CHAPTER 2
Makalipas ang labindalawang taon...
Sabik na sabik si Colleen habang nasa daan papunta ng Maynila. Ngayon kasi ang araw nang paglipat nila sa bahay ng Kuya Carlo niya sa Maynila.
Nagkaroon kasi ng sakit sa bato ang Papa nila kaya kinailangan nitong dumaan sa isang operasyon. Dahil doon ay nabaon sa utang ang pamilya kaya napilitan silang maibenta ang nag-iisang bahay sa probinsya. Hindi na rin ganoon kaginhawa ang buhay nila katulad ng dati pero hindi naman matatawag na sobra na nilang hirap.
Simula nang magkolehiyo si Carlo ay sa Maynila na ito nag-aral. Kaya naman halos limang taon din sila na hindi nagkasamang magpapamilya. Nagkikita lamang sila nito sa tuwing may okasyon o kaya naman naiisipan nitong bisitahin sila sa probinsya kaya ganun na lamang ang pagkasabik niya sa kapatid.
Hindi niya napigilang sugurin ng yakap si Carlo pagkarating na pagkarating pa lang nila sa bahay. Naging sanhi pa iyon para mapatumba ito sa pagkakayakap niya. Nakangiting bumungad naman sina Bong at Eula sa pinto.
"Hay naku Carlo! Miss na miss ka na niyang kapatid mo! Alam mo ba na ang kulit-kulit niyan kanina sa byahe!" nakangiting sabi ni Eula.
"Kayo rin naman po, namiss ko kayong lahat! Naku, mabuti pa po siguro kung ayusin na natin ang mga gamit ninyo at nang makakakain na tayo. Mukhang pagod na rin ho kayo eh," sabi ni Carlo.
"Naku mabuti pa nga." Pasasalamat ni Bong.
Iyon lamang at tumulong pa sa pagliligpit ng mga gamit nina Bong at Eula si Carlo. Sinabi ng Papa niya sa kanya kanina na sa iisang kwarto na lang muna sila ng Kuya niya matutulog dahil hindi pa nagagawa ang kwarto niya. Tumango na lang siya at pumasok na sa loob ng kwarto ni Carlo. Napansin niya na nakasunod pa ng tingin sa kanya ang kapatid bago siya pumasok at nagkatitigan pa sila kanina pero agad din itong nagbaba ng tingin.
Bakit kaya parang ang weird ni Kuya? aniya sa isip pagkapasok sa loob ng kwarto.
Hindi na lang niya pinagtuunan ng pansin ang pagtataka at agad nang iniligpit ang sariling gamit.
"ANAK pasensya ka na ah, alam kong pinangako ko na sa 'yo ko na ibibigay ang bahay na ito para sana sa magiging pamilya mo pero heto kami ngayon at nakikitira na naman," sabi ng ama ni Carlo no'ng nasa hapagkainan na sila.
"'Pa, ano ba kayo, bakit ho kayo nag-iisip ng ganyan? Magkapamilya tayo at isa pa hindi n'yo naman ginusto na magkasakit kayo eh. Bukod doon wala pa rin naman akong balak na mag-asawa," natatawang sabi niya.
"Anak, ano ba kasing nangyari sa inyo ni Eliza? Akala ko ba magpapakasal na kayo bakit bigla-bigla eh hiwalay na pala kayo?" nagtatakang tanong ni Eula sa kanya na natigil saglit sa pagkain nito.
"'Ma, kung pwede lang po sana 'wag na nating pag-usapan. Kayo ang gusto kong makausap. Dapat natin sulitin ang oras na magkakasama na tayo ulit."
"Hay naku anak, ikaw ang bahala. Itong kapatid mo nga pala. Gusto ko na ipasok mo roon sa school na pinag-aralan mo noong college ka." Pag-iiba ng usapan ni Eula.
"'Ma! Pang matatalino lang po ang school na pinasukan dati ni Kuya! Nakakahiya baka bumagsak lang ako sa entrance exam!" Reklamo kaagad ni Colleen nang marinig ang sinabi ng ina.
"Aba, tingnan mo itong bata na ito. Walang katiwa-tiwala sa sarili niya. Kaya mo iyan, tuturuan ka naman ng Kuya Carlo mo!" Pagpapalakas ng loob ng mama niya sa natarantang si Colleen.
BINABASA MO ANG
3. Is it Wrong To Love You? (PUBLISHED BY LIB)
Teen FictionHindi totoong magkapatid sina Carlo at Colleen pero sabay silang pinalaki ng mga magulang nila. Paano kung mainlove si Carlo kay Colleen na inaakala ng lahat na kapatid nya? May pag-asa nga kayang magkaroon ng katuparan ang isang bawal na pag-ibig?