WG Jamaica - Part 2

699 18 0
                                    

"HAY, NAKU, Jenna! Siya na ang pinakamahirap ispelenging kliyente sa lahat," himutok ni Mica sa wedding planner nang magkaharap sila nito. Nagpunta siya sa wedding shop nito upang i-deliver doon ang album ng isa pa nilang kliyente. Pero ang kanilang paksa ay ang kasal na hinawakan nila nang nakalipas na linggo lang. Iyong kasal na ginanap sa FernwoodGarden.

"At least tapos na ang kalbaryo," nakatawang sabi nito subalit naiiling. "Wala na ang pinaka-demanding sa lahat."

"Sa parte mo, oo, pero sa akin? Kagagaling lang niya sa studio ko para mamili ng mga shots na ia-album. As expected, ang daming comments, ang daming inarte. Kesyo bakit daw ganoon ang itsura niya? Pangit daw ang anggulo niya. Sino kaya ang may kasalanan? Pinagpo-project ko siya, ayaw niyang sumunod. Mas maganda daw iyong posing niya. Tapos ngayong makita ang resulta, ang pangit daw niya. Ako lang ba ang dapat sisihin doon? Inaalagaan ko ang anggulo ng subject ko lalo na iyong mga brides. Pero kung kagaya naman niya, ayaw niyang maki-cooperate so ano ang dapat na asahan? Hindi naman ako magician."

"Uminom ka nga nang mahimasmasan ka." Inabutan siya nito ng bottled water.

"Salamat." At agad naman niya iyong ininom. "Imbiyernang-imbiyerna talaga ako sa kasalang iyon. Anhin ko na lang ay mag-walk out. At eto pa kamo, ha? Hindi bale sanang mahirap na nga siyang kliyente. Kaso mo, sobrang barat. Puro discount at freebies na ang hiningi niya sa akin noong magsara kami ng deal tapos ngayon, nanghihingi pa ng kung anu-ano? Grabe talaga. Grabeee!" kulang na lang ay tumili siya sa kunsumisyon.

"Gusto mo ng Valium, Mica?" ngisi sa kanya ni Jenna.

"Luka-luka!" sabi niyang napatawa.

"Nanggagalaiti ka na, eh. Pag-usapan na lang natin ang kasal ni Alex. She's getting married soon."

"As if I do not know," nakatirik ang matang sagot niya. "Kagaya sa mga naunang wedding girls, may discount ang serbisyo ko."

"Ganoon namang talaga ang kalakaran sa atin." At tumigil si Jenna. Tinitigan siya nito.

"May dumi ba ako sa mukha?" tanong niya na mabilis binuntutan ng pagtawa. "Very cliché. Huwag mo akong titigan ng ganyan, Jenna. Kung ano ang nasa isip mo, tumigil ka."

"Ano ba ang nasa isip ko?"

"Na ako na lang ang hindi pa mag-aasawa sa ating lahat."

Napahagikgik ito. "Papasa ka nang manghuhula. So, kailan ka?"

"Not in the near future."

"Start with the basics. Go out dating."

She rolled her eyes. "I'm busy."

"Walang babaeng sobrang busy para hindi magkaroon ng oras na makipag-date paminsan-minsan."

"Hindi ko type ang mga nag-aaya sa akin para makipag-date."

"Ipapakilala kita sa mga kaibigan ni Jaime. Marami pa sa kanila ang very much available. At huwag mong isnabin. Guwapo at makapal ang bulsa."

Umirap siya. "Madaling umoo kung mukhang pera ako."

"I don't mean offense. Ang ibig ko lang sabihin, mga succesful na rin sila. Ang bottom line, iyon nga, mayayaman."

"Marami ding mayayaman sa gawi namin," nangingiting sabi niya.

"Sorry. Nakalimutan kong sa Ayala-Alabang ka nakatira."

"Tigilan na nga natin itong usapan na ito. Nakakailang, eh."

Oo nga at mayaman sila pero hindi siya sanay sa sirkulo ng nasa alta sosyedad. Ang kanyang papa at Auntie Ruth, manapa. Literal na kabungguang siko ang mga matrona na patronage ng kung anu-anong foundation at organization. Maging ang mga makapangyarihan sa gobyerno ay personal na kilala ng mga ito pero hindi siya. Simple lang siya mula't sapul. Mas kumportable siya sa mga karaniwang tao o bagay man. Bihirang-bihira siyang matatagpuan sa mga social function ng mga elitista. At kung naroroon man siya, tiyak na mapapansing tila kinakati siya at halos magkumahog na makaalis sa ganoong uri ng pagtitipon.

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon