Simula

1.1K 60 0
                                    


Tumatakbo sa gitna ng kagubatan. Walang alam kung saan ang patutunguhan. Kinakapos sa hininga at nanghihina na ang sarili pero walang balak na tumigil.

Nasaan si ina at si ama? Bakit mag-isa lang ako rito? Anong ginawa ko? Nasaan ako? Iyon ang tanong na tumatakbo sa aking isipan habang mag-isa ako sa kagubatang madilim.

Madilim na sa lugar dahil natatabunan ang sinag ng buwan ng mga nagtatayugang puno at mga dahon nito. Ang katahimikan ng lugar ay sadyang nakakapangilabot.

Nakakatakot. Pakiramdam ko ay umangat ang puso ko at napunta sa aking lalamunan. Anong klaseng nilalang ang mga 'yon? Hindi namin sila katulad.

Napatigil ako sa pagtakbo nang naramdaman ang mahapding sugat sa aking kaliwang paa. Tiningnan ko iyon at napansin ang pumapatak na dugo galing sa aking tuhod. Umupo ako at pinunasahan ang mga patak ng dugo.

Nanginginig ang aking kamay. Tumutulo na rin ang pawis mula sa aking noo pero wala roon ang atensyon ko. Nais ko nang makaalis sa lugar na ito at hintayin ang pagsikat ng araw.

Isang anino ang biglang lumitaw sa harapan ang nagpatigil sa akin. Umawang ang labi ko at agad na nanghina at napaupo sa lupa. Ang lalaking ito. Siya ang nakita ko sa aking panaginip!

"Isang kaawa-awang mortal na naman ang napadpad sa kakahuyang ito. Anong pangalan mo, binibini?" mababa at pirmi ang kanyang boses.

Namamangha man, hindi ko pa rin maalis sa sarili ko ang takot lalo na at nakita ko mula sa sinag ng buwan ang kanyang mukha.

"S-sino ka?!" nagawa kong maitanong iyon sa kabila ng panginginig ko.

Umatras ako habang nakaupo. Siya naman ay mas lumapit pa. Matangkad siya at kulay itim ang suot. May suot na singsing sa bandang kanang kamay at sobrang puti niya.

Anong klaseng nilalang siya? Anong... nangyayari sa akin?

"Hindi mo ba alam na pinagbabawal ang pagpasok sa aming kakahuyan? Ang sino mang lumabag ay dapat patawan ng mabigat na parusa. Kahit isang immortal, at mas lalo naman kung hindi."

"A-anong sinasabi mo? Kailangan kong bumalik sa aming bahay. Naghihintay ang aking mga magulang."

Umiling iling siya, "Binibini, nais mo bang malaman kung ano ang kabayarang naaayon sa isang kagaya mo?"

Lumunok ako nang mas lumapit pa siya, "Ano?"

Mas lumapit pa siya. Hindi na ako makaatras at nanatili na lang na nakaupo. Hindi ko maigalaw ang aking katawan at pakiramdam ko ay may ginawa siya sa akin dahil hindi ko na makontrol ang sarili ko.

Kahit gusto kong sumigaw ay hindi ko magawa. Pinantay niya ang kanyang mukha sa akin. Natigilan ako pagkakita sa mga mata niyang kakaiba ang kulay.

Para akong hinihigop sa kawalan. May kakaiba sa mga mata niya. Isa ba iyong uri ng hipnotismo? Nanghina ang aking katawan at bago pa ako bumagsak ay narinig ko pa ang huling sinabi niya.

"Kamatayan."

"NOONG unang panahon, bali-balita sa malayong bayan ang isang pamilya ng bampira. Ang bampira ay mga nilalang na nabubuhay sa dugo ng tao. Kasing puti ng gatas ang kanilang kutis at kasing pula ng mansanas ang kanilang mga mata. Hindi lumalabas sa umaga na tila takot sa sinag ng araw pero buhay sa pagkagat ng dilim. Umiinom ng dugo ng tao at hayop. Kilala sila sa pagsipsip ng dugo sa leeg upang inumin ito. Mahahaba at matatalim ang kanilang pangil na ginagamit upang pumatay. At hindi rin tumatanda kahit ilang taon na ang lumipas-" isinara ko ang binabasang aklat tungkol sa mga bampira pagkarinig ng tinig ni ina.

Agad akong bumaba para kumain. Nasa hapag na si ama at ang aking dalawang kapatid. Umupo ako sa tabi ni ama at agad na kumain.

"Nagbabasa ka na naman ba ng tungkol sa mga bampira?" bulong na tanong ni Claudia, ang aking nakababatang kapatid.

Ang boses niya ay mahinhin na nakakakiliti.

Nilagay ko ang aking hintuturo sa labi ko at bumulong pabalik, "Sshh,"

Bigo niya akong inilingan, "Ate, kathang isip lamang sila. Hindi napatunayan dati na totoo ang mga ganoong uri kaya tigilan mo na ang pagbabasa ng walang kabuluhang kwento na 'yan."

"Ngunit may nabasa ako noong nakaraan na tungkol sa kanila. At sabi roon may ibang bampira raw na naninirahan sa mga kakahuyan, Claudia."

"Hindi bampira ang tawag sa mga namumuhay sa kakahuyan." ani ni mama na nakikinig pala.

Agad akong umayos ng upo at pinagpatuloy na lang ang pagkain. Tiningnan niya ako pagkatapos niyang ilapag ang pritong isda sa aming hapag.

"Hindi ba sinabihan na kitang itigil ang mga ganyang bagay? Ano ba ang mapapala mo sa pagbasa ng ganyang kwento, anak?" marahang tanong ng aking ina.

Naibaba ko ang kutsara at napatingin sa kanilang lahat. Umupo na si ina sa harapan ko habang naghihintay ng sagot, ganoon din si ama at ang dalawa kong kapatid.

Sa huli ay yumuko na lamang ako, "Wala po, ina."

Pag-angat ko ng tingin ay bumuntong hininga si ama, "Magandang gawain ang pagbabasa. Nakakatulong ito para mas lumawak ang ating kaalaman sa ibang bagay. Ngunit, anak, ang labis na pagkalap ng kaalaman ay nakakasira rin sa ating sarili. Huwag mong isipin na totoo ang mga binabasa mo. Huwag mong hayaan ang sarili mong makulong sa mundong gawa lang mula sa isip ng ibang tao. Ang tunay na mundo ay nasa labas at wala sa loob ng libro."

"Alam ko naman po iyon, ama." ngumuso ako at hindi na lang umalma.

Hindi nila alam kung gaano kaganda ang pagbabasa. Pero tama si ama, iba ang mundong kinagagalawan ko. Mas marahas ang totoong mundo kumpara sa mundong nasa aking imahinasyon.

"Hindi mo na nga yata alam kung ano ang totoo sa hindi." sambit ni Apollo, ang isa ko pang kapatid.

"Alam ko kaya-"

"Isang araw nakita kita sa kakahuyan. Hinihintay mo ang pagdilim dahil nabasa mo sa isang aklat na kapag gabi ay lumalabas ang mga lobo sa gubat."

"Apollo!" agap ko pero nasabi na niya ang lahat.

Bigo akong inilingan ng aking ina. Matalim kong binalingan ang aking kapatid pero nagpatuloy lang ito sa pagkain ng kanin.

"Tigilan mo na ang pagbabasa ng ganyan, Stella. Ako na mismo ang magbabalik ng mga hiniram mong libro kay Noella."

Bigo ako sa naging usapan namin. At dahil doon ay nagkulong lang ako sa aking silid buong maghapon. Hindi ko sila sinamahan sa hapag-kainan pagsapit ng gabi.

Naiiyak ako. Hindi ko na mababasa pang muli ang mga pinahiram sa akin ng kaibigan ko.

Sinubukan ko lang naman kung totoo bang may mga lobo sa kakahuyan pero sakto namang sinundan ako ng aking kapatid. Hindi ko na tuloy mababasa pa ang mga iyon kahit kailan dahil sa kagagawan niya.

Napatigil ako sa pagpunas ng luha nang may naisip na gawin. Mabilis kong hinanap ang isang libro na nasa paanan ng aking kama. Tinatago ko ito para hindi nila makita. Ito ang hinding hindi ko isusuko sa lahat.

Hindi ko pa ito tapos basahin at hindi ako papayag na mawawala na sa akin ito. Dala ang aklat ay lumundag ako palabas ng bintana at tumakbo tungo sa aming bakuran.

Maliit lamang ang aming bahay. Maliit lang din ang espasyo ng mga kwarto kaya makikita at makikita ni ina ang mga libro ko kahit saan ko pa itago. Pero ngayon, hindi niya ito mahahanap.

Nagbungkal ako ng lupa hanggang sa sapat na para magkasya ang aklat. Binalot ko ito ng punda ng unan ko tsaka nilagay na sa lupa. Pagkatapos kong tabunan ay mabilis akong bumalik sa aking kwarto.

Sakto namang pumasok si ina para kunin na ang mga libro at ibalik kay Noella. Hinayaan ko siyang kunin ang mga iyon. Panatag ang ekspresyon ni ina pagkalabas niya ng aking kwarto. Ngumiti ako at nagtalukbong ng kumot. May isa pa akong aklat na babasahin. Kukunin ko iyon kapag gumabi para walang makahalata.

Dumilat ako at muling naalala ang binasa kanina. Nakakapanindig balahibo ang kanilang katangian kahit binabasa ko pa lang. Paano na kaya kapag tuluyan kong nakaharap maski isa sa kanila? Ang mga malalakas na nilalang na iyon. Mga bampira.

Shadows of Darkness (Mortal Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon