31

723 50 6
                                    

WALANG inihandang presidential table para sa reception. It was like a summer cocktail affair. Ang mga bagong kasal ay personal na lumalapit sa mga bisita. Gusto mang iwasan ni Gemma na sulyapan si Matt ay hindi niya magawa. He was always at the line of her sight. Para bang may kakayahan itong liparin ang direksyon kung saan babaling ang tingin niya. And their eyes always met. At ang bruho, kinikindatan pa siya!

Ikinaiinis niya iyon. At ang mas lalong ikinaiinis niya ay ang epekto niyon sa kanya. Sa likod ng pagkainis niya ay may nararamdaman siyang kilig. At hindi siya natutuwa sa damdaming iyon.

"Guwapo siya, 'no?" lapit sa kanya ni Jenny.

"Sino?" patay-malisyang tanong niya bagaman halos alam na niya kung sino ang tinutukoy nito.

"Si Matthew, step-son ni Uncle Raf. Tingnan mo naman, halos hantaran nang mag-flirt ang ibang girls."

Umismid siya. Hindi naman eksaherado ang tinuran ni Jenny. At iyon ay isa pang bagay na ikinaiinis niya. Kanina pa rin niya napapansing umaaligid ang mga bisitang babae. Ang iba pa nga roon ay mga nakababata nilang pinsan.

"Kung nakita mo iyan noon, hindi mo aakalaing didikitan iyan ng mga babae," pabulong na sabi niya. "Kapag nasama iyan sa marami, hindi mo na makikita. Ganoon ka-plain ang mukha niya."

Kunot-noong tumitig sa kanya si Jenny. "Don't tell me dati mo nang kakilala si Matthew?" At bigla ay nanlaki ang mga mata nito. "Oh, my God! Don't tell me, siya ang ex mo?" tila mabibilaukan pang sabi nito.

"Oo at huwag ka nang maingay diyan," mariing bulong niya dito.

Napailing-iling si Jenny. "I can't believe this. Ang liit talaga ng mundo."

"So they say," pabuntong-hiningang tugon niya.

"Forgetting the past, guwapo siya talaga ngayon, ha? Not the usual guwapo, I mean. He's so manly looking. Medyo brusko na medyo pilyo. Para bang aasar-asarin ka muna tapos bigla namang maglalambing sa iyo, ganoon ba."

Inirapan niya si Jenny. "Kiriray! Iyan ba namang tatlo na ang anak mo, nakukuha mo pang magsalita ng ganyan? Isusumbong kita sa asawa mo."

Tumawa lang ito. "Harmless ang paghanga ko, ikaw, ewan ko. Iirap-irap ka diyan, mukha namang affected ka na nasa paligid lang si Mr. Ex."

"Shut up, Jenny."

Pero tila bingi ang pinsan niya. "Tell me, ano ba ang feeling ng nandiyan lang sa tabi-tabi ang ex-boyfriend? Teka, di ba, nagtanan nga pala kayo dati?"

"Jenny, please, tama na."

"Ay, napikon ang biyuda." At inasar pa siya nito.



"ANONG pangalan mo?" kalabit sa kanya ni Greggie.

Nang balingan ni Hector ng tingin ang bata ay nakita niyang may hawak pang chicken lollipop ang kamay na ipinagkalabit nito sa kanya. Mabilis na lumipat ang tingin niya sa pantalong namantsahan. Napailing na lang siya.

"Anong pangalan mo?" tanong nito uli sa kanya.

Bumalik ang pansin niya dito. "Hindi mo na ba ako natatandaan? Nakita kita sa memorial park dati. Muntik na akong tamaan ng bola mo."

Tinitigan siya ng bata. "Oo nga, nakita na kita. Nagalit pa nga sa iyo ang mommy ko, eh."

Napangiti na lang siya."Hindi mo ba natatandaan ang pangalan ko? Tinanong mo na ako dati kung ano ang pangalan ko."

"Tor?" sabi nito makaraan ang ilang sandaling pag-iisip. "Tito Tor?"

Napatawa siya nang mahina. "Hector."

Napatango ang bata. "Oo nga. Pero sabi ni Lolo Raf kanina, Tito Matt kita. Saka tinawag ka rin noon ni Mommy ng Matt. Dalawa ba pangalan mo?"

Tumango na lang siya. "Sino ang dinalaw ninyo dati sa memorial park?"

"Daddy ko. Patay na siya, eh."

"Greggie, come here." Matigas ang tono ni Gemma na nakalapit na pala sa kanila. "Di ba sabi ko sa iyo, don't talk to strangers?"

Umunat siya ng tayo. Nakatingin sa kanya si Greggie. Nginitian niya ito.

"Kilala ko na siya, Mommy. Siya iyong nakita natin sa memorial park. Tapos, sabi ni Lolo Raf anak siya ni Lola Barbara. Di ba, hindi na siya strangers? I call him Tito."

Nasiyahan si Hector sa itinugon nito sa ina. Hinila ni Gemma ang anak. "Halika na doon. Huwag kang makipag-usap diyan."

"Bakit mo naman pinipigilan ang bata?" kaswal na sabi niya.

"Wala kang pakialam," asik nito sa kanya.

He made a throaty laugh. "Wala kaming masamang pinag-uusapan ng anak mo. Nakikipagkaibigan lang siya."

"Hindi ikaw ang gusto kong maging kaibigan ng anak ko."

Bigla siyang nagseryoso. "Bakit, masamang tao ba ako?"

Tiningnan siya nito ng deretso. "Hindi ako sigurado. Ang alam ko lang, wala kang paninindigan."

Napatiim siya ng bagang. "Gemma, we have to talk."

"Bakit pa?"

"May mga bagay na dapat kong sabihin sa iyo."

Umiling ito. "Para ano pa? Tapos na ang lahat sa atin."

"Gem, kung tapos na ang lahat sa atin, disin sana'y hindi na ganyan ang pagtrato mo sa akin. Puwedeng ipagkibit balikat na lang natin pareho ang nakaraan, hindi ba?"

Kumibot-kibot ang mga labi ni Gemma subalit walang buong salita na lumabas sa bibig nito.

"Mommy, Hector din daw ang pangalan ni Tito Matt," inosenteng sabad sa kanila ng bata.

Napahinga si Gemma. "Hindi ko alam na nadagdagan na ang pangalan mo ngayon."

"Gem, let's talk. Isa iyan sa mga bagay na ipapaliwanag ko sa iyo."

Tiningnan siya ni Gemma at hila ang anak na tinalikuran na siya nito. Napailing na lang siya.



NAGPASYA si Gemma na maglakad-lakad sa dalampasigan. Ala-una na nang madaling-araw subalit hindi pa rin niya magawang makatulog. Iniwan niya si Greggie na tulog na tulog katabi ng kanyang mama sa kabilang kuwarto. Naglambing ito na sa lola tatabi at pinagbigyan naman niya.

Ang mga bagong kasal ay nagbiyahe na patungo sa Baguio City upang doon mag-honeymoon. Nagpaiwan sila dahil nag-aaya pa si Greggie na mamasyal sila sa SBMA kinabukasan. At upang makatipid, imbes na sa hotel sa SBMA sila magpalipas ng gabi, doon na lang tutal ay wala rin namang tao doon.

Malamig ang hanging dumapyo sa balat ni Gemma subalit dahil tila inaalinsangan ang pakiramdam niya ay tamang-tama lang iyon sa kanya. Sinadya niyang maabot ng maliliit na alon ang paa niya habang binabaybay niya ang tahimik na dalampasigan. Balak niyang lakarin ang hangganan ng dalampasigan. Medyo malayo rin iyon. At kapag nakabalik na siya, tiyak na napagod na siya at madali na siyang aantukin.

Itinuon niya ang atensyon sa paglalakad. Ayaw niyang mag-isip ng kahit ano. Gusto niyang maging magaan ang takbo ng utak dahil lalo lang siyang mahihirapang magpaantok kung may papasok na iba't iba sa isip niya.

At palagay niya ay magtatagumpay naman siya. Narating na niya ang hangganan ng dalampasigan na ang iniisip lang niya ay ang pakiramdam ng bawat pagtapak ng talampakan niya sa basang buhangin. Bahagya siyang hiningal at nagdesisyon siyang mamahinga sandali sa umpok ng batuhan.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - HECTORTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon