WG Jamaica - Part 6

493 14 0
                                    

NAHIMAS ni Mica ang kanyang leeg. Naibaba na niya ang kanyang staff at magkakanya-kaniya nang uwi ang mga iyon. Pagod siya pero masaya ang kanyang pakiramdam. Ini-imagine niya ang sarili na nakalubog sa whirlpool bath. She desevred it after a hard day's work. Pinasibad na niya ang kanyang sasakyan upang makauwi na at maisakatuparan na ang pagre-relax.

"Hi!" bati sa kanya ni Christian. Nadatnan niyang nakataas ang hood ng kotse nito nang igarahe niya ang sasakyan. "Long time no see."

Napangiti siya. "Malaki lang siguro itong bahay at hindi tayo magkita," pabirong sagot niya.

"Malayo siguro ang pinuntahan mo. Ngayon ka lang nakauwi, eh."

Magtataas sana siya ng kilay subalit pinigil niya ang sarili. Wala namang tono ng paninita ang pangungusap nito. Sumandal siya sa pick-up. "Sa Nueva Ecija ako galing. Trabaho. Ano ang kinukutkot mo riyan?" tanong na lang niya.

"Just checking. Wala kasi akong magawa. Naiinip ako."

"Bakit hindi ka mamasyal?"

"Nakakainip ding mamasyal kung mag-isa lang. Yayayain sana kita kaya lang wala ka naman."

Natigilan siya. Hindi niya alam kung disimuladong pag-iimbita iyon.

"Sina Auntie? Hindi pa ba dumarating?" Lagpas dinnertime na. Karaniwan nang nakauwi ito ng ganoong oras. Ang papa lang naman niya ang nakasanayan na niyang medyo gabi na kung umuwi.

"May pinuntahan sila ni Mama. Umuwi lang dito para magpalit ng damit."

"Hindi ka sumama?"

Umiling ito. "Ilang araw na rin akong driver nila," pabirong sagot nito. "Kumain ka na ba, Mica?"

"Kanina. Huminto kami sa San Miguel para kumain."

"Di, gutom ka na ulit? Hindi pa ako kumakain. Nakakatamad naman kasing kumain ng walang kasabay. Kung sabay na tayong kumain?"

"Sige," mabilis naman siyang pumayag.

Nagpaalam siya dito na magpapalit lang ng damit. Nang makababa siya, nakahanda na ang mesa at siya na lang ang hinihintay.

"Kain na tayo," anito at dumulog na sila sa mesa.

Kaagad niyang napansin ang dagdag na pagkain sa hapunang nakasanayan na niyang inihahanda ng kanilang kusinera. "Nag-request ka kay Manang Seling ng pork and beans?"

Ngumiti ito. "Actually, medyo nakialam ako sa kusina. Ako ang nagluto niyan."

"Talaga? Aber, matikman nga." Inabot niya ang serving bowl. "Masarap, ah!" sabi niya pagkuwan. "Mukhang magaling kang mangusina. Daig mo pa ako."

"Alam mo naman sa States, hindi uso ang katulong. Actually, mas mahilig pa akong magluto kaysa kay Mama."

"Talaga?" sabi niya uli, bilib na bilib dito. "Ano pa ang alam mong lutuin?"

"Beef casserole, burger, fries, mashed potato."

"Pagkaing Pinoy, marunong ka?"

"Caldereta, menudo, paksiw, kare-kare, crispy pata."

"Wow, Christian! Totoo bang lahat iyan? Baka naman ginugudtaym mo na ako?" aniya habang sarap na sarap sa pork and beans. Malayo ang lasa niyon sa de-latang pork and beans.

"Oo naman. Hindi ko pa nga nasasabi sa iyo ang specialty ko, eh."

"And what is it?"

"Adobo."

Tumawa siya. "Naks, paborito ko iyon, eh. Pinabibilib mo akong talaga, ah? Kaya mo bang talunin si Manang Seling? Wala nang sasarap pa sa adobo ni Manang Seling."

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon