Kabanata 5

317 32 0
                                    

Narinig ko ang malakas na huni ng mga ibon sa himpapawid. Dahan-dahan akong nagmulat ng aking mata. Humapdi ito dahil sa sinag ng araw kaya hinarang ko ang braso ko. Mabilis akong bumangon nang naalala ang huling nangyari.

Aalis na sana ako pero natigilan lamang. Muli kong binalik ang tingin sa nadaanan ng aking tingin kanina. Isa iyong batis. Pero ngayon ang batis na nakikita ko ay kumikinang sa sobrang linaw.

Matatangkad at magaganda ang dahon ng mga puno sa banda rito. Panay rin ang ikot ng puting ibon sa taas ko na tila ako ay binabantayan. Tanging banayad na pag-agos ng tubig at ang pag-ihip ng hangin lamang ang naririnig ko rito.

Parte pa rin ng kakahuyan pero parang nasa malayong banda na ng aming bahay. Si Apollo at si Claudia. Ang dalawa kong kapatid!

Nagsimula na akong maglakad para makaalis pero bigla ulit akong napatigil. Dumapo ang ibon sa sanga na nasa aking harapan na parang pinipigilan akong makaalis. Napatingin ako sa gilid nang napansin ang mabilis na kilos ng kung sino.

Sa isang iglap ay nakaupo na ang isang lalaki sa ugat ng puno tsaka sumandal. Itinukod niya ang kanyang siko sa gilid at hinawakan ang kanyang baba.

Ngayon ko nakita ng maayos ang itsura niya. Mahihiya ang mga artista na nagpapaturok pa at nagbabayad ng mahal para maging sobrang puti sa kutis ng lalaking kaharap ko ngayon. Ang labi niya ay kasing pula ng cherry at ang kanyang mata, itim na hindi kagaya ng nakita ko kagabi.

Maayos ang bagsak at medyo kulot niyang buhok. Ang kanyang suot na itim ay bumagay sa kanyang kutis. Para siyang isang prinsipe na mula pa noong medieval period. Ang kapa na suot ay sumasadsad sa lupa.

"A-anong ginagawa ko rito?" panimula ko.

"Iyan din ang dapat kong tanong." sambit niya pabalik na nagpabigla sa akin.

Sino ba ang lalaking ito? Sobrang kakaiba. Isa ba siyang prinsipe? Hindi. Masyado na naman akong nadadala ng mga nababasa ko. Walang ganoon, Stella. Ang mga prinsipe ay nasa ibang bansa.

"Kailangan kong makauwi sa amin. Naghihintay si ama at ina."

Ilang sandali niya akong tinitigan. Lakas loob ko siyang tinitigan pabalik. Hindi nga lang maiwasang mapatingin sa mga labi niya. Kahit medyo may distansya ay kapansin pansin iyon sa sobrang pula. Nakakain ba siya ng lipstick?

"Hindi ka pwedeng umalis. Mananatili ka rito sa aming kakahuyan."

Kumunot ang noo ko, "Anong hindi pwede? Aalis ako rito dahil nanganganib ngayon ang mga kapatid ko at magulang. Hindi ikaw ang makakapigil sa akin."

"Ito ang ayaw ko sa mga tao." pairap siyang nag-iwas ng tingin.

Sa isang kisap-mata ay natagpuan ko na lang ang sarili kong nakatali sa isang puno. Nanlaki ang mata ko at pilit na inaalis ang tali pero masyadong mahigpit. Wala siyang ginawa kanina pero nakaganito na ako ngayon?

Lumunok ako at tinitigan ang itim niyang mata. Maniniwala na ba akong totoo ang nababasa ko sa aklat? Sapat na ba ang lalaking ito para maniwalang nabubuhay sila gaya namin sa mundo?

"Bakit ba hindi ka na lang maging mabait at sundin ang sasabihin ko?"

"Bakit kita susundin? Hindi kita kilala." sumbat ko pabalik.

"Mas mabuti pang sundin mo ako. Kung hindi mo kayang maging mabait, mas lalo ako. Baka mapatay kita."

Kinagat ko ang labi ko at hindi na nagsalita. Huminga siya ng malalim at mas sumandal pa sa puno. Pumikit siya kapagkuwan ay muling dumilat. Sinalubong niya ang aking tingin ngayon. May kung ano sa itim niyang mga mata. Alam ko ang peke sa totoo.

Shadows of Darkness (Mortal Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon