Kabanata 23

213 29 1
                                    

Dahil nabawasan ng bantay ang palasyo, mas lalong sinigurado ng hari na ligtas ang kanyang mga kapatid at si inang reyna. Naisipan nilang umupa ng mga bampira na marunong makipaglaban pansamantala.

Sa ngayon maayos na ang palasyo. Pero hindi pa rin maalis sa isipan ko ang mga mata ni Helios noong isang araw.

Nagising ako sa labis na sakit ng tiyan. Malalim na ang gabi at kandila na lang ang tanging ilaw ko sa silid. Wala naman ngayon si Luan dahil sinabi ko sa kanya na huwag pumasok.

Bumangon ako at sapo ang tiyan na tumayo para uminom ng tubig. Nangangapa pa ako sa dilim. Gusto kong magsindi ng kandila pero hindi ko naman alam kung paano sindihan iyon. Isa pa, kukuha lang ako ng tubig na nasa gilid kaya hindi na ako nag-abala pa.

Maingay ang palasyo. At tingin ko ay nasa silid ng hari si Luan para pag-usapan ang mga problema na kinakaharap nila ngayon.

Nagsalin ako ng tubig sa kulay pilak nilang babasaging baso. Hindi ko alam kung totoo ba 'to o hindi. Umiinom ako nang biglang napatigil. May mabilis na nakaitim ang dumaan sa gilid ng aking terasa.

May kurtina na nakabahagi roon pero dahil manipis ito nakikita ko pa rin kahit hindi malinaw ang tanawin sa labas. Ilang minuto kong tinitigan ang madilim na banda. Habang hinihintay na may magpakita roon ay dahan dahan akong umatras papalapit sa pintuan ng silid.

Sanay na akong nakakakita ng bampira ngunit natatakot pa rin ako kapag nagtatago. Bakit magtatago?

Nanlaki ang aking mata at agad na nakompirma na may kung sino nga sa terasa nang naaninag ko ang nakaitim na nagtatago sa may halamanan.

"Sino ka?" lakas loob kong tinanong habang umaatras pa rin.

Hindi ito gumalaw. Hinintay kong pumasok siya sa silid pero nanatili lang siya sa bandang madilim. Lumunok ako at humakbang palapit sa terasa ngunit natigil iyon nang biglang umingay ang buong palasyo. May sigaw na malakas mula sa kung saan.

Hindi na ako naghintay ng ilang minuto, mabilis akong lumabas ng silid at halos mabigla ako sa nakita. Ang mga taga silbi ng palasyo ay aligaga at tumatakbo papunta sa silid ng reyna.

"Anong nangyayari?" hinawakan ko ang braso ni Lydia para mapaharap siya.

"Patawad, binibini, kasalukuyang nanganganak ang mahal na reyna." aniya at mabilis na tumakbo dala dala ang puting tela at tubig.

Mabilis akong naglakad papunta sa silid ngayon ng kamahalan. Kailangan nila ako roon at hindi pwedeng matulog lang ako habang nanganganak si Helena.

Pagliko sa pasilyo ay napatigil ako sa paglalakad. Dalawang bantay ang agad na humarang sa akin. Nakayuko sila at natatabunan ang ilong at labi kaya mata lang nila ang nakikita. Nakasuot ng purong itim na damit ng isang bantay ng palasyo.

Hindi sila pamilyar sa akin pero agad kong naalala na umupa nga pala ang hari ng mga bagong bantay pansamantala. Baka kasama sila sa mga inupahan.

"Dalhin niyo ako sa mahal na reyna." utos ko.

Nagkatinginan silang dalawa. Kumunot ang noo ko nang tumango ang isa at tumingin sa akin. Isang tango ang binigay niya at agad na nagbigay daan para mauna ako sa paglalakad.

Nilagpasan ko sila sa paglalakad. Habang papalapit kami kung saan ang silid ng hari ay pinapakiramdaman ko ang dalawa sa aking likuran. Natural na tahimik ang mga bantay kapag ganito pero ang katahimikan ng dalawa ay sadyang nakakapagtaka.

Bukod pa roon ay malakas din ang kanilang presensiya. Binilisan ko ang lakad. Wala nang mga babaeng tagasilbi na naglalakad marahil dahil nasa silid na silang lahat ng kamahalan.

Shadows of Darkness (Mortal Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon