WG Jamaica - Part 5

513 12 0
                                    

NASA HUNTER Valley Resort si Mica at ang staff niya. Isang bagong tourist spot daw iyonsa Nueva Ecija. Pero hindi siya naroroon upang magliwaliw. Location shooting iyon para sa pre-nuptial pictorial ng kanyang kliyente. Ang kasal nito dalawang buwan mula ngayon ay doon din gaganapin ang reception.

Tagaktak na ang pawis niya subalit wala siyang reklamo. Ni hindi siya nagbibilang kung ilang memory card na ang napupuno ng mga digital shots niya. Sa halip ay nag-e-enjoy pa siya. Wala siyang iniwan sa pagong na initsa sa tubig.

"Higa ka, Myr," utos niya sa bride-to-be. Inayos niya ang posisyon nito bago niya hinarap ang partner nito na iba naman ang anggulo. "Okay, smile, ha. Iyong natural lang. And you, Brent, don't smile. Kunwari ay nakatingin ka lang kay Myr. Please stare at her lovingly." At nagsimula na siyang pumindot sa kanyang camera.

Ilang posing pa ang pinagawa niya sa magkapareha bago siya nag-deklara ng break. Masyado nang matindi ang sikat ng araw. Hindi na maganda ang magiging exposure niyon at isa pa, hindi na rin sila magiging kumportable pare-pareho. Napansin na niyang nagsimula na ring maasiwa ang subject niya. Hindi na makangiti nang matino. Napapakunot na ang mga noo dahil sa pagsisikap na labanan ang pagkasilaw sa araw.

"May pictorial pa tayo mamayang hapon, di ba?" sabi sa kanya ni Myr.

"Oo naman. Magpapalipas lang tayo ng oras." Request din ng kliyente niya na magkaroon ito ng pictorial habang dapit-hapon. At iyon din naman ang isang bagay na gustong-gusto niya. Malaking hamon sa kanya ang matinong exposure sa ganoong oras. Hindi madaling kumuha ng litrato kapag ganoong tila sa bawat segundo ay nag-iiba ang kulay ng paligid.

Pinakain sila nina Brent at Myr ng tanghalian. Ikinuha rin sila nito ng cottage upang makapagpahinga sila. Pero habang ang staff niya ay nagkani-kaniya nang puwesto upang umidlip, ang hinarap naman niya ay ang laptop niya. I-d-in-ownload niya agad ang mga kuha. Inihiwalay na niya ang maganda sa hindi. Mamaya, pagkatapos ng susunod pa nilang pictorial ay hindi na masyadong marami ang tatrabahuhin niya.

"Ang init! Parang ang sarap magbabad sa tubig," sabi sa kanya ng isa niyang staff, si Dondon. Isa ito sa tatlong pioneer staff niya. At ito ang pinaka-kanang kamay niya. Magaan itong ka-trabaho. Madalas ay hindi na niya kailangan pang mag-utos at alam na nito ang gagawin.

"Di, maligo ka. Tingnan ko lang kung di ka ma-sunburn," ngisi niya dito.

"Ate naman," anito. "Balat-kalabaw na ako. Hindi na ako tatablan ng sunburn." Lumakad na ito patungo sa swimming pool.

"Bahala ka. Alas kuwatro, resume na tayo, ha?"

"Yes, Ate."

Ate ang tawag sa kanya ng staff niya. Ayaw niyang magpatawag ng ma'am. Sa studio niya, para lang silang magkakabarkada. Tama na sa kanya ang paggalang na Ate. Hindi naman siya kagaya ng posisyon ng Auntie Ruth niya na dapat lang na tawaging ma'am.

Naalala niya ito at ang kanilang bisita. Isang linggo na ring sa kanila tumutuloy ang mag-ina. Pero bihira niyang makita ang mga ito maliban na lang noong isang umaga na sabay-sabay silang nag-almusal.

Kanina, madaling-araw pa lang ay nagbiyahe na siya para nga sa sa location shooting na ito. Sa mayordoma na lang siya nakapagpaalam dahil ayaw niyang gambalain ang kanyang papa at Auntie Ruth. Kabisado na niyang alas sais pa ang gising ng mga ito.

At malamang ay himbing pa rin ang kanilang mga bisita. Nang kunin niya ang pick-up sa garahe, nakita niyang nakahimpil din doon ang kotse ng mag-ina. Minsan ay naisip niya kung inarkila lang kaya ng mga ito ang kotseng iyon. Kung binili kasi iyon ay ang bilis naman. Kadarating lang ng mga ito sa Pilipinas.

Pero nagkibit na lang siya ng balikat. Alam naman niyang hindi kumplikado ang mga ganoong bagay kapag may perang gagamitin.

Pumutol sa daloy ng isip niya ang isa pa niyang staff na lumabas sa cottage. Naka-shorts lang ito at may sampay na tuwalya sa balikat.

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon