Entry 19

647 16 3
                                    

Entry 19

December 23, 2013

Dear Diary,

Malapit na pala ano. Isang araw na lang. Ngayon ko lang naalala.

Paano ba namang maaalala ko Diary, napakasaya ng mga nagdaang araw. At wala pang hihigit sa saya ko sa nangyari kanina.

Niyaya na akong magpakasal ni Zac, Diary.

Hindi ko alam ang mararamdaman ko nang sabihin niya ang mga katagang, "Will you marry me?" Sa mga oras na iyon, tumulo na lang kusa ang luha ko pero sobrang saya ng nararamdaman ko. Kusa na lang na niyakap ko si Zac tapos kusa ring nagsalita ang mga bibig ko ng, "Oo. Oo, pakakasalan kita"

Marahil ay natuto na ako sa nauna. Nasa harapan ko na ang mahal ko, pakakawalan ko pa ba? Bakit pa ako magpapaliguy-ligoy kung alam ko na kapag hindi ko siya sinagot, ay matutulad rin siya sa nangyari sa amin ni Davis? Tama nga si Davis. Mas masaya ang pakiramdam na mamamatay kang may minamahal at may nagmamahal sa iyo. Naisip ko, kung sinagot ko rin ba si Davis ay magiging ganito rin kami kasaya tulad ni Zac?

Sa sobrang saya ko ay hindi ko alintana na isang araw na lang pala ako mananatili sa ospital na ito. At isang araw ko na lang rin siya makikita. Na marami pang preparasyon na kailangan gawin sa kasal.

Pero sinagot niya ang mga iyon. Inamin niya sa akin na hiningi na niya daw ang kamay ng mga magulang ko matapos ko sabihin na mahal ko siya. Alam na rin pala ng iba na mangyayari na sasagutin ko siya sa kasal na ito. Nakapaghanda na raw ang lahat. Bukas na bukas rin ay ikakasal kami.

Ngayon ay nasagot na ang mga tanong ko. Kung bakit matapos na sabihin ko kay Zac na mahal ko siya ay hindi siya nagpakita. Ang madalas na pagbisita ng iba sa akin nang mga panahong iyon. At ang mga ikinikilos nila. Alam na pala nila na mangyayari ito at naghahanda lang sila para sa gaganaping kasal namin.

Ito na ata ang pinakamasayang sorpresa na natanggap ko. Tagong-tago at napakasaya. Parang isang regalo na balot na balot pero napakaganda ng laman.

Sinabi pa ni Zac na napakahirap daw kumbinsihin ng mga magulang ko tungkol sa gaganaping kasal kaya hiningi niya pa daw ang tulong ng iba bago daw makumbinsi ang mga ito. Tsaka pinatunayan niya pang mahal na mahal niya ako at gagawin ang lahat para sa akin. May pag-aalinlangan pa nga ang mga magulang ko kung mahal ko ba daw si Zac para magpakasal kami. Kaya sinabi naman daw ni Zac na umamin na ako sa kanyang mahal ko siya at patutunayan na mapapapayag ako na magpakasal sa kanya.

Kung hindi pala ako pumayag na magpakasal, mapapahiya siya sa mga magulang ko. Pero napakalaki rin ng tiwala sa akin ni Zac. Alam niyang sasagutin ko siya kaya ginagawa niya ang lahat ng ito. Alam na alam niya ang nararamdaman ko. Mahal na mahal nga talaga niya ako.

Excited na excited na ako sa mangyayari bukas. Di na ako makapaghintay. Ang naudlot na kasal dapat namin ni Davis ay napuna ni Zac. Sana rin ay naging masaya si Davis sa kasal niya. Siguro ay ganito rin ang pakiramdam niya bago siya ikasal.

Hindi nga ako makatulog. Iniisip ko na ang susuotin ko bukas, mga bisitang darating para sa amin, ang seremonya, handa at iba pa.

Napakasaya ko. Hindi lang pala ako. Alam kong masaya rin si Zac sa mangyayari kinabukasan.

Sa wakas ay haharap na ako sa Diyos kasama ang lalaking pinakamamahal ko. Ang itinadhana niya para sa akin.

Di ko mapigilang magpasalamat sa kanya. Oo nga, kukuhanin na niya ang buhay ko at magiging malungkot ang lahat sa pagkawala ko pero pinasaya niya ako nang sobra-sobra. Sa tingin ko pa nga ay pantay lang ang ginawa niya para sa akin. O kaya mas sobra-sobra niya pa akong pinasaya bago ako mamatay. Iba talaga ang nagagawa niya. Itinadhana niya itong lahat para sa akin.

Diary, hindi na ata ako makakapagsulat sa iyo bukas dahil magiging abala ata kami sa aking kasal pero pipilitin kong makapagsulat sa iyo bago ako mawala.

Hindi pa naman ito ang huli kong pamamaalam. Huwag kang mag-alala.

- Miracle

60 Days and 12 Hours (Miracle's Diary)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon