Espesyal na kabanata

384 37 2
                                    

Tumingala ako habang inaayos ang suot na salamin. Agad na bumukas ang pinto at pumasok ang aking ikalawang anak na si Hugo. Agaran ang pagngiti ko.

"Anak, nandito ka." tumayo ako para masalubong siya ng yakap.

Ngumiti siya ng tipid pagkahiwalay namin. "Nais ko kayong bisitahin ni ina. Matagal na rin mula noong huli kong punta rito."

"Sinabi ko naman kasi sa'yo na umuwi na rito sa palasyo. Hindi ka naman namin pagbabawalan sa mga gusto mo. Kung gusto mong magbasa, may malawak tayong silid-aklatan. Kung gusto mong mag-aral, nariyan ang unibersidad. Hindi na rin problema ang pagkain at kung ano pang kailangan mo, Hugo."

Ngumisi lang siya. "Ama, maayos ako sa bundok. Huwag na kayong mag-alala."

Bumuntong hininga ako at umiling. Paanong hindi mag-aalala? Parehong nasa mundo ng mga tao ang dalawa kong anak na lalaki?

"Hindi ko iyon maiiwasan, Hugo."

Bumalik ako sa pagkakaupo. Doon naman siya naupo sa bakanteng upuan sa aking harap. Agad kong napansin ang pag-ikot ng kanyang tingin sa buong silid na tila may hinahanap.

"Hinahanap mo ba ang iyong ina?" pagtatanong ko.

Umiling siya. "Naghahanap ako ng ginto."

Nagtaas ako ng kilay sa sinabi niya.

"May gusto akong bilhin, ama. Pero wala akong pera."

"Ano naman ang bibilhin mo?"

"Cellphone." aniya.

"Cellphone?" pag-uulit ko at nagkunot-noo. "Anong gagawin mo sa ganoong bagay?"

Nagkibit siya ng balikat. "Ginagamit iyon ng mga tao kung gusto nila ng may kausap."

"Sinong mortal 'yan?"

Natigilan siya at napatitig sa akin. Nagsukatan kaming dalawa ng titig bago ako nag-iwas ng tingin. Hindi ako mananalo sa kanya pagdating sa ganitong bagay.

"Sinong mortal ang kakausapin mo?" klaro ko.

Hindi siya sumagot na parang walang narinig na tanong sa akin. Mas lalo akong naguluhan sa inasal niya. Hindi siya bibili ng cellphone kung kami lang din naman ang gusto niyang kausapin.

Tumayo ako kaya nabalik ang kanyang tingin sa akin. Nitong huli niyang bisita sa palasyo, palangiti pa siya. Pero ngayon, sobrang seryoso na.

"Sumunod ka sa akin." sinenyasan ko siya tsaka ako naglakad palabas ng silid.

Sumunod nga siya sa likod ko. Dumiretso kaming dalawa sa labas ng palasyo kung nasaan ngayon ang kanyang ina. Agad akong hinarangan ni Tala kaya napatigil kami sa paglalakad.

"Saan kayo pupunta, ama?" tanong niya na agad nabura nang nakita niya ang nasa likod ko. "Hugo!"

Narinig kami ni Stella kaya napatingin siya sa gawi namin. Nagliwanag ang kanyang mukha at agad tumayo para lapitan kami. Iniharang ko ang katawan ko kay Hugo.

"Hugo!" tawag ni Stella. "Hindi ka nagsabi na pupunta ka pala."

Bago pa siya makalapit kay Hugo ay hinawakan ko ang kanyang balikat at pinaharap siya sa akin. Pinatakan ko ng mababaw na halik ang kanyang labi. Halos marinig ko ang pag-ismid ni Tala na siyang ikinangisi ko. Humiwalay ako kay Stella at binitawan na siya.

"Kahit kailan talaga, ama." sita ni Tala sa matabang na boses.

Inabot ko siya para mahalikan sa gilid ng kanyang noo. Kinakausap na ngayon ni Stella si Hugo.

"Cellphone? Bakit kailangan mo pang maghanap ng ginto para mabili ang ganoong bagay?" natawa si Stella pero nanatiling seryoso ang aming anak.

"Kailangan ko ng ganoon sa lalong madaling panahon, ina." saad ni Hugo.

Shadows of Darkness (Mortal Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon