WG Jamaica - Part 11

404 10 0
                                    

PATUNGO si Mica sa bangko. At sa pagkakataong iyon ay tiniyak niyang maayos ang kanyang bihis at anyo. Talagang nag-ayos siya dahil espesyal ang okasyong iyon. Blow-out iyon ni Auntie Ruth sa mga empleyado dahil birthday nito sa darating na Sabado. Of course, sa mismong birthday nito ay silang pamilya na lang ang magdiriwang at tiyak na kasama na rin sina Lydia at Christian.

Dapat ay sabay sila ni Christian na magpupunta doon subalit tumawag sa kanya ang binata at nagpaumanhing may inaasikaso pa kaya nauna na siya. Hindi naman siya nagtanong pa. Ang alam niya ay busy ito sa pag-aaral ng kung ano ang papasuking negosyo sa Pilipinas. At wish niyang sana nga ay magtagumpay ito sa negosyong papasukin upang sa Pilipinas na nga ito maglagi at hindi na rin mauuwi sa long-distance ang kanilang relasyon.

"Hija, nandito ka na pala," bati sa kanya ng mama ni Christian. Sa opisina ni Auntie Ruth siya tumuloy. Wala roon ang kanyang tiya at sa halip ay ito ang nadatnan niya.

"Opo, Tita. Inagahan ko na para makatulong naman ako kay Auntie sa pag-aasikaso."

"Sa pag-eestima, sabihin mo. Umupa na siya ng party planner kaya pag-estima na lang ang pagkakaabalahan. How are you? Iisang bubong ang tinutuluyan natin pero hindi tayo halos magkita."

"Busy po kasi," katwiran niya.

"But not too busy to be with my son."

Napatitig siya dito at kagyat na nakadama ng pagkailang. Subalit mabilis na napalis iyon nang ngumiti ito.

"Don't get me wrong, Mica. Natutuwa nga ako na nagkakasundo kayo ni Christian."

Napatingin na lang siya dito. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot niya.

"Kailan mo naman ako tatawaging Mama, hija?"

"Po?!"

"I like you. Kung mag-aasawa rin lang uli si Christian ay ikaw na ang gugustuhin kong piliin niya."

Binaha ng tuwa ang puso niya. "T-thank you po."

"Akala ninyo siguro ay hindi kami nakakahalata. May mga mata kami. And lately, ilang araw na naging usapan ng mga katulong ang maraming bulaklak na ibinigay sa iyo ni Christian. And I know my son. Kuripot iyon pero hindi nagdadalawang-isip sa paggasta kung makakaligaya iyon sa taong mahal niya."

Napangiti na lang siya. Naalala niya nang gabing umuwi sila ni Christian. Wala ang dalawang babae na inaasahan nilang uusisa sa kanila sa dami ng mga bulaklak na iyon. Dinayo ng mga ito sa isang kaibigan sa Tagaytay at doon na rin nag-overnight.

"Tinatanong ko si Christian pero dinadaan lang ako sa ngiti ng batang iyon," sabi pa nito. "But I guess, what I see is what I get."

"Ganoon na nga po, Tita."

"Mama, Mica. From now on ay tawagin mo na akong Mama."

Nanlaki ang mga mata niya. "Nakakahiya naman po yata. Baka masyado pang maaga—"

Pumalatak ito at ikinumpas ang kamay. "Call me Mama."

Tumango na lang siya.

"Naipasyal ka na ba ni Christian sa condo? Katatapos lang na ipaayos iyon. Anytime nga ay puwede na akong lumipat doon. Nakakahiya naman kasi kay Ruth. Mahigit isang buwan na rin akong bisita sa bahay niya."

"Wala po kayang dapat na alalahanin kay Auntie. Kilala ninyo naman iyon. Talagang welcome kayo sa bahay."

"Maski na. Nakakahiya na rin lalo na kung ganyang may relasyon na kayo ni Christian. Mas maige kung hindi na kami nakatira doon tutal naman maayos na rin namang matitirhan iyong condo. One of these days, pupunta tayo doon, hija. Para makita mo naman ang lugar."

Wedding Girls Series 24 - JamaicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon