WG Jamaica - Part 1

1.6K 28 1
                                    

"PACK UP na tayo. Kilos na, bilis!" Iritadong-iritado si Mica. Hindi na niya hinintay ang staff niya at nauna na siyang lumabas sa reception hall sukbit ang kanyang digital SLR camera. Iritado rin ang pagbuntong-hiningang ginawa niya. Sa kauna-unahang pagkakataon sa trabaho niyang iyon ay naimbyerna siya. Halos magmartsa siya sa kanyang mga hakbang na para bang pugad ng mga satanista ang tinatakasan niya. "Shit! Ano ba?" angil niya nang mabunggo niya ang paparating na lalaki. Pakiramdam niya ay isang pader ang nabangga niya. Mabangong pader dahil mabilis na nanuot sa pang-amoy niya ang samyo ng Hugo Boss.

"Huwag kang mataray, miss. Ikaw na nga itong nakabunggo sa akin," sagot ng lalaki, tila galit.

Dahil nakahinto ito ay hindi rin siya basta-basta makakahakbang. Sandaling nagsukatan sila ng tingin. At napatiim siya ng bagang.

"So, ako pala ang may kasalanan?" mataray na tanong niya.

"Obviously," matabang na tugon nito.

"Then sorry!" tila mas tumaray pa ang tono niya. Hinagod niya ito ng tingin saka matalim na umirap bago nagpasyang ituloy ang paglakad.

"Sandali, miss," habol na tawag nito.

Huminto siya at nilingon ito. Naghintay siya ng sasabihin nito pero ang nakita niyang ginawa nito ay ang paghagod din nito ng tingin sa kanya.

"Aba't..."

"Ganti-ganti lang, miss." Ngumiti ito ng nakakaloko. "Hindi kasi ako sanay na sinusukat ako ng tingin. Gusto ko lang ding malaman kung ano ang meron sa iyo para tingnan mo ako mula ulo hanggang paa."

Napabuga siya ng hangin sa ilong. At bago pa apoy ang lumabas sa ilong niya kung uulitin niya ang ganoong kilos ay tumalikod na siya. Pero hindi niya ginawa iyon hangga't hindi niya nabibitawan ang salitang kanina pa niya gustong sabihin.

"Arogante!" gigil na wika niya.

At huling-huli niyang lalong lumapaad ang ngiti ang lalaki. "Suplada," anito sa waring amused na boses.

"Buwisit!" bulalas ni Mica nang mabuksan na niya ang pick-up. Kundi lang niya inaalala ang presyo ng camera ay iitsa na niya iyon sa dashboard para pagbuntunan ng inis. At dahil nga mahal iyon, sa halip ay maingat niya iyong kinalas bago inilagay sa itim na bag. Pagkatapos ay isang paghinga nang malalim ang ginawa niya. "Buwisit! Buwisit talaga!" At idinaan niya sa pagbayo ng manibela ng sasakyan ang pagwawala niya.

Wala siyang PMS. Pero pakiramdam niya, ang kliyente niya ng araw na iyon ay araw-araw na may PMS. Buhat nang makilala niya iyon hanggang sa ngayon na nag-cover siya sa kasal nito ay parang may apoy sa talampakan ang babae sa labis na kasungitan. At ngayon lang din niya napagtanto kung bakit pinatos pa niya iyon gayong mula't mula pa ay mahirap nang kausap.

Napailing na lang siya. Siguro ay dahil bakante naman ang schedule niya sa petsa ng kasal nito kaya ganoon, matabang na paliwanag niya sa kanyang sarili.

Isang pagbuntong-hininga pa ang ginawa niya at sinabi sa sariling tama na iyon. Nailabas na niya ang tensyon na nagpapairita sa kanya kanina.

Luminga siya sa bahagi ng Fernwood Gardens kung saan inaasahan niyang lalabas ang kanyang mga tauhan. Pero sa halip na ang mga iyon ang makita niya ay ang lalaking nakabangga niya ang lumalabas doon. Sa wari ay patungo sa parking area.

Hindi sinasadya ay napabuntong-hininga na naman siya. Ipinaling niya ang leeg sa ibang direksyon. Ayaw niyang mapansin siya ng lalaki at lalong ayaw niyang isipin nito na tinitingnan niya ito.

Pero sinong lolokohin niya? Sa pamamagitan ng sideview mirror ay nakikita pa rin niya ang lalaki. Tila ang katabing silver Ford Lynx ng kanyang pick-up ang sadya nito.

Lihim siyang napangiti. Naalala niya ang sandaling paghagod niya dito ng tingin kanina. Guwapong lalaki. Hindi niya kayang mag-describe ng isang nilalang na kagaya ng mga manunulat. Wala siyang balak na gumamit ng metapora gayong kaya naman niyang sabihin sa isang salita ang kanyang obserbasyon. Guwapo. Period. Matangkad din. Period uli.

Pinagmasdan pa niya ang papalapit na lalaki. Inulit niya sa isip ang kanyang obserbasyon. At mientras nakatingin siya dito ay nadadagdagan ang kanyang naoobserbahan. Guwapo, matangkad, mahusay magdala ng damit. Matikas ang tindig, siyempre pa.

At mabango pa, naisip din niya.

Narinig niya ang mahinang tunog ng kotse na awtomatikong ini-unlock. Nasa puwitan na ng Ford Lynx ang lalaki. Nilalaro-laro na rin ng daliri nito ang hawak na susi.

Yumuko siya at nagkunwaring abala sa kung anuman ang meron sa manibela. Pero wala pang limang segundo ay nag-angat din siya ng paningin. Bakit ba siya magtatago sa lalaking arogante? Maano naman kung magtagpo na naman ang kanilang landas?

Umayos siya ng upo sa kanyang pick-up. Umakto siyang kaswal bagaman hindi niya maintindihan ang srili kung bakit tila hindi siya mapakali. Sa sulok ng kanyang mata, nang ibubukas na ng lalaki ang kotse ay napatingin ito sa gawi niya.

"Hey, miss! It's you again," malapad ang ngiting sabi nito sa kanya.

Kunwa ay blangko ang tinging bumaling siya dito. Kunwa ay napakunot-noo pa siya na tila inaalala kung saan ito unang nakita.

"Wala pang ten minutes, miss. Nakalimutan mo na ba ako agad?"

Kulang na lang ay mapanganga siya. Pahiya siya! Umikom ang kanyang mga labi. At inirapan ito. Pero gusto rin niyang dagukan ang kanyang sarili. Bakit ba kasi umarte-arte pa siya nang ganoon. Pero hindi siya papayag na basta nma lang mapahiya.

"Iyang klase ng pagmumukha mo, hindi na dapat tinatandaan!" asik niya.

Lumigid sa kotse ang lalaki at lumapit sa kanya. "Suplada ka ngang talaga, miss. Makikipagkilala pa naman sana ako sa iyo."

"Huwag ka nang mag-aksaya ng panahon. Hindi ako interesado," may kasama pang pag-tikwas ng sulok ng bibig na sabi niya.

"Ako si Christian," pakilala pa rin nito sa sarili. "Christian Roa."

"Christian? Di ka naman mukhang Christian," pabulong na sabi niya. Pero wala siyang pakialam kung marinig man nito iyon. May aftershock pa rin siya ng pagkapahiya niya kanina. She sighed again. "Mica," napipilitang sabi niya.

"Nice to meet you, Mica. Puwedeng magtanong na rin? Saan ba ko liliko paputa kasi ako ng Montalban? Nalilito kasi ako sa mga likuan sa mga kalye dito sa metro."

"Ayun, eh!" nanlaki ang mata niya. "Magtatanong ka lang pala ng direksyon kaya ka nakipagkilala. "Hindi ko alam ang papuntang Montalban. Taga-Muntinlupa ako."

"Muntinlupa?" anitong tila hindi ininda ang pambabara niya. "Saan doon? May ninang ako doon."

Umingos siya. "Hindi ko ibinibigay ang address ko sa estranghero." Natanawan niya ang kanyang staff na paparating na rin sa wakas.

"Nagkakilala na tayo. Taga-saan ka doon?" kulit nito.

"Stranger ka pa rin. Ayun ang guwardiya, doon ka magtanong ng direksyon," taboy niya dito. At wala nang nagawa ang lalaki dahil binuhay na niya ang makina at iniatras ang pick-up. "Ang tagal ninyo," sita niya sa mga tauhan nang hintuan ang mga ito.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon