WG Jamaica - Part 8

439 11 0
                                    

NASA veranda si Mica ng ikalawang palapag ng bahay nila. Hindi niya alam kung ano ang iisipin niya. Pinagtatakhan pa nga niya ang sarili kung bakit siya naroroon. Hindi niya ugaling magtungo doon kahit katabi lang iyon ng kuwarto niya. Mas madalas ay kuntento na siya sa loob ng kanyang silid.

Pero hindi kasi siya mapakali sa kanyang silid kaya doon siya napunta. Gabi na siyang dumating. Sinadya niyang tapos na ang oras ng hapunan nang umuwi siya. Hindi naman totoong umalis siya ng studio. Doon lang siya nagpalipas ng oras matapos niyang mapagtagumpayang itaboy si Christian.

Hindi rin niya kayang ipaliwanag ang inasal niya kanina. Basta ang alam niya ay matinding pagkailang ang naramdaman niya kanina at wala siyang nais na gawin ng mga sandaling iyon kundi ang mawala sa kanyang paligid ang binata.

Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili. Suddenly, she became so consious of herself for being so aware of Christian as an opposite sex. Mayroong ideyang idinidikta ng kanyang isip tungkol doon pero ayaw niyang bigyan ng pagkakataong makasiksik iyon sa kanyang utak.

Isang mariing pag-iling ang ginawa niya. Kuntento na siya sa buihay niya. Sapat na sa kanya na nagugulo ang isip niya sa karerang mahal niya at sa pangungulit sa kanya ng mga magulang na bigyan ng pansin ang kanilang bangko. Labis na nga sa sapat iyon kung tutuusin. Hindi na niya kailangang dagdagan pa ng kumplikasyon ang buhay niya.

Isang paghinga ang pinakawalan niya. Walang dudang isang malaking kumplikasyon ang hatid sa kanya ni Christian—iyon ay kung sariling pakiramdam ang pagbabasehan niya. Naiinis siya sa kanyang sarili kung bakit ganito ang nararamdaman niya. Mabuti na lang at nang makauwi siya ay wala ang sasakyan ni Christian sa garahe. Kung nagkataon ay kakailanganin pa niyang umiwas.

Pinagsalikop niyang lalo ang roba na suot niya nang maramdaman ang malamig na dapyo ng hangin. Bumaba ang tingin niya sa swimming pool na katapat ng veranda. Kung hindi lamang may iniiwasan siya ay lulusong siya doon. Walang kaso sa kanya kung maginaw man ang hangin o hindi—o kahit na umuulan pa, lagi na ay epektibo sa kanyang pampahimbing ng tulog ang paglalangoy.

Napakislot siya nang makita niyang papasok sa kanilang bakuran ang kotse ni Christian. Tila nakakita siya ng multo na biglang pumihit upang bumalik sa kanyang kuwarto. Subalit napatda siya nang pagpihit niya ay papalapit na sa kanya si Christian.

"Naririto ka pala," banayad na sabi nito.

Awang naman ang kanyang mga labi. "Lumipad ka ba? Binubuksan pa lang ng guwardiya ang gate," litong sabi niya.

Ngumiti ito nang payak. "Si Mama ang sakay ng kotse. Kanina pa ako dito. Kanina pa kita hinihintay. Kung hindi pa ako nagtanong uli ay hindi maaalala ng katulong na sabihin sa akin na dumating ka na pala."

Napalunok siya. "Bakit? May kailangan ka?"

Tila kumislap ang mga mata nito. "Kung sa kailangan ay mayroon. Pero kung sasabihin ko sa iyo ay baka..." ibinitin nito ang pangungusap at saka napailing. "Kumain ka na ba, Mica?" he asked softly.

Gusto niyang mapangiti sa thoughtfulness nito subalit sinupil niya iyon. "Tapos na," sagot na lang niya at humakbang na. "Babalik na ako sa kuwarto ko."

"Ang bilis naman, Mica," anito at humawak sa kanyang braso.

Bumaba ang tingin niya doon. "May pag-uusapan ba tayo?" tanong niya na tila tumutulay sa tensyon ang tono.

"We can talk anything under the sun but..." isang mabilis na paghinga ang ginawa nito. "Ito ang mas gusto kong gawin, Mica."

At siniil siya nito ng halik.



BIGLANG-BIGLA siya sa ikinilos nito. At tila naestatwa na lamang siya sa kinatatayuan. Isang bahagi ng isip niya ang mariing tumututol pero tila mas malaking bahagi ang nag-uutos sa kanyang magpatianod na lamang siya sa nangyayari.

Soon, she was tasting his kisses. Soon she was closing her eyes. At tila ay unti-unti siyang tinutunaw ng halik nito. Sa isang mas malalim na pangangahas nito sa kanyang bibig ay gumanti siya ng halik. At narinig niya ang isang pag-ungol buhat dito.

Higit na maalab ang kanilang halik. Kasabay niyon ay ang tila pagkaliyo niya sa masarap na sensasyong pumupuno sa kanyang katawan. Napakapit siya sa braso ni Christian. At mabilis din namang nagsalikop ang mga braso nito sa kanyang bewang at kinabig pa siya nito.

She almost cried aloud. Masarap na masarap ang paggapang ng kiliting nararamdaman niya. Sa bawat sandali ay lalong umiinit ang halik. At sa bawat sandali ay para din siyang matutupok.

Hindi niya alam kung gaano katagal nilang ginagawa iyon. Parang nagulat pa siya at nais na magprotesta nang tapusin nila iyon.

"I can kiss you all night, Mica. I want to kiss you all night and more..." sabi ni Christian habang nagtatanim naman ito ng maliliit na halik sa sulok ng kanyang mga labi. Maging ang ganoong mumunting halik ay nagdudulot ng kiliti sa kanya.

Hindi siya nagsalita. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya. Ni hindi nga niya alam kung bakit bigla na lamang itong nangyari. Oo nga at pinangahasan siya ni Christian subalit sa una lang iyon. Tumugon siya sa halik nito. At tumugon ng kaparehong init.

Sa naisip ay kagyat na nag-init at namula ang kanyang mukha.

"What's that for?" tila aliw na tanong sa kanya ng binata. "Namumula ka."

"I'm confused," sabi na lang niya. At naisip niyang tama lang ang tinuran. Iyon naman ang tunay na nararamdaman niya.

"I like you, Mica," saad nito at niyakap siya. "Parang nahuhulaan ko na kung bakit bigla mo akong itinaboy kanina. And don't you worry, hindi ako galit. Kaya nga kita hinihintay, gusto ko sanang mag-usap tayo. Pero mukhang umiiwas ka ring makipag-usap kaya..."

"Hinalikan mo na lang ako," aniya, tila mapapahiya sa sinambit.

Isang banayad na tawa ang pinakawalan nito. "Yes. Pero ang totoo ay noon ko pa gustong gawin iyon. Noong tinatarayan mo ako sa Fernwood. You're beautiful, Mica. And I'm so attracted to you."

Napapikit siya. Iyon ang kumplikasyong iniiwasan sana niya pero ngayon ay alam niyang sinuong na niya.

*****

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon