Kabanata 10

314 25 0
                                    

Pagsapit ng umaga ay nakatanaw lang ako sa malayong mga bundok sa ibabang bahagi ng kastilyo. Naiisip ko na kung gaano kalawak ang kanilang lugar. Mga kakahuyan na natatabunan ng yelo ang makikita sa gilid at hanggang likod ng kastilyo.

Kasalukuyan ding umuulan ngayon ng nyebe. Ang ganitong palasyo at lugar ay napapanood ko lang dati sa mga palabas. Nakatayo ang kastilyo sa itaas na bahagi ng bundok kaya may mahabang tulay sa harapan na gawa sa pinagpatong patong na bloke, sa dulo no'n ay hagdan pababa sa kung saan.

"Nandito ka lang pala." boses ni Luan na nasa aking likuran.

Tumabi siya sa akin pero may dalawang hakbang na espasyo. Ramdam kong bumaling siya sa akin kaya nanatili ang tingin ko sa mga bundok at sa nalalaglag na nyebe.

"Kailan mo ako papatayin?"

"Iyan na lang ang palagi mong tanong." may bahid ng inis ang tono niya.

Hinarap ko siya, "Ano ba ang ibang dahilan para dalhin mo ako rito? Hindi ba bihag mo pa rin ako?"

"Hindi kita bihag." tumaas ng bahagya ang boses niya kaya napalunok ako.

"Ano ba talaga ang balak mo?"

Hindi niya ako sinagot. Kung wala naman siyang balak na gawin sa akin bakit hindi niya na lang ako hayaang makabalik sa amin? Nag-aalala na ako sa kanila at lalo na kay Apollo.

"Sasabihin ko rin pagdating ng panahon. Sa ngayon manatili ka muna rito."

Pumikit ako ng marahan. Gusto ko nang umalis pero hindi ko naman alam kung nasaang lugar ako ngayon.

"Huwag kang magbalak na tumakas. Hinding hindi ka makakawala sa lugar na ito."

Ang takot ko ay nagiging malala sa bawat oras na lumipas. Wala akong ibang ginawa kundi pagmasdan lang ang tanawin ng bundok. Pinapanood ko rin ang mga masasayang ibon na lumilipad kung saan.

Umalis si Luan dahil tinawag siya ng kanyang ina. Gusto ko tuloy matulog dahil nababagot na ako pero hindi ko magawa. Masyadong marami ang gumugulo sa aking isipan.

Bumukas ang pintuan ng silid. Akala ko si Luan iyon pero si Lili ang pumasok.

"Binibini, pinapatawag kayo ng kamahalan."

Walang alam ay sumunod na lamang ako kay Lili. Mukha naman siyang mabait kapag ganito lang ang itsura niya. Alam kong nagtatago rin siya ng kanyang pangil.

Pagpasok sa silid na pinasukan din namin kahapon ay naroon na silang lahat at naghihintay. May dalawang babae na bago akong nakita. Misteryoso ang mata ng isa samantalang ang isa naman ay nakangiti sa akin.

"Kumain ka na, Stella." ani ng reyna na nasa harap ng mahabang mesa.

Nakasindi ang lahat ng kandila na nasa gitna. Napalunok ako nang nakita ang babasaging baso na hawak nila. Naroon ang pulang likido. Pinanood ko ang pag-inom ni Damian doon.

Ibang klase. Nakakapanindig balahibo. Hindi ko maisip ang sarili kong umiinom ng dugo.

"Hindi ito dugo ng tao. Sariwang dugo ng hayop ang iniinom namin kaya huwag kang mag-alala." sambit ng reyna na nakita yata ang takot sa mga mata ko.

Hindi nga dugo ng tao pero dugo pa rin iyon kaya bakit ako hindi mag-aalala? Mamaya baka pagpiyestahan nila ako habang natutulog.

Sabay silang uminom sa kani-kanilang baso. Nag-iwas ako ng tingin at umupo na lang sa kabilang dulo. Mabuti na lamang din at may sariwang prutas sa tabi ng mga kandila.

Tiningnan ko iyon. Malayo ito sa akin dahil sa haba ng lamesa. Kung gusto kong kunin kailangan ko munang lumapit sa gawi nila. Hindi ko naman sila pwedeng utusan na ilapit iyon sa akin.

Shadows of Darkness (Mortal Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon