WG Jamaica - Part 3

580 20 0
                                    

"BAKIT ganyan ang ayos mo? Saan ka galing?" Unang nakabawi si Auntie Ruth. At kulang na lang ay maghumindik ang itsura nito sa kanya habang pabulong siyang tinatanong.

"Bakit, ano ang masama sa itsura ko?" patay-malisyang sagot niya. Of course, kanina pa niya alam na malayo sa nakapustura ang itsura niya pero hindi naman mortal sin kung nangingintab ngayon ang kanyang mukha at tila hinahabol siya ng suklay.

"Pumupunta ka dito ng ganyan ang ayos mo?"

"Hindi lang ako nagsuklay at nagpulbos ngayon. Pero ganito rina ng get-up ko ng mga nakaraang araw."

"Que barbaridad! Paano ka namin ipapakilala sa mga kaibigan ko?"

"It's all right, Auntie. Kunwari ay hindi ninyo ako kilala." Ngumiti siya na parang walang anuman iyon.

"Of course not! Hinawakan siya nito sa kamay at sapilitang ipinihit paharap sa mga kasama."

"Roman, may excuse naman pala si Jamaica," kaswal na sabi nito. "Anyway, Lydia, this is Jamaica. Hija, si Tita Lydia mo. Siya ang best friend ko na matagal nang namamalagi sa States. And there's Christian. Ang kaniyang unico hijo at inaanak ko. Pasensya na kayo sa itsura niya. Nasiraan siya ng sasakyan at ang tagal daw niyang naghahanap mng mekaniko..."

Hindi na niya naunawaan pa ang ilang kasinungalingang tinuran ni Auntie Ruth para i-justify ang itsura niya. Wala na rin siyang balak na maghimagsik pa kung ikinahihiya man nito ang anyo niya ngayon.

Dahil pagkarinig pa lamang sa pangalan ng lalaki—at idagdag na ang pagkakita niya sa mukha nito, siya mismo sa sarili niya ay biglang nag-alangan. Parang gusto niyang takbuhin ang kanyang kotse at halungkatin sa kanyang bag ang Clinique compact powder niya na matagal nang naghihintay ng kanyang atensyon.

Kahit kailan ay hindi pa niya naranasang ma-conscious maliban ngayon. At hindi niya maintindihan kung bakit. Ito rin ang lalaking tinaray-tarayan niya sa Fernwood kamakailan lang.

Hindi niya maunawaan kung mapapahiya siya o magagalit. Nakatingin sa kanya ang lalaki. Kaswal ang pagkakangiti nito pero sa mga mata nito ay mababasa ang iba pang ekspresyon. At hindi niya alam kung paranoid lang siya para mag-isip na tila pinagtatawanan nito ang kanyang itsura.

And she could believe it! Sa matagal na panahon ay kumportable siya sa ganoong anyo. Hindi niya naisip na darating ang ganitong panahon na bigla ay nais niyang humarap sa salamin at magpaganda.

"We've already met, haven't we?" Nagulat pa siya nang lumapit sa kanya ang lalaki. Nakalahad ang palad nito at alam niyang kailangan niyang tanggapin ang pakikpagkamay nito.

"Really, hijo?" sabad agad ng mama nito. "Small world indeed," dagdag pa nito.

"Sa Fernwood, Mama. Galing ako doon noong isang araw." At bumaling ito sa kanya. "May camera ka pa ngang nakasabit sa leeg, hindi ba?"

Napatango na lang siya.

"Photography is her hobby," salo agad ng Auntie Ruth niya.

Nagbuka siya ng mga labi upang ipagtanggol na trabaho ang ipinunta niya sa lugar na iyon pero mas maagap na nakapagbitiw ng salita ang kanyang papa. "Ruth, hindi ba't nagpahanda ka ng hapunan sa bahay? Doon na natin ituloy ang kuwentuhan."



CONVOY ang apat na sasakyan. Nauuna ang Pajero ng kanyang papa. Sakay niyon ang papa niya at ang kanyang Auntie Ruth. Kasunod niyon ay ang kanyang Beetle. Sa likuran niya ay ang Ford Lynx na sinasakyan ng mag-inang Lydia at Christian. Sa huli ay ang BMW ng Auntie Ruth niya na minamaneho ng driver nito.

Sinulyapan ni Jamaica sa salamin ang sarili.

Nag-improve na ang itsura niya. Labandera look pa rin ang hairstyle niya pero maayos na iyon. Wala na ang mga hibla ng buhok na basta na lang nakakalat sa paligid ng kanyang mukha kanina. Hindi na rin nangingintab ang kanyang mukha. Bago siya umalis sa parking kanina ay mabilisan na niyang hinaplos ng moist tissue ang kanyang mukha at nang mapreskuhan ang kanyang balat ay saka siya nag-apply ng compact powder. Nag-lipstick pa siya nang manipis.

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon