WG Jamaica - Part 13

432 11 0
                                    

EXCITED siyang nagtungo sa condo ni Christian. Kanina ay ang mama nito ang tinanong niya kung nasa condo na ito. At naroroon nga raw ito. Magpapahinga lang daw muna sandali at pupuntahan siya. Kaya naman lalo siyang nagmadali. Gusto niyang naroroon na siya bago pa ito umalis. Matamis ang ngiting nakaguhit sa kanyang mga labi. Tiyak niyang matutuwa ito sa kanyang sorpresa.

Hindi lang ang adobo ang sorpresa niya kundi pati na rin ang kanyang sarili. Nagpaganda siya at nagpabago nang husto. Naligo siya nang mabuti, tiniyak na hindi siya amoy-ulam kahit na kalahating araw siyang nakababad sa kusina.

She parked her Beetle. She felt good at bagay sa mood niya ang kulay ng kotse kaya iyon ang kanyang ginamit. Bitbit ang palayok ng adobo ay nagtungo na siya sa palapag na kinaroroonan ng condo ng binata.

Pagatapat sa pinto niyon ay hindi muna niya pinindot ang doorbell. Mayroong gumapang na kaba sa kanyang dibdib. At inisip niyang dala marahil iyon ng sarili niyang excitement sa sorpresang gagawin.

Isang paghinga ang ginawa niya. Hinagod din niya ang kanyang buhok at sinalat ang dulo ng ilong. Bago bumaba ng kotse ay nakapag-retouch na siya pero gusto niyang makatiyak na hindi nangingintab ang kanyang mukha.

Niyakap niya sa isang kamay ang palayok at pagkuwa ay inabot ang doorbell. Subalit bago niya madiinan iyon ay bumukas na ang pinto.

Napatanga siya. Ang papalabas doon ay isang babae na maganda, matangkad at sexy ang suot. Sexy pero hindi cheap. Sosyal manapa. Kunot ang noong tumitig ito sa kanya.

"Mica?!" buhat sa likod nito ay ang gulat na gulat na si Christian. Gusto niyang tumawa nang mapait. Hubad-baro ito at bukas ang zipper ng pantalon! Nasorpresa nga niya ang binata. Pero siya man ay ganoon din. Sorpresang-sorpresa.

Hindi siya kumibo. Naningkit ang mga mata niya at nagtagis ang mga ngipin. Ang mga kamay niyang pareho nang nakahawak ngayon sa palayok ay nanginginig. At parang ginatungan ang dugo niya na nagsisimula nang kumulo nang bumaba ang tingin ng babae sa hawak niya.

Gusto niyang magsalita pero pakiramdam niya ay sisigaw siya nang malakas kapag ibinuka niya ang mga labi. She felt so betrayed. Bigla ang pagsalakay ng sakit sa kanyang dibdib. Lalo na nang gumala ang kanyang mga mata at makita sa leeg ni Christian ang kiss mark.

"May taga-rasyon ka pa yata ang ulam dito, darling," sarkastikong sabi nito at lumingon kay Christian.

"Umalis ka na, Gemma," taboy nito sa babae.

Bumaling ito sa kanya. "I'm Gemma. I'm sure hindi mo ako kilala. Pero gusto kong malaman mo kung ano ako ni Christian. Asawa."

Nanigas ang likod niya.

"Damn it, Gemma! Divorced na tayo. Hindi na tayo mag-asawa."

"Ginagawa pa rin natin ang ginagawa ng mag-asawa."

"Umalis ka na!" sigaw ni Christian.

Tila balewala naman dito ang pagsigaw ni Christian. Nagkibit lang ito ng balikat at tinapunan pa siya ng nanunuyang ngiti. Tila sinadya pang paimbayin ang mga balakang nang magsimulang lumayo.

Napapitlag pa siya nang maramdaman niyang hinihila siya ng binata papasok sa unit nito.

"Mica, please, kung anuman ang iniisip mo, mali iyon."

"Y-y-you are so defensive, Christian. Ni hindi mo alam kung ano ang iniisip ko," halos mautal na sabi niya. She felt like crying pero sasabunutan niya marahil ang sarili kapag umiyak siya doon. Ayaw niyang magmukhang kawawa.

"Please hear me," tila samo ni Christian sa kanya.

Hindi siya kumibo pero hindi rin siya tuminag sa kinatatayuan.

"She's my ex-wife. Noong isang araw pa siya dumating mula sa States. Sabi niya, she wants me back. Nagsisisi daw siya na nag-divorce kami. I told her tapos na sa amin ang lahat. Natapos na noong mapawalang-bisa ang aming kasal. Marami kaming incompatibilities at pareho kaming walang balak na mag-compromise. I knew then that sooner or later, sa divorce naman talaga mauuwi ang lahat.

"Siya ang dahilan kung bakit hindi ako nakarating agad noong party ni Ninang Ruth. Ayaw niya akong pakawalan kahit paikot-ikot na lang ang usapan namin. Ako lang daw ang dahilan kaya umuwi siya sa Pilipinas. Na pagkatapos ng ilang taong paghihiwalay namin ay na-realize niyang ako pa rin ang gusto niya at hindi ang ilang lalaking nakarelasyon niya pagkatapos ng divorce namin.

"Balewala sa akin ang mga paliwanag na iyon ni Gemma. Tapos na sa amin ang lahat. I even made that clear to her noong gabi ring iyon. I was stressed out. Hindi dahil sa apektado pa ako ng muli naming pagkikita kundi dahil sa walang tigil na pagsasalita niya na wala namang importansya para sa akin. Nairita ako nang husto."

Naririnig niya subalit mas higit na nakatutok ang atensyon niya sa kiss mark nito. Hindi lang pala isa iyon. Mayroon siyang nakita sa dibdib nito. At mayroon ding sa ilalim ng pusod. Her imagination ran wild. At lalo iyong nagdulot ng kirot sa dibdib niya.

"I even told her na huling pagkikita na namin iyon. Wala na kaming dapat na pag-usapan pa. Hindi ko alam na masusundan niya ako dito. Nagulat na lang ako nang dumating siya."

"Pero hindi ka siguro nagulat nang tadtarin niya ng kiss marks!"

"M-Mica."

"M-Mica ka diyan," patuyang gagad niya dito. "Ewan ko sa iyo kung paano mo ipapaliwanag iyan."

Pumihit na siya upang iwan ito. Napatigil siya at bumaba ang tingin sa palayok na hawak. Parang gusto pa niyang matawa na hanggang ngayon ay hawak niya iyon. At naisip niya kung paano niya pinaghirapan iyon.

Nilinga niya si Christian. Tila nais siya nitong habulin na hindi naman magawa. At naisip niyang hindi dapat na masayang ang hirap niya sa adobong iyon.

Bumalik siya dito.

"Para sa iyo naman itong talaga, eh. Pinag-aralan ko pa itong lutuin," lalanggamin sa tamis ang pagkakangiti niya. Inalis niya ang takip ng palayok. At hindi na nagdalawang-isip pang ibinuhos iyon sa ulo nito.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon