan ito ni Bibi.
"Aba, kelangang makarami hangga't malakas pa ang tuhod," halos um-echo ang tawa ni Gunny.
They shared more laughter and fun bago sila nagkasundong maghiwa-hiwalay. Huli siyang nagpaalam kina Nate at Hannah. At bago umalis ay niyakap niyang muli ang ina nito. Pakiramdam niya ay mayroon siyang bagong ina sa katauhan ni Nenita.
"Pare, nakiki-share lang ng nanay maski paano," pabirong sabi niya kay Nate nang bumitaw siya ng yakap sa ina nito.
"Okay lang. walang problema. Bukas, ipakokontak kita sa PI ko. Nakita niya si Nanay by chance. Pero magaling namang talaga si Ronel. Marami siyang satisfied clients na nakausap ko."
"Sana nga, maging satisfed client din niya ako," hopeful na wika niya.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
LA CASA DE AMOR - HECTOR
RomanceMahal na mahal nina Hector at Gemma ang isa't isa. Iyon nga lang, hadlang ang mama ni Gemma. Ayaw nito sa kanya dahil ang gusto nito para sa dalaga ay ay isang lalaking kapantay nito ang estado ng buhay. Mayaman, sa madali't sabi. At dahil naging co...