WG Jamaica - Part 14

489 13 0
                                    

HINDI siya makapaniwala. Hindi niya akalaing magagawa niya ang ganoon. Kahit kailan ay hindi niya inisip na puwede siyang maging bayolente. Pero marahil ang sakit na ibinigay sa kanya ni Christian ang nagtulak sa kanya upang gawin iyon.

Gusto niyang magsisi. Gusto niyang humingi ng paumanhin dito pero mas masakit ang nasa dibdib niya. Mas masakit na isipin kung ano ang ginawa nito at ni Gemma.

Isang pagtataksil ni Christian iyon sa kanya.

At mas mahirap na mawala iyon kaysa sa lagkit ng adobo sa katawan nito na makukuha namang mawala sa isang paligo.

Tinuyo niya ang luha sa kanyang mga mata. Sinabi niyang hindi siya iiyak pero nang bumalik siya sa kanyang sasakyan ay hindi na niya napigil pa ang kanyang luha. Pinagbigyan niya ang kanyang sarili na umiyak upang makagaan din naman iyon sa kanyang kalooban. Pagkuwan ay inayos na niya ang kanyang sarili at umalis doon.

Sa halip na umuwi ay nagtungo siya sa Market! Market! Doon siya nag-ubos ng oras at nang makaramdam ng gutom ay pumasok siya sa isang Chinese Restaurant at inorder ang lahat ng pagkaing sa tingin niya ay masarap. Alam niyang nagulat ang waiter dahil sa dami ng order niya, tila labing-dalawa ang kasama niyang kakain. Pero wala siyang pakialam. Ibubuhos niya sa pagkain ang depression niya. Puwede naman niyang ipabalot ang hindi niya mauubos.

At ganoon nga ang nangyari. Halos tig-dalawang kutsara lang ang naibawas niya sa bawat putahe na puwedeng makabusog sa dalawa hanggang tatlong tao. Nadagdagan ng kung ilang libo ang credit due niya sa Visa pero okay lang iyon sa kanya. Mauubos din naman ang mga pagkaing iyon kapag ibinigay niya sa mga kawaksi.

Busog naman ang pakiramdam niya nang lumabas ng restaurant at marami pang take-out. Tiyak niyang magugulat ang mga nasa bahay pero matutuwa rin ang mga iyon.

Pero mas nagulat siya nang papauwi na siya ay sumalubong sa kanya ang di-mabilang na poste ng bulaklak. Mula gate hanggang sa main door ng bahay ay may nakahilerang pedestal na para bang bigla ay na-convert ang kanilang drive-way sa isang wedding aisle. Kulang na lang ay mga tulles.

"Bakit may ganyan? Hindi naman anniversary nina Papa?" tanong niya sa guwardiya.

"Ewan ko lang po, ma'am."

Tumaas ang kilay niya. Wala siyang alam na okasyon para mapuno ng bulaklak ang kanilang bakuran kaya iisa na lang ang pumasok sa isip niya. Si Christian.

Idiniretso niya sa garahe ang kotse. Naroroon ang din ang kotse ni Christian subalit hindi niya ito natanaw.

"Mabuti naman," aniya sa sarili at humakbang na patungo sa hagdan.

"Para sa iyo ang mga bulaklak," sabi sa kanya ni Christian. Buhat sa sala ay sinalubong siya nito.

Inirapan niya ito. "Aanhin ko naman ang mga bulaklak na iyan? Nag-aksaya ka pa ng pera. Ang dami-dami, wala namang kuwenta," insulto niya.

"Mica, apat na flower shop pa ang inorderan ko ng mga iyon."

"OA ka, Christian. Saka hindi mo kailangang isumbat sa akin ang effort mo sa mga iyan. I didn't ask for those flowers. Pakialam ko kung pakyawin mo man ang lahat ng bulaklak sa mga flower shop?"

"I'm sorry."

Umismid siya. "Hindi ko matatanggap ang sorry mo. Umuwi ka na at dalhin mo iyang mga bulaklak mo. Baka akalain pa ng makakakita na funeraria na itong bahay."

Nakita niyang nasaktan ang binata sa insulto niyang iyon pero tumalikod na siya. Mas gusto niyang indahin ang sariling sakit na nararamdaman niya kesa sa kirot na gumuhit sa mukha nito.



NANG PUMUNTA siya sa studio kinabukasan at datnan ang marami ring bulaklak doon ay hindi na siya nagtaka. Nakasimangot siyang pumasok kaya napigil ang tangka sanang panunukso ng mga empleyado niya.

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon